Bahagi 7: Ang Kasalanan ni Solomon (continued)

980 hanggang 975 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ang Mangangaral 8–9

1 Ano ang isang taong matalino? Ito ay isang taong nakakaalam ng kahulugan ng mga kaganapan sa buhay. Ang karunungan sa isang tao ay nagpapaningning ng kaniyang mukha, at ang katigasan sa kaniyang mukha ay nagbabago.

2 Pinapayuhan ko kayong sundin ang utos ng hari dahil sa pangako ng Diyos na ipagtatanggol siya. 3 Huwag magmadaling lumayo sa harapan niya at huwag kang mamalagi sa maling bagay, dahil magagawa ng hari ang anumang ninanais niya. 4 Ang salita ng hari ay maghahari, kaya sino ang magsasabi sa kaniya, “Ano ang iyong ginagawa?”

5 Sinumang sumusunod sa mga utos ng hari ay lumalayo sa kapahamakan. Ang isang matalinong puso ng tao ay nakikilala ang nararapat na landas at oras ng pagkilos. 6 Sapagkat sa bawat bagay ay mayroong wastong pagtugon at oras sa pagtugon, dahil ang mga kaguluhan ng tao ay napakalaki. 7 Walang nakakaalam kung ano ang susunod. Sino ang makapagsasabi sa kaniya kung ano ang susunod?

8 Walang may kapangyarihang pigilan ang paghinga ng hangin ng buhay, at walang may kapangyarihan sa araw ng kaniyang kamatayan. Walang tinitiwalag sa hanay ng hukbo habang nasa isang digmaan, at ang kasamaan ay hindi magliligtas sa mga alipin nito. 9 Naintindihan ko ang lahat ng ito; inilagay ko sa aking puso ang bawat uri ng gawa na naganap sa ilalim ng araw. Mayroong isang panahon kung saan ang isang tao ay may kakayahang gumawa ng masama sa iba.

10 Kaya nakita kong lantarang inilibing ang masama. Sila ay dinala mula sa lugar at inilibing saka pinuri ng mga tao sa lungsod kung saan nila ginagawa ang masasamang mga gawain. Ito rin ay walang pakinabang. 11 Kapag ang isang hatol sa isang masamang krimen ay hindi agad ipinatupad, hinihikayat nito ang puso ng taong gumawa ng masama.

12 Kahit isang daang ulit gumagawa ng masama ang isang makasalanan at nabubuhay pa rin sa mahabang panahon, gayon man alam ko na magiging mabuti sa mga gumagalang sa Diyos, siyang pinararangalan ang kaniyang presensiya sa kanila. 13 Ngunit hindi magiging mabuti sa isang taong masama; ang kaniyang buhay ay hindi pahahabain. Ang kaniyang mga araw ay katulad ng isang naglalahong anino dahil hindi niya pinararangalan ang Diyos.

14 May isa pang walang silbing usok - isang bagay pa na naganap sa ibabaw ng mundo. Ang mga bagay na nangyayari sa taong matuwid ay nangyayari din sa taong masama, at ang mga bagay na nangyayari sa taong masama ay nangyayari din sa taong matuwid. Sinasabi ko na ito rin ay walang silbing parang singaw.

15 Kaya ipinayo ko ang kasayahan, dahil ang isang tao ay walang mas mabuting gawin sa ilalim ng araw maliban sa kumain at uminom at maging masaya. Itong kasiyahan ang makakasama niya sa kaniyang gawain sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kaniya sa ilalim ng araw.

16 Nang ginamit ko ang aking puso upang malaman ang karunungan at maunawaan ang gawaing naganap sa ibabaw ng mundo, ang gawaing madalas nagaganap nang walang tulog para sa mga mata sa gabi o sa araw, 17 at namasdan ko lahat ng gawain ng Diyos at hindi maunawaan ng tao ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw. Gaano man ang pagsisikap ng tao para hanapin ang mga kasagutan, hindi niya ito mahahanap. Kahit na sa paniwala ng isang matalino ay alam na niya ang lahat, sa totoo lang hindi niya alam.

9:1 Dahil inisip kong mabuti ang lahat ng mga ito para maintindihan ang mga matuwid at matalino at ang kanilang mga gawa. Lahat sila ay nasa mga kamay ng Diyos. Dahil walang nakakaalam kung pag-ibig o pagkamuhi ang darating sa isang tao.

2 Ang lahat ng tao ay may parehong kapalaran. Parehong kapalaran ang naghihintay sa mga matuwid na tao at makasalanan, mabuting mga tao at masama, ang malinis at marumi, at ang nag-aalay at ang hindi nag-aalay. Tulad ng pagkamatay ng mabubuting tao, ganoon din ang makasalanan. Tulad ng pagkamatay ng nanunumpa, ganoon din ang taong takot gumawa ng panunumpa.

3 Mayroong masamang kapalaran para sa lahat ng ginawa sa ilalim ng araw, isang tadhana para sa lahat ng tao. Ang mga puso ng tao ay puno ng kasamaan, at kahibangan ay nasa kanilang mga puso habang sila ay nabubuhay. Kaya pagkatapos noon, pumupunta sila sa mga patay.

4 Dahil mayroon pang pag-asa para sa nabubuhay, katulad ng buhay na aso na mas maigi pa kaysa sa patay na leon. 5 Dahil alam ng mga nabubuhay na tao na mamamatay sila, ngunit walang alam ang mga patay. Wala na silang gantimpala dahil ang kanilang alaala ay nakalimutan na. 6 Ang kanilang pag-ibig, pagkamuhi, at inggit ay matagal nang naglaho. Hindi na sila magkakaroon ng lugar sa anumang bagay na ginawa sa ilalim ng araw.

7 Humayo ka, masaya mong kainin ang tinapay mo, at inumin ang alak mo nang may masayang puso, dahil pinapayagan ng Diyos ang pagdiriwang ng mga mabubuting gawa. 8 Lagi mong panatilihing puti ang iyong mga damit at ang iyong ulo ay pinahiran ng langis.

9 Masaya kang mamuhay kasama ang iniibig mong asawa sa lahat ng araw ng buhay mo nang walang pakinabang, ang mga araw na ibinigay sa iyo ng Diyos sa ilalim ng araw sa mga araw nang walang pakinabang. Iyon ang gantimpala ng buhay mo para sa ginawa mo sa ilalim ng araw. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

11 Nakakita ako ng ilang kawili-wiling bagay sa ilalim ng araw: Ang takbuhan ay hindi para sa mabibilis na tao. Ang labanan ay hindi para sa malalakas na tao. Ang tinapay ay hindi para sa matatalinong tao. Ang kayamanan ay hindi para sa mga taong may pang-unawa. Ang pabor ay hindi para sa mga taong may kaalaman. Sa halip, ang oras at pagkakataon ang nakakaapekto sa kanilang lahat. 12 Dahil walang nakakaalam ng oras ng kaniyang pagkamatay, tulad ng isda na nahuli sa lambat ng kamatayan, o katulad ng mga ibon na nahuli sa patibong. Katulad ng mga hayop, ang mga tao ay nakakulong sa masasamang panahon na biglang dumarating sa kanila.

13 Nakita ko rin ang karunungan sa ilalim ng araw sa paraan na kahanga-hanga para sa akin. 14 Mayroong isang maliit na lungsod na may kaunting mamamayan, at may isang malakas na haring dumating laban dito, sinalakay ito at nagtayo ng mga malalaking rampang pangsalakay dito.

15 Ngayon sa lungsod na iyon, mayroong isang mahirap na matalinong lalaki, na sa pamamagitan ng kaniyang karunungan ay nailigtas niya ang lungsod. Ngunit kinalaunan, walang nakaalala sa mahirap na taong iyon. 16 Kaya pinagpalagay ko, “Ang karunungan ay mas mainam kaysa sa kalakasan, ngunit ang karunungan ng mahirap na tao ay hinamak at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakinggan.” 17 Ang mga salita ng matatalino na sinabi nang pabulong ay mas naririnig kaysa sa mga sigaw ng sinumang pinuno sa mga mangmang. 18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga sandata sa digmaan, ngunit kayang sirain ng isang makasalanan ang maraming kabutihan.