Tinuligsa ng mga Pariseo at mga Saduseo si Jesus sa Magadan
Ang maikling pagdalaw sa Magadan (Dalmanuta) sa Galilea, at ang matinding pagtuligsa ng mga Pariseo at mga Saduseo (pansining lumilitaw na sila ngayon laban kay Jesus).
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 15:39–16:4
15:39 Pagkatapos, pinauwi ni Jesus ang maraming tao at sumakay siya sa bangka at pumunta sa rehiyon ng Magadan.
16:1 Lumapit ang mga Pariseo at Saduseo at sinubok si Jesus sa pamamagitan ng paghingi sa kaniya na ipakita sa kanila ang isang palatandaan mula sa langit.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Pagsapit ng gabi, sasabihin ninyo. 'Magiging maganda ang panahon, sapagkat pula ang kalangitan.' 3 At sasabihin ninyo sa umaga, 'Hindi magiging maganda ang panahon ngayon, sapagkat ang langit ay pula at maulap.' Alam ninyo kung paano bigyan ng kahulugan ang anyo ng langit, ngunit hindi ninyo kayang bigyang kahulugan ang mga palatandaan ng mga panahon. 4 Maghahanap ng palatandaan ang mga masama at mapang-apid na salinlahi, ngunit walang maibibigay na palatandaan sa kanila maliban sa palatandaan ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus at umalis.
Marcos 8:10–12
8:10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kaniyang mga alagad at pumunta sila sa rehiyon ng Dalmanuta.
11 At pumunta ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Humingi sila sa kaniya ng palatandaan mula sa langit upang subukin siya.
12 Napabuntong-hininga siya sa kaniyang espiritu at kaniyang sinabi, “Bakit naghahanap ng palatandaan ang salinlahing ito? Totoong sinasabi ko sa inyo, walang palatandaang ibibigay sa salinlahing ito.”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag sa Betsaida
Ang ikaapat na paglayo, patungo sa Betsaida Julias sa tetrarkiya ni Herodes Felipe. Habang tumatawid, matinding sinaway ni Jesus ang mga alagad dahil sa kanilang kahinaan sa pag-unawa, at sa Betsaida ay pinagaling niya ang isang lalaking bulag.
Mateo 16:5–12
16:5 Nagpunta ang mga alagad sa kabilang bahagi, ngunit nakalimutang magdala ng tinapay.
6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nagdahilan ang mga alagad sa kanilang mga sarili at sinabi, “Ito ay dahil wala tayong nadalang tinapay.”
8 Batid ito ni Jesus at sinabi, “Kayong maliit ang pananampalataya, bakit kayo nagdadahilan sa inyong mga sarili at sinasabi na ito ay dahil wala kayong nadalang tinapay? 9 Hindi pa rin ba ninyo napapansin o naaalala ang limang tinapay para sa limang-libo, at ilang mga basket na tinapay ang naipon ninyo?
10 O ang pitong basket na tinapay na para sa apat na libo at ilang mga basket ang inyong naipon?
11 Paanong hindi ninyo naintindihan na hindi ako nagsasalita sa inyo tungkol sa tinapay? “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at Saduseo.”
12 Pagkatapos naintindihan nila na sila ay hindi pinag-iingat sa lebadura sa tinapay, kundi upang mag-ingat sa itinuturo ng mga Pariseo at mga Saduseo.
Marcos 8:13–26
8:13 Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus, muling sumakay sa bangka, at pumunta sa kabilang dako.
14 Ngayon nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay. Mayroon lamang silang natitirang isang tinapay sa bangka.
15 Binalaan niya sila at sinabi, “Magmasid kayo at magbantay laban sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”
16 Nangatwiran ang mga alagad sa isa't isa, “Ito ay dahil wala tayong tinapay.”
17 Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala?
19 Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”
20 “At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?” Sinabi nila sa kaniya, “Pito.”
21 Sinabi niya, “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?”
22 Nakarating sila sa Betsaida. Dinala sa kaniya ng mga tao doon ang isang lalaking bulag at pinakiusapan nila si Jesus na hawakan siya. 23 Inalalayan ni Jesus ang lalaking bulag at dinala siya palabas ng nayon. Nang niluraan niya ang kaniyang mga mata at pinatong ang kaniyang kamay sa kaniya, tinanong niya ito, “May nakikita ka bang anumang bagay?”
24 Tumingin siya at sinabi, “Nakakakita ako ng mga taong parang mga punong naglalakad.”
25 Kaya ipinatong niyang muli ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata, at iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, nanumbalik ang kaniyang paningin, at malinaw niyang nakita ang lahat ng mga bagay. 26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang tahanan at sinabi, “Huwag kang papasok sa bayan.”