Naghahanda si Solomon na Itayo ang Templo
Mga paghahanda para sa pagtatayo ng templo. Ang kamatayan ni Semei. Ang pag-aasawa ni Solomon.
1015 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Si Haring Solomon ay hari sa buong Israel. 2 Ito ang kaniyang mga opisyal: si Azarias, anak ni Zadok, ay ang pari. 3 Sina Elihoref at Ahias, mga anak ni Sisa, ay mga kalihim. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ay ang tagapagtala. 4 Si Benaias, anak ni Joiada, ay pinakamataas na pinuno ng hukbo. Sina Zadok at Abiatar ay mga pari. 5 Si Azarias, anak ni Natan, ay tagapamahala ng mga pinuno. Si Zabud, anak ni Natan, ay isang pari at kaibigan ng hari. 6 Si Ahisar ay aang namamahala sa sambahayan. Si Adoniram, anak ni Abda, ay namamahala ng mga kalalakihan na sakop sa sapilitang paggawa.
7 May labingdalawang mga pinuno si Solomon sa buong Israel, na nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kaniyang sambahayan. Bawat lalaki ay kailangang maglaan para sa isang buwan sa loob ng isang taon. 8 Ito ang kanilang mga pangalan: Si Benhur, para sa kaburolang bansa ng Ephraim; 9 Si Bendequer para sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at sa Elon-behanan, 10 si Ben-hessed, para sa Arubot (sa kaniyang pag-aari ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer) 11 Si Ben-abinadab, para sa lahat ng distrito ng Dor (asawa niya si Tafath, ang anak na babae ni Solomon); 12 Si Baana, anak ni Ahilud, para sa Taanac at Megido, at ang buong Beth-sean na nasa tabi ng Zaretan sa ibaba ng Jezreel, mula sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola kasing layo ng kabilang bahagi ng Jokmeam; 13 Si Ben-geber ang sa Ramot-Gilead. (sa kaniyang pag-aari ang mga bayan ni Jair, anak ni Manases, na nasa Galaad, at ang rehiyon ng Argob ay pag-aari niya, na nasa Bashan, animnapung malalaking mga lungsod na may mga pader at mga tansong rehas na tarangkahan); 14 Si Ahinadab na anak ni Iddo para sa Mahanaim; 15 Si Ahimaaz, para sa Neftali (pinakasalan niya rin si Basemat na anak na babae ni Solomon); 16 Si Baana na anak ni Husai, para sa Asher at Alot, at 17 si Jehoshafat na anak ni Parua, para sa Isacar; 18 Si Simei, anak ni Ela, para sa Benjamin; 19 at si Geber, anak ni Uri, para sa lupain ng Galaad, ang bayan ni Sihon, hari ng mga Amoreo at ni Og, hari ng Bashan, at siya lamang ang opisyal na nasa lupain.
20 Kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat ang Juda at Israel. Sila ay kumakain at umiinum at masasaya. 21 Naghari si Solomon sa buong kaharian mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto. Nagdala sila ng parangal at naglingkod kay Solomon sa buong buhay niya.
22 Ang pangangailangan ni Solomon para sa isang araw ay tatlumpung kor ng pinong harina at animnapung kor ng pagkain, 23 sampung matatabang baka, dalawampung baka galing sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa sa usa, mga gasel, mga usang lalaki at mga pinatabang ibon. 24 Dahil siya ang may kapangyarihan sa buong rehiyon sa bahagi ng Ilog, mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari dito sa bahagi ng Ilog, at siya ay may kapayapaan sa lahat ng panig ng nakapaligid sa kanya. 25 Ang Juda at Israel ay namuhay sa kaligtasan, bawat lalaki nasa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at ilalim ng kaniyang punong igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa buong buhay ni Solomon.
1 Ngayon, iniutos ni Solomon ang pagpapatayo ng tahanan para sa pangalan ni Yahweh at pagpapatayo ng palasyo para sa kaniyang kaharian. 2 Nagtalaga si Solomon ng pitumpung libong kalalakihan na tagahakot at walumpung libong kalalakihan na tagaputol ng mga kahoy sa mga kabundukan at 3, 600 na kalalakihan upang mangasiwa sa kanila.
1 Ipinadala ni Hiram, hari ng Tiro, ang kaniyang mga lingkod kay Solomon, dahil narinig niya na siya ay hinirang na hari kapalit ng kaniyang ama; dahil sa noon pa man ay mahal na ni Hiram si David.
2 Nagpadala ng salita si Solomon kay Hiram, nagsasabing, 3 “Alam mo na ang aking amang si David ay hindi maaring magtayo ng isang templo sa pangalan ni Yahweh ang kaniyang Diyos dahil sa mga digmaan na pumaligid sa kaniya, dahil sa kaniyang buong buhay inilalagay ni Yahweh sa ilalim ng kaniyang talampakan ang kaniyang mga kaaway. 4 Pero ngayon, si Yahweh na aking Diyos ay nagbigay sa akin ng kapahingan sa lahat ng dako. Walang sinumang kalaban ni anumang sakuna.
