Mga Awit mula sa Paghahari ni David, Hindi Tiyak ang mga Petsa

Mga awit na isinulat ni David matapos siyang maging hari, na hindi tiyak ang mga petsa at pagkakataon ng pagkakasulat.

1015 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 6

1 Yahweh, huwag mo akong sawayin sa iyong galit o ituwid sa iyong poot. 2 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil mahina ako; pagalingin mo ako, Yahweh, dahil nanginginig ang aking mga buto. 3 Labis ding nababagabag ang aking kaluluwa. Pero ikaw, Yahweh—hanggang kailan ito magpapatuloy? 4 Bumalik ka, Yahweh! Sagipin mo ako. Iligtas mo ako dahil sa iyong katapatan sa tipan! 5 Dahil walang ala-ala tungkol sa iyo sa kamatayan. Sino ang magbibigay ng pasasalamat sa iyo sa sheol? 6 Pagod na ako sa aking paghihinagpis. Buong gabi kong binabasa ng luha ang aking higaan; hinuhugasan ko ng luha ang aking upuan. 7 Lumalabo ang aking mga mata dahil sa kalungkutan; nanghihina ang mga ito dahil sa aking mga kaaway. 8 Lumayo kayo sa akin, kayo na gumagawa ng kasalanan; dahil narinig ni Yahweh ang ingay ng aking pagtangis. 9 Narinig ni Yahweh ang aking pagmamakaawa; tinanggap ni Yahweh ang aking panalangin. 10 Lahat ng mga kaaway ko ay mapapahiya at labis na mababalisa. Aatras sila at agad silang hahamakin.

Mga Awit 8

1 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo, hinahayag mo ang iyong kaluwalhatian sa kalangitan. 2 Mula sa mga bibig ng mga bata at sanggol ay lumikha ka ng papuri dahil sa mga kaaway mo, para patahimikin ang kaaway at ang tagapaghiganti. 3 Kapag tumitingin ako sa iyong mga kalangitan, na ginawa ng iyong mga daliri, ang buwan at mga tala, na nilagay mo sa lugar, 4 ano ang halaga ng sangkatauhan na pinapansin mo sila, o ang mga tao na pinapakinggan sila? 5 Gayumpaman ginawa mo sila ng mababa ng kaunti kaysa sa mga nilalang sa kalangitan at kinoronahan sila ng may kaluwalhatian at karangalan. 6 Ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng ginawa ng iyong mga kamay; niligay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa: 7 lahat ng mga tupa at mga baka, at kahit ang mga hayop ng bukid, 8 ang mga ibon ng langit, at ang mga isda ng dagat, lahat ng dumadaan sa mga agos ng dagat. 9 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo!

Mga Awit 12

1 Tulong, Yahweh, dahil ang mga maka-diyos ay naglaho; ang mga matatapat ay nawala. 2 Ang lahat ay nagsasabi ng walang kabuluhang mga salita sa kaniyang kapwa; ang lahat ay nagsasalita ng hindi matapat na papuri at may salawahang puso. 3 Yahweh, putulin mo ang lahat ng labing hindi matapat ang papuri, bawat dila na nagpapahayag ng dakilang mga bagay. 4 Ito ang mga nagsabing, “Sa pamamagitan ng ating dila, tayo ay mangingibabaw. Kapag ang ating mga labi ang nagsalita, sino ang maaaring maging panginoon sa atin?” 5 “Dahil sa karahasan laban sa mahirap, dahil sa mga daing ng nangangailangan, ako ay babangon,” sinasabi ni Yahweh. “Magbibigay ako ng kaligtasan na kanilang hinahangad.” 6 Ang mga salita ni Yahweh ay dalisay, katulad ng pilak na dinalisay sa pugon sa lupa, na tinunaw ng pitong beses. 7 Ikaw si Yahweh! Iniingatan mo sila. Pinangangalagaan mo ang maka-diyos mula sa masamang salinlahing ito at magpakailanman. 8 Ang masasama ay naglalakad sa bawat panig kapag ang masama ay naitaas sa mga anak ng mga tao.

Mga Awit 19

1 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ipinapaalam ng himpapawid ang ginawa ng kaniyang kamay! 2 Bawat araw ang pananalita ay bumubuhos; bawat gabi nagpapahayag ito ng kaalaman. 3 Walang pananalita o salaysay; ni hindi naririnig ang kanilang tinig. 4 Gayumpaman ang kanilang mga salita ay umaabot sa buong mundo; at ang kanilang pananalita ay hanggang sa dulo ng mundo. Nagtayo siya ng tolda para sa araw sa kalagitnaan nila. 5 Ang araw ay parang lalaking ikakasal na lumalabas sa kaniyang silid at parang isang lalaking malakas na nagagalak kapag siya ay tumatakbo sa kaniyang karera. 6 Ang araw ay sumisikat mula sa isang dako at tumatawid sa himpapawid hanggang sa kabila; walang makatatakas sa init nito. 7 Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8 Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9 Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10 Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan. 11 Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala. 12 Sino ang makababatid sa lahat ng kaniyang sariling mga kamalian? Linisin mo ako sa mga lihim na kasalanan. 13 Ingatan mo rin ang iyong lingkod sa mga kasalanang mapagmataas; huwag mong hayaan na ang mga ito ay maghari sa akin. Sa gayon ako ay magiging ganap, at inosente sa maraming kasalanan. 14 Nawa ang mga salita ng aking bibig at mga saloobin ng aking puso ay maging katanggap-tanggap sa iyong paningin, Yahweh, aking bato at aking manunubos.

Mga Awit 23

1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw. 6 Tiyak na kabutihan at katapatan sa tipan ang hahabol sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako ay mananahanan sa tahanan ni Yahweh habang buhay!