Sinubok ni Jesus ang Pananampalataya ng Labindalawa
Malapit sa Cesarea Filipos, sinubok ni Jesus ang pananampalataya ng Labindalawa na siya ang Mesias.
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 16:13–20
16:13 Ngayon, nang dumating si Jesus sa mga bahagi ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kaniyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 Sinabi nila, “Sabi ng iba na si Juan na Tagapagbawtismo; ang iba, si Elias; at ang iba, si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo sa kung sino ako?”
16 Sumagot si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Pinagpala ka, Simon Bar Jonas, sapagkat ito ay hindi nahayag sa iyo ng laman o ng dugo, kundi ng aking Amang nasa langit. 18 Sinasabi ko rin sa iyo na ikaw ay si Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya. Ang tarangkahan ng hades ay hindi mananaig laban dito. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi sa kaharian ng langit. Anumang gapusin mo sa lupa ay gagapusin din sa langit, at anumang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan din sa langit.”
20 At inutusan ni Jesus ang mga alagad na huwag nilang sabihin sa iba na siya ang Cristo.
Marcos 8:27–30
8:27 Umalis si Jesus at ang kaniyang mga alagad patungo sa nayon ng Cesarea Filipos. Sa daan tinanong niya ang kaniyang mga alagad, “Sino ako ayon sa mga sinasabi ng mga tao?”
28 Sumagot sila at sinabi, “Si Juan na Tagabautismo. Sinasabi ng iba, 'si Elias,' at ang iba, 'Isa sa mga propeta.'”
29 Tinanong sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Ikaw ang Cristo.”
30 Binalaan sila ni Jesus na huwag ipagsabi sa kahit kanino ang tungkol sa kaniya.
Lucas 9:18–21
9:18 Nangyari nga, na habang siya ay mag-isang nananalangin, kasama ang kaniyang mga alagad, at sila ay kaniyang tinanong na sinasabi, “Ano ang sinasabi ng maraming tao kung sino ako?”
19 Sumagot sila at nagsabi, “Si Juan na Tagapagbautismo, ngunit ang iba ay nagsasabing ikaw ay si Elias, ang iba ay nagsasabing isa ka sa mga propeta mula noong unang panahon na nabuhay muli.”
20 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit sino ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro at sinabi, “Ang Cristo na nagmula sa Diyos.”
21 Ngunit nagbigay siya ng babala sa kanila, binilin sa kanila ni Jesus na huwag nila itong ipagsabi sa kahit kaninuman,
Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Darating na Kamatayan at Muling Pagkabuhay
Malinaw na ipinahayag ni Jesus na siya, ang Mesias, ay itatakwil at papatayin, at muling mabubuhay sa ikatlong araw.
Mateo 16:21–26
16:21 Magmula sa oras na iyon sinimulang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem, magdurusa ng maraming bagay sa kamay ng mga nakatatanda at sa mga punong pari at sa mga eskriba, papatayin at mabubuhay muli sa ikatlong araw.
22 Pagkatapos ay hinila siya ni Pedro sa tabi at pinagsabihan siya, na sinasabi, “Mailayo sana ito sa iyo, Panginoon, hindi sana ito mangyari sa iyo.”
23 Ngunit bumaling si Jesus kay Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Hadlang ka sa akin, sapagkat wala kang pakialam sa mga bagay ng Diyos, kundi sa mga bagay ng mga tao.”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung sinuman ang nais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, buhatin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat sinuman ang may nais iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawala ang buhay alang-alang sa akin ay matatagpuan niya ito.
26 Ano ang mapapala ng isang tao, kung mapasakaniya man ang buong mundo ngunit ang kabayaran ay ang kaniyang buhay? Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kaniyang buhay?
Marcos 8:31–37
8:31 At nagsimula siyang magturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay, at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, ng mga punong pari at ng mga eskriba, at ipapapatay, at muling babangon matapos ang tatlong araw.
32 Malinaw niya itong sinabi. At dinala siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimula siyang pagsabihan.
33 Ngunit lumingon si Jesus at tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway niya si Pedro at sinabi, “Layuan mo ako Satanas! Hindi mo pinahahalagahan ang mga bagay tungkol sa Diyos ngunit pinahahalagahan mo ang mga bagay tungkol sa mga tao.”
34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay?
Lucas 9:22–25
9:22 sinasabi niya na ang Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming bagay at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, mga punong-pari at mga eskriba, at siya ay papatayin, at sa ikatlong araw ay bubuhayin muli.
23 Sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung sinuman ang may gustong sumunod sa akin, kailangan niyang tanggihan ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw, at sumunod sa akin.
24 Sinumang sumubok na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay maliligtas ito.
25 Ano ang mapapala ng tao kung makamit niya ang buong mundo, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kaniyang sarili?
Ang Pagdating ng Anak ng Tao sa Salinlahing Iyon
Mateo 16:27–28
16:27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may mga ilan sa inyo na nakatayo dito na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kaniyang kaharian.”
Marcos 8:38–9:1
8:38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”
9:1 At sinabi niya sa kanila, “Totoo itong sasabihin ko sa inyo, mayroong ilan sa inyo na nakatayo rito ang hindi makakaranas ng kamatayan bago nila makita ang kaharian ng Diyos na darating na may kapangyarihan.”
Lucas 9:26–27
9:26 Ang sinuman na ikakahiya ako at ang aking mga salita, siya din ay ikakahiya ng Anak ng Tao kapag siya ay dumating na nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Ngunit katotohanang sinasabi sa inyo, mayroong iba sa inyong nakatayo dito, na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”