5 Kaya binabalak kong magtayo ng isang templo para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, gaya ng sinabi ni Yahweh kay David na aking ama, nagsasabing, 'Ang iyong anak, na siyang iluluklok ko sa iyong trono kapalit mo, ang magtatayo ng templo para sa aking pangalan.'
6 Kaya ngayon utusan mo sila na magputol ng mga sedar mula sa Lebanon para sa akin. At ang aking mga lingkod ay tutulong sa iyong mga lingkod, at babayaran kita para sa iyong mga lingkod sa gayon bayad ka ng patas sa lahat ng bagay na sinang-ayunan mong gawin. Dahil alam mo na walang sinuman sa amin ang nakakaalam kung paano magputol ng troso gaya ng mga taga-Sidon.”
7 Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya ay nagalak ng labis at nagsabi, “Nawa mapapurihan si Yahweh sa araw na ito, na siyang nagbigay kay David ng isang matalinong anak na mamamahala sa kaniyang dakilang bayan” 8 Nagpadala ng salita si Hiram kay Solomon na nagsasab, “Narinig ko ang mensahe na ipinadala mo sa akin. Gagawin ko ang lahat ng nais mo patungkol sa mga troso ng sedar at saypres. 9 Ibababa ng aking mga lingkod ang mga puno buhat sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong balsa ang mga ito para makarating sa pamamagitan ng dagat sa lugar na iniatas mo sa akin. Ang mga ito ay paghihiwa-hiwalayin doon at ito ay inyong mahahakot. Matutupad mo ang aking hangarin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain para sa aking sambahayan.”
10 Kaya ibinigay ni Hiram kay Solomon ang lahat ng troso ng sedar at pir na gusto niya. 11 Binigyan ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal ng trigo para sa pagkain ng kaniyang sambahayan at dalawampung galon ng purong langis. Ibinigay ito ni Solomon kay Hiram taon-taon.
12 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng katalinuhan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya. May kapayapaan sa pagitan nila Hiram at Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.
3 Nagpadala ng mensahe si Solomon kay Hiram, ang hari ng Tiro, na nagsasabi, “Tulad ng ginawa mo sa aking amang si David na pinadalhan mo ng sedar na mga troso upang magpatayo ng tahanan na matitirahan, gawin mo rin iyon sa akin. 4 Tingnan mo, malapit na akong magtayo ng isang tahanan para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, upang ihandog ito sa kaniya, upang magsunog sa harap niya ng matatamis na mga sangkap, para sa tinapay ng presensiya at para sa mga alay na susunugin sa umaga at gabi, sa Araw ng Pamamahinga, sa mga bagong buwan, at sa nakatakdang mga kapistahan para kay Yahweh na aming Diyos. Ito ay batas ng Israel sa lahat ng panahon.
5 Ang itatayo kong tahanan ay magiging napakalaki, sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa sa lahat ng mga diyus-diyosan. 6 Ngunit sino ang makapagtatayo ng isang tahanan para sa Diyos, gayong sa buong kalawakan at maging sa kalangitan mismo ay hindi siya magkasiya? Sino ako upang ipagtayo siya ng tahanan, maliban na magsunog ng mga alay sa harapan niya?
7 Kaya padalhan mo ako ng isang tao na dalubhasa sa pagpanday ng ginto, pilak, tanso, bakal at marunong humabi ng telang kulay ube, pula at asul, at isang tao na nakakaalam gumawa ng lahat ng uri ng pag-uukit ng kahoy. Siya ay makakasama ng mga dalubhasang kalalakihan na kasama ko sa Juda at Jerusalem, na ibinigay ng aking ama na si David.
8 Padalhan mo rin ako ng mga puno ng sedar, mga puno ng pir at mga puno ng algum mula sa Lebanon; sapagkat alam ko na mahusay ang iyong mga lingkod sa pagputol ng troso sa Lebanon. Sasamahan ng aking mga lingkod ang iyong mga lingkod, 9 upang ihanda ang napakaraming troso para sa akin; sapagkat magiging napakalaki at kahanga-hanga ang tahanan na aking itatayo. 10 Ibibigay ko sa iyong mga lingkod, na puputol ng kahoy, ang dalawampung libong sisidlang puno ng binayong trigo, dalawampung libong sisidlang puno ng sebada, dalawampung libong sisidlang puno ng alak at dalawampung libong sisidlan na puno ng langis.”
11 At sumagot si Hiram na hari ng Tiro sa liham, na ipinadala niya kay Solomon: “Sapagkat mahal ni Yahweh ang kaniyang mga tao, ginawa ka niyang hari sa kanila.”
