Mga Awit ng Pighati, Pangunahin mula sa Panahon ng Pagkabihag (continued)
Mga awit na isinulat sa panahon ng mga pighati at pagdurusa ng iglesya, pangunahin noong Pagkabihag sa Babilonia.
539 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Hatulan mo ako, Yahweh, dahil lumakad ako nang may dangal; Nagtiwala ako kay Yahweh nang walang pag-aalinlangan. 2 Siyasatin mo ako, Yahweh, at ako ay iyong subukin; subukin mo ang kadalisayan ng aking mga kaloob-looban at ang aking puso! 3 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay nasa harap ng aking mga mata, at ako ay lumalakad sa iyong katotohanan. 4 Hindi ako nakikisama sa mga mandaraya, o nakikisalamuha sa mga hindi tapat. 5 Napopoot ako sa kapulungan ng mga gumagawa ng kasamaan, at hindi ako nakikipamuhay sa mga masasama. 6 Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalan ng kasalanan, at pumupunta ako sa paligid ng iyong altar, Yahweh, 7 para umawit ng isang malakas na awitin ng papuri at ibalita ang lahat ng iyong mga kahanga-hangang mga gawa. 8 Yahweh, mahal ko ang tahanan kung saan ka naninirahan, ang lugar na pinananahanan ng iyong kaluwalhatian. 9 Huwag mo akong walisin kasama ng mga makasalanan, o ang aking buhay kasama ng mga taong hayok sa dugo, 10 kung saan ang mga kamay ay may masamang balak, at sa kanang kamay ay puno ng mga suhol. 11 Pero para sa akin, lalakad ako nang may dangal; tubusin mo ako at maawa ka sa akin. 12 Nakatayo ang aking paa sa pantay na tuntungan; sa mga kapulungan ay pupurihin ko si Yahweh!
27:1 Si Yahweh ang aking liwanag at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? Si Yahweh ang kanlungan ng aking buhay; kanino ako mangangamba? 2 Nang lumapit sa akin ang mga gumagawa ng kasamaan para lamunin ang aking laman, ang aking mga kalaban at ang aking mga kaaway ay nadapa at nabuwal. 3 Kahit ang isang hukbo ay nagsasama-sama laban sa akin, ang aking puso ay hindi matatakot; kahit digmaan ay umusbong laban sa akin, kahit ganoon ay mananatili akong nagtitiwala. 4 Isang bagay ang aking hiniling kay Yahweh, at iyon ay aking hahanapin: na ako ay mananahan sa tahanan ni Yahweh sa lahat ng mga araw ng aking buhay, para makita ang kagandahan ni Yahweh at para magnilay-nilay sa kanyang templo. 5 Dahil sa araw ng kaguluhan ay ikukubli niya ako sa kanyang kubol; sa loob ng kanyang tolda ay itatago niya ako. Itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato! 6 Pagkatapos ay itataas ang aking ulo nang mas angat kaysa aking mga kaaway na nasa paligid ko, at ako ay maghahain ng mga handog ng kagalakan sa kanyang tolda! Aawit ako at gagawa ng mga awitin kay Yahweh! 7 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking tinig kapag ako ay umiiyak! Maawa ka sa akin, at sagutin mo ako! 8 Sinasabi ng aking puso tungkol sa iyo, “Hanapin ang kaniyang mukha!” Hahanapin ko ang iyong mukha, Yahweh! 9 Huwag mong itago ang iyong mukha sa akin; huwag mong saktan ang iyong lingkod sa galit! Ikaw ang aking naging katuwang; huwag mo akong pabayaan o iwanan, Diyos ng aking kaligtasan! 10 Kahit na pabayaan ako ng aking ama o ng aking ina, si Yahweh ang mag-aaruga sa akin. 11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Yahweh! Pangunahan mo ako sa patag na landas dahil sa aking mga kaaway. 12 Huwag mo akong ibigay sa mga hangarin ng aking mga kaaway, dahil ang mga sinungaling na saksi ay nagsitindig laban sa akin, at sila ay bumuga ng karahasan! 13 Ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako naniwala na makikita ko ang kabutihan ni Yahweh sa lupain ng mga buhay? 14 Maghintay kayo kay Yahweh; maging matatag, at hayaan na maging matapang ang inyong puso! Maghintay kayo kay Yahweh!
1 Nagsasalita ang kasalanan gaya ng mensahe sa puso ng taong masama; walang pagkatakot sa Diyos sa kaniyang mga mata. 2 Dahil pinagiginhawa niya ang kaniyang sarili, iniisip na ang kaniyang kasalanan ay hindi matutuklasan at kasusuklaman. 3 Ang kaniyang mga salita ay makasalanan at mapanlinlang; ayaw niyang maging matalino at gumawa ng mabuti. 4 Habang siya ay nakahiga sa kaniyang kama, nagbabalak siya ng mga paraan para magkasala; siya ay nagtatakda ng masamang paraan; hindi niya iniiwasan ang kasalanan. 5 Ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay umaabot sa kalangitan; ang iyong katapatan ay umaabot sa mga kaulapan. 6 Ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamataas na mga bundok; ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamalalim na dagat. Yahweh, pinangangalagaan mo ang kapwa sangkatauhan at mga hayop. 7 Napakahalaga ng iyong katapatan sa tipan, O Diyos! Ang sangkatauhan ay kumakanlong sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak. 8 Sila ay masaganang masisiyahan sa kayamanan ng mga pagkain sa iyong bahay; hahayaan mo silang uminom mula sa ilog ng iyong mahalagang mga pagpapala. 9 Dahil kasama mo ang bukal ng buhay; sa iyong liwanag ay aming makikita ang liwanag. 10 Palawigin mo ang iyong katapatan sa tipan nang lubusan sa mga na nakakakilala sa iyo, ang pagtatanggol mo sa matuwid ang puso. 11 Huwag mong hayaan ang paa ng mayabang na makalapit sa akin. Huwag mong hayaan ang kamay ng masama na palayasin ako. 12 Doon ang masasama ay natalo; sila ay bumagsak at wala ng kakayahang bumangon.