Panahon 5: Ang Paghahari ni Solomon

Bahagi 1: Ang Paghahari ni Solomon Bago ang Pagtatalaga ng Templo

Ang Paghahandog ni Solomon sa Gibeon at ang Kaniyang Paghatol

Ang paghahandog ni Solomon sa Gibeon. Ang paghatol ni Solomon. Ang kamatayan ni Adonias. Bumalik si Hadad.

1015 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Mga Hari 2:12

12 Pagkatapos naupo si Solomon sa trono ng kaniyang ama na si David, at ang kaniyang pamumuno ay naging matatag.

2 Mga Cronica 1:1

1 Si Solomon na anak ni David ay naging matatag sa kaniyang pamumuno, at si Yahweh na kaniyang Diyos ay kasama niya at ginawa siyang makapangyarihan.

1 Mga Hari 3:3

3 Minahal ni Solomon si Yahweh, lumalakad sa mga alituntunin ni David na kaniyang ama, maliban na nag-alay siya at nagsunog ng insenso sa mga dambana.

2 Mga Cronica 1:2–6

2 At nagsalita si Solomon sa buong Israel at sa mga pinunong kawal ng libu-libo at sa daan-daan at sa mga hukom at sa bawat prinsipe sa buong Israel, sa mga pinuno ng mga ama ng tahanan. 3 Kaya si Solomon at ang buong kapulungang kasama niya ay pumunta sa dambana na nasa Gibeon; dahil naroon ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ni Yahweh sa ilang.

4 Ngunit dinala ni David ang kaban ng Diyos mula sa Chiriath Jearim sa lugar na kaniyang inihanda para rito sapagkat nagtayo siya ng tolda para dito sa Jerusalem. 5 Sa karagdagan, ang altar na tanso na ginawa ni Besalel na anak ni Uri na anak ni Hur ay nasa harapan ng tabernakulo ni Yahweh; pumanta roon sina Solomon at ang kapulungan.

6 Pumunta si Solomon doon sa altar na tanso sa harapan ni Yahweh, na naroon sa toldang tipanan at naghandog dito ng isang libong sinunog na mga alay.

1 Mga Hari 3:5–28

5 Nagpakita si Yahweh sa Gibeon kay Solomon sa isang panaginip isang gabi; sinabi niya, “Humiling ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?”

6 Kaya sinabi ni Solomon, “Nagpakita ka ng dakilang katapatan sa tipan sa iyong lingkod, si David, aking ama, dahil lumakad siya sa harap mo nang may pagtitiwala, katuwiran, at kabutihan ng puso. Iningatan mo ang dakilang katapatan sa tipan na ito para sa kaniya at binigyan mo siya ng anak na lalaki para maupo sa trono niya ngayon.

7 At ngayon, Yahweh na aking Diyos, ginawa mong hari ang iyong lingkod kapalit ni David na aking ama, kahit na isa lamang akong bata. Hindi ko alam kung paano lumabas o pumasok. 8 Ang iyong lingkod ay nasa kalagitnaan ng mga taong pinili mo, dakilang bayan, masyadong marami para itala o bilangin.

9 Kaya bigyan mo ang iyong lingkod ng maunawaing puso para hatulan ang iyong bayan, para malaman ko ang mabuti at masama. Dahil sino ang may kakayahang hatulan ang dakilang bansa mo na ito?”

10 Ang kahilingan na ito ni Solomon ay ikinalugod ng Panginoon. 11 Kaya sinabi sa kaniya ng Diyos, “Dahil hiniling mo ang bagay na ito at hindi ka humiling para sa sarili mo ng mahabang buhay o kayamanan o ang buhay ng iyong mga kalaban, pero humiling ka para sa sarili mo ng kaunawaan para malaman ang katarungan. 12 Tingnan mo, ngayon gagawin ko ang lahat ng hiniling mo sa akin. Bibigyan kita ng may karunungan at maunawaing puso, sa gayon wala ng katulad mo na nauna sa iyo, at walang katulad mo ang mas hihigit na susunod sa iyo.