12 Sinabi pa ni Hiram, “Purihin si Yahweh, Diyos ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay haring David ng isang matalinong anak, pinagkalooban ng mabuting pagpapasiya at karunungan, na magtatayo ng tahanan para kay Yahweh, at tahanan para sa kaniyang kaharian.
13 Ngayon nagpadala ako ng bihasang tao, na pinagkalooban ng karunungan, si Huramabi, 14 na lalaking anak ng isang babaeng mula sa angkan ni Dan. Ang kaniyang ama ay mula sa Tiro. Bihasa siyang gumawa gamit ang ginto, pilak, tanso, bakal, bato at troso at humabi ng telang kulay ube, pula at asul at pino na lino. Bihasa rin siya sa paggawa ng lahat ng uri ng pag-uukit at paggawa ng lahat ng uri ng disenyo. Isamo mo siya sa iyong mga bihasang mangagawa, at sa mga bihasang mangagawa ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 At ngayon, ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak na sinabi ng aking panginoon, ipadala ninyo ang mga ito sa inyong mga lingkod. 16 Puputol kami ng kahoy mula sa Lebanon, kasindami ng iyong kailangan. Dadalhin namin ito sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat patungong Jopa at bubuhatin ninyo ito patungong Jerusalem.”
13 Sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang buong Israel; ang bilang ng sapilitang mga manggagawa ay tatlumpong libong kalalakihan. 14 Sila ay pinadala niya sa Lebanon, sampung libo isang buwan ng halinhinan. Isang buwan sila nasa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang tahanan. Si Adoniram ang namahala sa mga pinilit na manggagawa.
15 Si Solomon ay may pitumpung libong taga-buhat ng mga mabibigat at walumpong libong taga-tibag ng mga bato sa mga bundok, 16 bukod sa mga 3, 300 na punong opisyal na namamahala sa mga gawain at nangangasiwa sa mga manggagawa.
17 Sa utos ng hari sila ay nagtibag ng malalaking mga bato na mataas ang kalidad para sa paglatag ng pundasyon ng templo. 18 Kaya ang mga tagapagpatayo nila Solomon at Hiram at ang mga Gibalita ang gumawa ng pagpuputol at naghanda ng troso at ng mga bato para sa pagpapatayo ng templo.
17 Binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhang naroon sa lupain ng Israel, na sinusunod ang paraan ng pagbilang sa kanila ni David na kaniyang ama. Sila ay 153, 600. 18 Nagtalaga siya ng pitumpong libo sa kanila upang magbuhat, walumpong libo na tagaputol ng mga kahoy sa mga kabundukan at 3, 600 na tagapamahala upang pakilusin ang mga tao.
Ang Kamatayan ni Semei 1011 B.C.
39 Pero sa pagtatapos ng tatlong taon, dalawa sa mga lingkod ni Semei ay tumakas papunta kay Achish na anak ni Maaca na hari ng Gat. Kaya sinabi nila kay Semei, “Tingnan mo, ang mga lingkod mo ay nasa Gat.”
40 At tumayo si Semei, inihanda niya ang kaniyang asno, at pumunta kay Achish sa Gat para hanapin ang kaniyang mga lingkod. Umalis siya at kinuha ang kaniyang mga lingkod mula sa Gat.
41 Nang sinabihan si Solomon na umalis si Semei mula sa Jerusalem papuntang Gat at bumalik, 42 nagsugo ang hari at pinatawag si Semei at sinabi sa kaniyang, “Hindi ba kita pinanumpa kay Yahweh, at nagpatotoo sa iyo, sinasabi ko, 'Dapat mong malaman na sa araw na aalis ka at pupunta sa ibang lugar, tiyak na mamamatay ka?' Pagkatapos ay sinabi mo sa akin, 'Ang sinabi mo ay mabuti.' 43 Kaya bakit hindi mo iningatan ang iyong panunumpa kay Yahweh, at ang utos na binigay ko sa iyo?”
44 Sinabi rin ng hari kay Semei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking ama na si David. Kaya ibabalik ni Yahweh ang kasamaan mo sa iyong sarili. 45 Pero pagpapalain si Haring Solomon, at matatatag ang trono ni David sa harap ni Yahweh magpakailanman.”
46 Kaya inutusan ng hari si Benaias na anak ni Joiada na umalis at patayin si Semei. Kaya ang pamumuno ay matibay na naitatag sa kamay ni Solomon.
Ang Pag-aasawa ni Solomon
1 Kumampi si Solomon sa Paraon na hari ng Ehipto sa pamamagitan ng pagpapakasal. Kinuha niya ang anak na babae ng Paraon at dinala siya sa lungsod ni David hanggang sa matapos niya ang pagtatayo ng kaniyang sariling tahanan, ang tahanan ni Yahweh, at ang pader sa paligid ng Jerusalem.
2 Nag-aalay ang mga tao sa mga dambana, dahil wala pang tahanan ang naitayo para sa pangalan ni Yahweh.