Mga Awit mula sa Paghahari ni David, Hindi Tiyak ang mga Petsa (continued)
Mga awit na isinulat ni David matapos siyang maging hari, na hindi tiyak ang mga petsa at pagkakataon ng pagkakasulat.
1015 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Napagpasyahan ko, “Iingatan ko kung ano ang aking sasabihin para hindi magkasala dahil sa aking dila. Bubusalan ko ang aking bibig habang nasa harapan ng masamang tao.” 2 Nanatili akong tahimik; pinigilan ko ang aking mga salita kahit na sa pagsasabi ng mabuti, at ang aking paghihirap ay lalong lumala. 3 Nag-aalab ang aking puso; kapag iniisip ko ang tungkol sa mga bagay na ito, nakapapaso ito tulad ng isang apoy. Kaya sa wakas nagsalita na ako. 4 Yahweh, ipaalam mo sa akin kung kailan ang katapusan ng aking buhay at ang kahabaan ng aking mga araw. Ipakita mo sa akin kung paano ako lilipas. 5 Tingnan mo, ginawa mo lamang kasing lapad ng aking kamay ang aking mga araw, at ang haba ng aking buhay ay balewala para sa iyo. Tunay na ang bawat tao ay parang isang hininga. Selah 6 Tunay nga na ang bawat tao ay lumalakad tulad ng isang anino. Tunay nga na ang lahat ng tao ay nagmamadali sa pag-iipon ng kayamanan kahit na hindi nila alam kung kanino mapupunta ito. 7 Ngayon, Panginoon, para saan ang aking paghihintay? Ikaw lamang ang aking pag-asa. 8 Ako ay bigyan mo ng katagumpayan sa lahat ng aking mga kasalanan: huwag mo akong gawing paksa ng pangungutya ng mga mangmang. 9 Nananahimik ako at hindi binubuksan ang aking bibig dahil sa iyong ginawa. 10 Itigil mo na ang pagpapahirap sa akin; nalulula ako sa pamamagitan ng hampas ng inyong kamay. 11 Kapag itinutuwid mo ang mga tao dahil sa kasalanan, dahan-dahan mong inuubos ang kanilang lakas tulad ng isang gamu-gamo; tunay na balewala ang lahat ng tao tulad ng singaw. Selah 12 Pakinggan mo ang aking dalangin, Yahweh, makinig ka sa akin, makinig ka sa aking pag-iyak! Huwag kang maging bingi sa akin, dahil tulad ako ng isang dayuhang kasama ninyo, isang nangibang-bayan tulad ng lahat ng aking mga ninuno. 13 Ibaling mo ang iyong pagtitig mula sa akin para muli akong makangiti bago ako mamatay.”
1 Makinig ka, Yahweh, at sagutin mo ako, dahil ako ay mahirap at inapi. 2 Pangalagaan mo ako, dahil ako ay matapat; aking Diyos, iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo. 3 Maawa ka sa akin, Panginoon, dahil ako ay tumatawag sa iyo buong araw. 4 Pasayahin mo ang iyong lingkod, dahil sa iyo, Panginoon, ako nagdarasal. 5 Ikaw, Panginoon, ay mabuti, at handang magpatawad, at nagpapakita ka ng malaking awa sa lahat ng tumatawag sa iyo. 6 Yahweh, makinig ka sa aking panalangin, dinggin mo ang aking pagsamo. 7 Sa araw ng aking kaguluhan tumatawag ako sa iyo, dahil sasagutin mo ako. 8 Walang sinuman ang maihahambing sa iyo sa mga diyos, Panginoon. Walang mga gawa ang makakatulad sa mga ginawa mo. 9 Lahat ng bansa na iyong ginawa ay pupunta at yuyuko sa iyo, Panginoon. Pararangalan nila ang iyong pangalan. 10 Dahil ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay, ikaw lamang ang Diyos. 11 Turuan mo ako ng iyong mga pamamaraan, Yahweh. At ako ay lalakad sa iyong katotohanan. Pag-isahin mo ang aking puso sa pagsamba sa iyo. 12 Panginoon aking Diyos, pupurihin kita ng buong puso, luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 13 Dahil dakila ang iyong katapatan sa tipan para sa akin, iniligtas mo ang aking buhay mula sa kailaliman ng sheol. 14 O Diyos, ang mayayabang ay naghihimagsik laban sa akin. Ang isang pangkat ng marahas na mga lalaki ay nagbabanta sa aking buhay. Wala silang pagsasaalang-alang para sa iyo. 15 Pero kayo, Panginoon, ay maawain at mabait na Diyos, matagal magalit, at sagana sa pagiging tapat at mapagkakatiwalaan sa tipan. 16 Harapin mo ako at maawa ka sa akin, ibigay mo ang iyong kalakasan sa iyong lingkod; iligtas mo ang anak ng babaeng lingkod mo. 17 Magpakita kayo sa akin ng tanda ng iyong pabor. Kung ganoon sinumang napopoot sa akin ay makikita ito at malalagay sa kahihiyan dahil ikaw, Yahweh, ang tumulong at umaliw sa akin.
1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan. 2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa. 6 O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha: 7 Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig! 8 “Huwag niyong patigasin ang inyong puso, tulad sa Meribah, o sa araw ng Masah sa ilang, 9 nang sinubukan ng inyong ninuno na hamunin ang aking kapangyarihan at sinubukan ang aking pasensya, kahit na nakita nila ang aking mga gawa. 10 Sa apatnapung taon ako ay galit sa salinlahi na iyon at sinabi, 'Ito ang mga tao na ang mga puso ay lumihis ng landas; hindi nila alam ang aking mga pamamaraan.' 11 Kaya nga nangako ako sa aking poot na hindi na sila kailanman makakapasok sa aking lugar ng kapahingahan.”