13 Binigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiniling, ang parehong kayamanan at karangalan, para walang magiging katulad mo sa mga hari sa lahat ng iyong mga araw. 14 Kung lalakad ka sa aking mga paraan para sundin ang aking mga alituntunin at utos, tulad ng paglakad ng iyong ama na si David, pahahabain ko ang iyong mga araw.”

15 Pagkatapos ay nagising si Solomon, masdan ito, isa iyong panaginip. Pumunta siya sa Jerusalem at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Nag-alay siya ng mga handog na susunugin at handog para sa kapayapaan, at nagdaos ng isang handaan para sa lahat ng kaniyang mga lingkod.

16 May dalawang bayarang babae ang pumunta sa hari at tumayo sa harap niya.

17 Sinabi ng isang babae, “O, aking panginoon, ako at ang babaeng ito ay naninirahan sa iisang bahay, at nanganak ako kasama siya sa bahay na iyon. 18 Nangyari na sa ikatlong araw matapos kong manganak ay nanganak din ang babaeng ito. Magkasama kami. Wala na kaming kasama sa bahay, pero kami lamang dalawa ang nasa bahay. 19 Isang gabi ay namatay ang kaniyang anak na lalaki, dahil nahigaan niya ito. 20 Kaya tumayo siya nang hatinggabi at kinuha ang aking anak na lalaki sa tabi ko, habang natutulog ang iyong lingkod, at inihiga siya sa kaniyang dibdib, at inihiga ang kaniyang patay na anak sa aking dibdib. 21 Nang tumayo ako kinaumagahan para pasusuin ang aking anak, patay na siya. Pero nang tinignan ko siya nang mabuti kinaumagahan, hindi siya ang aking anak, na ipinanganak ko.”

22 Pagkatapos ay sinabi ng isa pang babae, “Hindi, ang nabubuhay ang aking anak, at ang patay ay ang iyong anak.” Sinabi ng unang babae, “Hindi, ang patay ay ang iyong anak, at ang nabubuhay ay ang aking anak.” Ganito sila nag-usap sa harap ng hari.

23 Pagkatapos ay sinabi ng hari, “Ang isa sa inyo ay sinasabi, 'Ito ang aking anak na nabubuhay, at ang iyong anak ay patay na,' at sinasabi ng isa pa, 'Hindi, ang anak mo ay ang patay na, at ang anak ko ay ang nabubuhay pa.'”

24 Sinabi ng hari, “Magdala kayo sa akin ng espada.” Kaya nagdala sila ng espada sa hari. 25 Pagkatapos ay sinabi ng hari, “Hatiin ninyo ng dalawa ang nabubuhay na bata, at ibigay ang kalahati sa babaeng ito, at ang kalahati sa isa pa.”

26 At ang babae na ang anak ay buhay pa ay nagsalita sa hari, dahil ang kaniyang puso ay puno ng pagmamahal para sa kaniyang anak, “O, aking panginoon, ibigay mo na lang sa kaniya ang nabubuhay na bata, at huwag mo siyang patayin sa anumang paraan.” Pero sinabi ng isa pang babae, “Hindi siya mapupunta sa akin o sa iyo. Hatiin ninyo siya.”

27 Pagkatapos ay sumagot ang hari at sinabi, “Ibigay niyo sa unang babae ang nabubuhay na bata, at huwag ninyo siyang patayin sa anumang paraan. Siya ang kaniyang ina.”

28 Nang narinig ng buong Israel ang paghahatol na ginawa ng hari, natakot sila sa hari, dahil nakita nila ang karunungan ng Diyos ay nasa kaniya sa pagbibigay ng hatol.

2 Mga Cronica 1:13

13 At bumalik si Solomon sa Jerusalem mula sa dambana na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan; naghari siya sa buong Israel.

1 Mga Hari 2:13–38

13 Pagkatapos, pumunta si Adonias na anak ni Haguit kay Batsheba na ina ni Solomon. Sinabi niya, “Pumunta ka ba dito nang may kapayapaan?” Sinagot niya, “Mapayapa.” 14 Pagkatapos ay sinabi niya, “Mayroon akong nais sabihin sa iyo.” Kaya sumagot siya, “Magsalita ka.”

15 Sinabi ni Adonias, “Alam mo na ang kaharian ay sa akin, at inasahan akong maging hari ng buong Israel. Gayunpaman, bumaliktad ang naganap sa kaharian at napunta sa aking kapatid, dahil ito ay sa kaniya mula kay Yahweh. 16 Ngayon mayroon akong isang kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Sinabi sa kaniya ni Batsheba, “Magsalita ka.”

17 Sinabi niya, “Pakiusap, kausapin mo si Solomon na hari, dahil hindi ka niya tatanggihan, para ibigay niya sa akin si Abisag na taga-Sunem bilang aking asawa.”

18 Sinabi ni Batsheba, “Kung ganoon, kakausapin ko ang hari.”

19 Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para kausapin siya para kay Adonias. Tumayo ang hari para salubungin siya at yumuko siya sa kaniya. Pagkatapos ay naupo siya sa kaniyang trono at nagpakuha ng trono para sa ina ng hari. Naupo siya sa bandang kanang kamay niya.

20 Pagkatapos, sinabi niya, “Gusto kong humiling ng isang maliit na kahilingan sa iyo; huwag mo akong tanggihan.” Sinagot siya ng hari, “Humiling ka, aking ina, dahil hindi kita tatanggihan.”

21 Sinabi niya, “Ibigay mo si Abisag na taga-Sunem kay Adonias na iyong kapatid bilang kaniyang asawa.”

22 Sumagot si Haring Solomon at sinabi sa kaniyang ina, “Bakit mo hinihingi si Abisag na taga-Sunem para kay Adonias? Bakit hindi mo rin hingin ang kaharian para sa kaniya, dahil siya ang aking nakatatandang kapatid—para sa kaniya, para kay Abiatar na pari, at para kay Joab na anak ni Zeruias?”

23 Pagkatapos ay sumumpa si Haring Solomon kay Yahweh, sinasabi niya, “Nawa'y gawin sa akin ng Diyos, at mas higit pa, kung hindi ito sinabi ni Adonias laban sa kaniyang sariling buhay. 24 Kaya ngayon sa kay Yahweh na buhay, na nagtatag at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at ang gumawa ng sambahayan sa akin tulad ng ipinangako niya, tiyak na papatayin si Adonias ngayon.”

25 Kaya pinadala ni Haring Solomon si Benaias na anak ni Joiada at nahanap ni Benaias si Adonias at pinatay siya.

26 At kay Abiatar na pari, sinabi ng hari, “Pumunta ka sa Anatot, sa sarili mong bukirin. Dapat kang patayin, pero hindi kita papatayin sa oras na ito, dahil binuhat mo ang kaban ng tipan ng Panginoong si Yahweh sa harap ni David na aking ama at kasama kang naghirap sa bawat paghihirap ng aking ama.” 27 Kaya inalis ni Solomon si Abiatar mula sa pagiging pari ni Yahweh, para matupad niya ang salita ni Yahweh, na sinabi niya tungkol sa sambahayan ni Eli sa Silo.

28 Dumating ang balita kay Joab, dahil sinuportahan ni Joab si Adonias, pero hindi niya sinuportahan si Absalom. Kaya pumunta si Joab sa tolda ni Yahweh at kinuha ang mga sungay sa altar.

29 Sinabi kay Haring Solomon na si Joab ay tumakas papunta sa tolda ni Yahweh at ngayo'y nasa tabi ng altar. Kaya sinugo ni Solomon si Benaias na anak ni Joiada, sinasabi niya, “Humayo ka, patayin mo siya.”

30 Kaya pumunta si Benaias sa tolda ni Yahweh at sinabi sa kaniya, “Ang sabi ng hari, 'Lumabas ka.'” Sumagot si Joab, “Hindi, mamamatay ako dito.” Kaya bumalik si Benaias sa hari, sinasabi niya, “Sinabi ni Joab na gusto niyang mamatay sa altar.”

