Mga Awit ng Pighati, Pangunahin mula sa Panahon ng Pagkabihag (continued)
Mga awit na isinulat sa panahon ng mga pighati at pagdurusa ng iglesya, pangunahin noong Pagkabihag sa Babilonia.
539 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pakinggan ninyo ito, lahat kayong mga mamamayan; ibaling ang inyong pandinig, lahat kayong mga naninirahan sa mundo, 2 kapwa mababa at mataas, mayaman at mahirap na magkakasama. 3 Magsasabi ang aking bibig ng karunungan at ang magiging pagbubulay-bulay ng aking puso ay pang-unawa. 4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang parabola; sisimulan ko ang aking parabola gamit ang alpa. 5 Bakit kailangang matakot ako sa mga araw ng kasamaan, kapag napapaligiran ako ng kasamaan sa aking mga sakong? 6 Ang mga nagtitiwala sa kanilang yaman at ipinagmamalaki ang halaga ng kanilang yaman - 7 tiyak na walang makatutubos sa kaniyang kapatid o makapagbibigay sa Diyos ng panubos para sa kaniya, 8 Dahil mahal ang pagtubos ng buhay ng isang tao, at sa ating pagkakautang walang makakapagbayad. 9 Walang mabubuhay ng magpakailanman nang hindi mabubulok ang kanyang katawan. 10 Dahil makararanas siya ng pagkabulok. Ang mga marurunong ay namamatay; ang mga hangal at ang mga malupit ay parehong mamamatay at iiwanan nila ang kanilang kayamanan sa iba. 11 Ang nasa kaloob-looban ng kaisipan nila ay magpapatuloy ang kanilang mga pamilya magpakailanman, pati na ang mga lugar kung saan sila naninirahan, sa lahat ng mga salinlahi; tinawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang mga pangalan. 12 Pero ang tao na may taglay na yaman ay hindi nananatiling buhay; tulad siya ng mga hayop na namamatay. 13 Ito, ang kanilang pamamaraan, ay kanilang kahangalan; pero pagkatapos nila, ang mga tao ay sumasang-ayon sa kanilang mga sinasabi. Selah 14 Itinatalaga sila tulad ng isang kawan na pupunta sa sheol; kamatayan ang kanilang magiging pastol; ang matuwid ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila pagsapit ng umaga; lalamunin ng sheol ang kanilang mga katawan at wala silang lugar na matitirahan. 15 Pero tutubusin ng Diyos ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng sheol; ako ay kaniyang tatanggapin. Selah 16 Huwag matakot kapag may isang taong yumayaman, kapag ang kapangyarihan ng kaniyang pamilya ay lumalawak, 17 dahil kapag siya ay namatay, wala siyang dadalhin kahit anong bagay; hindi niya kasamang bababa ang kanyang kapangyarihan. 18 Pinagpala niya ang kaniyang kaluluwa habang siya ay nabubuhay - at pinupuri ka ng mga tao kapag namumuhay ka para sa iyong sarili - 19 pupunta siya sa salinlahi ng kanyang mga ama at hindi nila kailanman makikitang muli ang liwanag. 20 Ang isang taong may yaman pero walang pang-unawa ay tulad ng mga hayop na namamatay.
1 Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, ''Walang Diyos.'' Masama sila at gumawa ng kasuklam-suklam na pagkakasala; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti. 2 Mula sa langit nakatanaw ang Diyos sa mga anak ng tao para tingnan kung may nakauunawa na naghahanap sa kaniya. 3 Ang bawat isa sa kanila ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; wala ni isang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa. 4 Wala ba silang nalalaman, silang gumagawa ng pagkakasala, silang mga kumakain ng aking bayan gaya ng pagkain ng tinapay pero hindi tumatawag sa Diyos? 5 Sila ay nasa kalagitnaan ng matinding pagkatakot, kahit na walang dahilan para matakot; dahil ikakalat ng Diyos ang mga buto ng sinumang nagsasama-sama laban sa inyo; ang ganiyang mga tao ay ilalagay sa kahihiyan dahil sila ay tinanggihan ng Diyos. 6 O, ang kaligtasan ng Israel ay darating mula sa Sion! Kapag ibinalik na ng Diyos ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magdiriwang si Jacob at ang Israel ay magagalak!
1 Ang Tanging Makapangyarihan, ang Diyos, si Yahweh, ay nagsalita at tinawag ang daigdig mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. 2 Mula sa Sion, ang kaganapan ng kagandahan, ang Diyos ay nagningning. 3 Dumarating ang ating Diyos at hindi nananatiling tahimik; isang apoy ang lumalamon sa harapan niya, at bumabagyo nang napakalakas sa kanyang paligid. 4 Nananawagan siya sa kalangitan at sa lupa para mahatulan niya ang kaniyang bayan: 5 “Tipunin ang mga matatapat sa akin, ang mga nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng pag-aalay.” 6 Ipahahayag ng kalangitan ang kaniyang katuwiran, dahil ang Diyos mismo ay hukom. Selah 7 “Makinig, aking bayan, at ako ay magsasalita; ako ang Diyos, ang inyong Diyos. 8 Hindi ko kayo susumbatan dahil sa inyong mga alay; ang sinunog ninyong mga handog ay laging nasa aking harapan. 9 Wala akong kukuning toro mula sa inyong bahay, o lalaking mga kambing mula sa inyong mga kawan. 10 Dahil ang bawat hayop sa kagubatan ay sa akin, at ang mga baka na nasa isang libong burol. 11 Kilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok, at ang mga mababangis na hayop sa bukid ay sa akin. 12 Kung ako ay nagugutom, hindi ko sa inyo sasabihin; dahil ang mundo ay sa akin, at ang lahat ng mga bagay dito, ay sa akin din. 13 Kakainin ko ba ang laman ng mga toro o iinumin ang dugo ng mga kambing? 14 Maghandog kayo sa Diyos ng alay ng pasasalamat, at tuparin ninyo ang inyong mga banal na panata sa Kataas-taasan. 15 Tumawag kayo sa akin sa araw ng kaguluhan; sasagipin ko kayo, at ako ay inyong luluwalhatiin.” 16 Pero sa mga makasalanan sinasabi ng Diyos, “Ano ang kinalaman mo sa pagpapahayag ng aking mga kautusan, at sinasambit mo ang aking tipan, 17 gayong ang aking tagubilin ay inyong kinamumuhian at ang aking mga salita ay inyong itinatapon? 18 Kapag nakakakita kayo ng isang magnanakaw, sumasang-ayon kayo sa kanya; nakikisali kayo sa mga nangangalunya. 19 Nagsasabi kayo ng kasamaan, at naghahayag ang inyong dila ng kasinungalingan. 20 Umuupo kayo at nagsasalita laban sa inyong kapatid; ang anak ng sarili ninyong ina ay inyong sinisiraang puri. 21 Ginawa ninyo ang mga bagay na ito, pero nanatili akong tahimik, kaya inisip ninyo na isa lamang akong katulad ninyo. Pero susumbatan ko kayo at ipapakita ko ang lahat ng mga bagay na inyong ginawa. 22 Ngayon isaalang-alang niyo ito, kayong nakakalimot sa Diyos; dahil kung hindi ay dudurugin ko kayo at walang sinumang darating para tulungan kayo: 23 Sinumang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpupuri sa akin, at sa sinumang nagpaplano ng kaniyang landas sa tamang paraan, ipakikita ko sa kaniya ang pagliligtas ng Diyos.”