Mga Awit ng Pighati, Pangunahin mula sa Panahon ng Pagkabihag (continued)

Mga awit na isinulat sa panahon ng mga pighati at pagdurusa ng iglesya, pangunahin noong Pagkabihag sa Babilonia.

539 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 10

1 Yahweh, bakit ka nakatayo sa malayo? Bakit tinatago mo ang iyong sarili sa oras ng kaguluhan? 2 Dahil sa kanilang kayabangan, hinahabol ng masasamang tao ang mga api; pero pakiusap hayaan mong mahuli ang mga masasama sa ginawa nilang sariling mga balakin. 3 Dahil ipinagyayabang ng masasamang tao ang kaniyang pinakamalalim na mga hangarin; pinagpapala niya ang sakim at iniinsulto si Yahweh. 4 Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya. 5 Siya ay matatag sa lahat ng oras, pero ang iyong mga makatuwirang mga kautusan ay labis na mataas para sa kaniya; sinisinghalan niya ang lahat ng kaniyang mga kaaway. 6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, “Hindi ako mabibigo; hindi ako makahaharap ng pagkatalo sa lahat ng salinlahi.” 7 Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira. 8 Siya ay naghihintay sa pagtambang malapit sa mga nayon; sa lihim na mga lugar niya pinapatay ang inosente; ang kaniyang mga mata ay naghahanap ng ilang biktimang walang laban. 9 Siya ay nagtatago ng palihim katulad ng leon sa masukal na lugar; siya ay nag-aabang para humuli ng api. Nahuhuli niya ang api kapag hinihila niya ang kaniyang lambat. 10 Ang kaniyang mga biktima ay dinudurog at binubugbog; sila ay nahulog sa kaniyang matibay na mga lambat. 11 Sinasabi niya sa kaniyang puso, “Nakalimot ang Diyos; tinakpan niya ang kaniyang mukha; hindi siya mag-aabalang tumingin.” 12 Bumangon ka, Yahweh; itaas mo ang iyong kamay sa paghatol, O Diyos. Huwag mong kalimutan ang mga api. 13 Bakit itinatanggi ng masamang tao ang Diyos at sinasabi sa kaniyang puso, “Hindi mo ako pananagutin”? 14 Binigyang pansin mo, dahil lagi mong nakikita ang gumagawa ng paghihirap at kalungkutan. Pinagkakatiwala ng ulila ang kaniyang sarili sa iyo; inililigtas mo ang mga walang ama. 15 Baliin mo ang bisig ng masama at buktot na tao; panagutin siya sa kaniyang mga masasamang gawain, na akala niya hindi mo matutuklasan. 16 Si Yahweh ay Hari magpakailanpaman; ang mga bansa ay pinalalayas mo sa kanilang mga lupain. 17 Yahweh, narinig mo ang mga pangangailangan ng mga api; pinalalakas mo ang kanilang puso, pinakikinggan mo ang kanilang panalangin; 18 Ipinagtatanggol mo ang walang mga ama at ang mga api para walang tao sa mundo ang magdudulot muli ng malaking takot.

Mga Awit 13–15

1 Yahweh, gaano katagal mong kalilimutan ang tungkol sa akin? Gaano katagal mo itatago ang iyong mukha sa akin? 2 Gaano katagal ako dapat mag-alala at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso sa buong araw? Gaano katagal magtatagumpay ang aking mga kaaway? 3 Tumingin ka sa akin at sagutin mo ako, Yahweh aking Diyos! Paliwanagin ang aking mga mata, o ako ay matutulog sa kamatayan. 4 Huwag mong hayaan na sabihin ng aking kaaway, “Natalo ko siya”, para ang aking kaaway ay hindi magsabing, “Ako ay nanaig sa aking kalaban”; kung hindi, ang aking mga kaaway ay magdiriwang kapag ako ay bumagsak. 5 Pero nagtiwala ako sa katapatan mo sa tipan; ang aking puso ay nagagalak sa iyong kaligtasan. 6 Aawit ako kay Yahweh dahil pinakitunguhan niya ako nang mabuti.