31 Sinabi sa kaniya ng hari, “Gawin mo kung ano ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing, para maalis mo mula sa akin at sa sambahayan ng aking ama ang dugo na pinadanak ni Joab nang walang dahilan. 32 Nawa'y ibalik ni Yahweh ang dugo sa kaniyang sarili, dahil nilusob niya ang dalawang lalaking mas matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya at pinatay sila gamit ang espada, sila Abner na anak ni Ner, ang kapitan ng hukbo ng Israel, at Amasa na anak ni Jeter, ang kapitan ng hukbo ng Juda, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. 33 Kaya nawa ang dugo nila ay bumalik sa ulo ni Joab at sa ulo ng kaniyang mga kaapu-apuhan magpakailanman. Pero kay David at sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at kaniyang sambahayan, at sa kaniyang trono, nawa'y magkaroon ng kapayapaan mula kay Yahweh magpakailanman.”

34 Pagkatapos, umalis si Benaias na anak ni Joiada at sinalakay si Joab at pinatay siya. Inilibing siya sa kaniyang sariling bahay sa ilang. 35 Nilagay ng hari si Benaias na anak ni Joiada sa hukbo kapalit niya, at nilagay niya si Sadoc na pari kapalit ni Abiatar.

36 Pagkatapos ay pinadala at pinatawag niya si Semei, at sinabi sa kaniya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem at manirahan doon, at huwag kang lalabas mula doon papunta kahit saang lugar. 37 Dahil sa araw na umalis ka, at dumaan sa Lambak ng Kidron, dapat mong malaman na tiyak kang mamamatay. Ang dugo ay mapupunta sa iyong sarili.”

38 Kaya sinabi ni Semei sa hari, “Ang sinasabi mo ay mabuti. Tulad ng sinabi ng aking panginoon na hari, gagawin ng iyong lingkod.” Kaya nanirahan si Semei sa Jerusalem nang maraming araw.

1 Mga Hari 11:21–22

21 Noong mabalitaan ni Hadad na tulog na si David kasama ang kaniyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay patay na, sinabi ni Hadad sa Paraon, “Pahintulutan mo akong umalis para pumunta sa aking sariling bansa.”

22 At sinabi sa kaniya ng Paraon, “Pero ano pa ang kulang mo sa akin na gustuhin mo pang bumalik sa iyong sariling bansa?” Sumagot si Hadad, “Wala, hayaan mo lang akong umalis.”

1 Mga Hari 3:4

4 Pumunta ang hari sa Gibeon para mag-alay doon, dahil iyon ang malaking dambana. Naghandog si Solomon ng isang libong susunuging handog sa altar na iyon.

2 Mga Cronica 1:7–12

7 Nagpakita ang Diyos kay Solomon ng gabing iyon at sinabi sa kaniya, “Humiling ka! Ano ang dapat kong ibigay sa iyo?”

8 Sinabi ni Solomon sa Diyos, “Nagpakita ka ng dakilang katapatan sa tipan kay David na aking ama at ginawa mo akong hari na kahalili niya. 9 Ngayon, Yahweh na Diyos, isakatuparan mo ang iyong pangako kay David na aking ama, dahil ginawa mo akong hari sa mga tao na ang bilang ay kasing dami ng mga alikabok sa lupa. 10 Ngayon bigyan mo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamunuan ko ang mga taong ito, sapagkat sino ba ang huhukom sa iyong mga tao na napakarami ang bilang?”

11 Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Dahil ito ang nasa iyong puso at dahil hindi ka humiling ng mga yaman, kayamanan o karangalan at hindi mo hiningi ang buhay ng mga may galit sa iyo, o mahabang buhay para sa iyong sarili—ngunit dahil humiling ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang mapamunuan mo ang aking mga tao kung saan kita ginawang hari— 12 Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang karunungan at kaalaman; bibigyan din kita ng yaman, kayamanan, karangalan, higit pa sa nakamtan ng sinumang mga hari na nauna sa iyo at higit pa sa makakamtan ng sinuman na susunod sa iyo.”