Mga Awit mula sa Paghahari ni David, Hindi Tiyak ang mga Petsa (continued)

Mga awit na isinulat ni David matapos siyang maging hari, na hindi tiyak ang mga petsa at pagkakataon ng pagkakasulat.

1015 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 24

1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. 6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah 7 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan. 9 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 10 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. Selah

Mga Awit 28–29

1 Sa iyo, Yahweh, ako ay umiiyak; aking malaking Muog, huwag mo akong pabayaan. Kung hindi mo ako tutugunan, mabibilang ako sa mga bumababa sa libingan. 2 Dinggin ang tinig ng aking pagsusumamo kapag ako ay humihingi ng tulong sa iyo, kapag itinataas ko ang aking mga kamay sa iyong pinakabanal na lugar! 3 Huwag mo akong kaladkarin palayo kasama ng masasama, silang gumagawa ng malaking kasalanan, na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang kapwa pero may kasamaan sa kanilang mga puso. 4 Ibigay sa kanila kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa at ibalik sa kanila kung ano ang hinihingi ng kanilang kasamaan; ibalik sa kanila ang mga gawa ng kanilang mga kamay; igawad sa kanila ang nararapat. 5 Dahil hindi nila nauunawaan ang mga paraan ni Yahweh o ang gawa ng kaniyang mga kamay, sila ay kaniyang pupuksain at hindi kailanman itatayong muli. 6 Pagpalain si Yahweh dahil dininig niya ang tinig ng aking pagsusumamo! 7 Si Yahweh ang aking kalakasan at ang aking kalasag; ang puso ko ay nagtitiwala sa kaniya, at tinulungan ako. Kaya labis na nagagalak ang aking puso, at pupurihin ko siya nang may pag-awit. 8 Si Yahweh ang kalakasan ng kaniyang bayan, at kanlungang nagliligtas sa kaniyang hinirang. 9 Iligtas mo ang iyong bayan at pagpalain ang iyong pamana. kayo ay maging pastol nila at aalagaan sila magpakailanman.

29:1 Kilalanin na si Yahweh— kayo na mga anak ng makapangyarihan— kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan! 2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan. 3 Ang tinig ni Yahweh ay naririnig sa ibabaw ng mga katubigan; dumadagundong ang Diyos ng kaluwalhatian, dumadagundong si Yahweh sa ibabaw ng katubigan. 4 Ang tinig ni Yahweh ay makapangyarihan; ang tinig ni Yahweh ay kamangha-mangha. Ang tinig ni Yahweh ay nakawawasak ng mga sedar; 5 Ang tinig ni Yahweh ay napagpipira-piraso ang mga sedar ng Lebanon. 6 Pinalulukso niya ang Lebanon tulad ng isang guya at ang Sirion tulad ng isang batang baka. 7 Bumubuga ng lumalagablab na apoy ang tinig ni Yahweh. 8 Ang tinig ni Yahweh ang yumayanig sa ilang; si Yahweh ang yumayanig sa ilang ng Kades. 9 Ang tinig ni Yahweh ang nagdudulot na manganak ang babaeng usa; kinakalbo nito ang mga gubat; pero sa kaniyang templo ang lahat ay nagsasabing, “Kaluwalhatian!” 10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman. 11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.

Mga Awit 38

1 Yahweh, huwag mo akong sawayin sa iyong galit at huwag akong parusahan sa iyong poot. 2 Dahil tumatagos sa akin ang iyong mga palaso at ibinabagsak ako ng iyong kamay. 3 May karamdaman ang aking buong katawan dahil sa iyong galit; walang kalakasan ang aking mga buto dahil sa aking kasalanan. 4 Dahil nilunod ako ng aking mga kasalanan; napakabigat ng pasanin na ito para sa akin. 5 Lumala at nangamoy ang aking mga sugat dahil sa mga hangal kong kasalanan. 6 Tinatapakan ako at pinahihiya araw-araw; buong araw akong nagluluksa. 7 Dahil dinaig ako ng kahihiyan, may karamdaman ang aking buong katawan. 8 Manhid na ako at labis na nanlulupaypay; naghihinagpis ako dahil sa galit ng aking puso. 9 Panginoon, naiintindihan mo ang masidhing pagnanais ng aking puso at ang aking mga paghihinagpis ay hindi ko maitatago mula sa iyo. 10 Kumakabog ang aking puso, naglalaho ang aking lakas, at nanlalabo ang aking paningin. 11 Iniiwasan ako ng aking mga kaibigan dahil sa aking kalagayan; nilalayuan ako ng aking kapwa. 12 Silang mga naghahangad ng masama sa aking buhay ay naglagay ng mga patibong para sa akin. Silang naghahangad ng aking kapahamakan ay nagsasabi ng mga mapanira at mapanlinlang na mga salita buong araw. 13 Pero ako, tulad ako ng isang bingi na walang naririnig; tulad ako ng isang pipi na walang sinasabi. 14 Tulad ako ng isang taong hindi nakaririnig at walang katugunan. 15 Siguradong maghihintay ako para sa iyo, Yahweh; ikaw ay sasagot, Panginoong aking Diyos. 16 Sinasabi ko ito para hindi ako maliitin ng aking mga kaaway. Kung madudulas ang aking paa, gagawan nila ako ng mga nakakakilabot na mga bagay. 17 Dahil matitisod na ako at ako ay patuloy na naghihinanakit. 18 Inaamin ko ang aking pagkakasala; nababahala ako sa aking kasalanan. 19 Pero napakarami ng aking mga kaaway; ang mga napopoot ng mali ay marami. 20 Gumaganti sila ng masama sa aking kabutihan; nagbabato sila ng paratang sa akin kahit pinagpatuloy ko kung ano ang mabuti. 21 Huwag mo akong pabayaan, Yahweh; aking Diyos, huwag kang lumayo sa akin. 22 Magmadali kang pumunta para tulungan ako, Panginoon, na aking kaligtasan.