14:1 Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, “Walang Diyos.” Sila ay masama at nakagawa ng kasuklam-suklam na kasalanan; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti. 2 Si Yahweh ay tumingin sa baba mula sa langit sa mga anak ng sangkatauhan para makita kung mayroong sinuman ang nakauunawa, kung sino ang naghahanap sa kaniya. 3 Ang lahat ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala, kahit isa. 4 Hindi ba nila alam ang kahit na ano, sila na nakagawa ng kasalanan, sila na nilalamon ang aking mga tao gaya ng pagkain ng tinapay, pero hindi tumatawag kay Yahweh? 5 Sila ay nanginginig ng may pangamba, dahil kasama ng Diyos ang matuwid na kapulungan! 6 Gusto mong hiyain ang taong mahirap kahit na si Yahweh ang kaniyang kanlungan. 7 Oh, ang kaligtasan ng Israel ay manggagaling mula sa Sion! Kapag binalik ni Yahweh ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magagalak si Jacob at matutuwa ang Israel!

15:1 Sinong puwedeng manatili sa iyong tabernakulo, Oh Yahweh? Sinong maaaring manirahan sa iyong banal na burol? 2 Siya ay lumalakad sa katuwiran at gumagawa ng tama and nagsasabi ng katotohanan mula sa kaniyang puso. 3 Hindi siya naninirang-puri gamit ang kaniyang dila, o nananakit ng iba, o nang-iinsulto ng kaniyang kapwa. 4 Ang taong walang halaga ay kasuklam-suklam sa kaniyang paningin, pero pinararangalan niya ang lahat ng may takot kay Yahweh. Sumusumpa siya sa kaniyang sariling kakulangan at hindi tumatalikod sa kaniyang mga pangako. 5 Hindi siya naniningil ng tubo sa tuwing siya ay nagpapautang. Hindi rin siya tumatanggap ng suhol para tumestigo laban sa walang-sala. Sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi kailanman mayayanig.

Mga Awit 25

1 Sa iyo Yahweh, Itinataas ko ang aking buhay! 2 Aking Diyos, ako ay nagtitiwala sa iyo. Huwag mo akong hayaang mapahiya; huwag mong hayaan na magalak ng may katagumpayan sa akin ang aking mga kaaway. 3 Nawa walang sinumang umaasa sa iyo ang maalipusta; nawa ang mga nagsisigawa ng kataksilan na walang dahilan ay mapahiya! 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw. 6 Alalahanin mo, Yahweh, ang iyong mga gawa ng kahabagan at sa katapatan sa tipan; dahil lagi silang nananatili magpakailanman. 7 Huwag mong alalahanin ang tungkol sa mga kasalanan ng aking kabataan o ang aking pagrerebelde; alalahanin mo ako na may katapatan sa tipan dahil sa iyong kabutihan, Yahweh! 8 Si Yahweh ay mabuti at matuwid; kaya itinuturo niya ang daan sa mga makasalanan. 9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba na may katarungan at itinuturo niya ang kanyang daan sa mga mapagpakumbaba. 10 Ang lahat ng mga landas ni Yahweh ay ginawa mula sa katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan sa mga nag-iingat ng kanyang tipan at kanyang mga tapat na kautusan. 11 Alang-alang sa iyong pangalan, Yahweh, patawarin mo ang aking kasalanan, dahil ito ay napakalaki. 12 Sino ang taong may takot kay Yahweh? Tuturuan siya ng Panginoon sa daan na dapat niyang piliin. 13 Ang kanyang buhay ay magpapatuloy sa kabutihan; at ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magmamana ng lupain. 14 Ang pakikipagkaibigan ni Yahweh ay para sa mga nagbibigay karangalan sa kanya, at pinapahayag ang kanyang tipan sa kanila. 15 Ang aking mga mata ay laging nakatuon kay Yahweh, dahil pakakawalan niya ang aking mga paa mula sa lambat. 16 Bumaling ka sa akin at kaawaan mo ako; dahil ako ay nag-iisa at nahihirapan. 17 Ang mga kaguluhan ng aking puso ay lumalawak; hanguin mo ako mula sa aking pagkabalisa. 18 Masdan mo ang aking paghihirap at mga pasakit; patawarin mo lahat ng aking mga kasalanan. 19 Masdan mo ang aking mga kaaway, dahil sila ay marami; kinamumuhian nila ako nang may malupit na pagkagalit. 20 Pangalagaan mo ang aking buhay at sagipin mo ako; hindi ako mapapahiya, dahil nagkukubli ako sa iyo! 21 Nawa ingatan ako ng dangal at pagkamakatwiran, dahil umaasa ako sa iyo. 22 Sagipin mo ang Israel, O Diyos, sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan!