Pinagaling ni Jesus ang Anak na Babae ng Isang Babaeng taga-Sirofenisa
Ang ikalawang paglayo, patungo sa rehiyon ng Tiro at Sidon, at ang pagpapagaling sa anak na babae ng isang babaeng taga-Sirofenisa.
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 15:21–28
15:21 Pagkatapos, umalis si Jesus mula roon at pumunta patungo sa mga rehiyon sa lungsod ng Tiro at Sidon. 22 Masdan ito, may isang Cananeang babae ang lumabas galing sa rehiyon na iyon. Sumigaw siya at sinabing, “Kahabangan mo ako, Panginoon, anak ni David; ang aking anak na babae ay lubhang pinapahirapan ng isang demonyo.
23 Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus kahit isang salita. Lumapit ang kaniyang mga alagad at nagmakaawa sa kaniya, sinabi, “Paalisin ninyo siya sapagkat sumisigaw siyang sumusunod sa atin.”
24 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ako sinugo sa kaninuman maliban sa mga tupang naliligaw sa tahanan ng Israel.”
25 Ngunit lumapit at lumuhod ang babae sa kaniyang harapan, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Sumagot siya at sinabi, “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis sa mga tuta.”
27 Sinabi niya, “Oo nga, Panginoon, ngunit kahit ang mga tuta ay kinakain ang mga katiting na tinapay na nahulog mula sa kainan ng kanilang mga amo.
28 Pagkatapos, sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ayon sa iyong hinihiling.” At gumaling ang kaniyang anak na babae sa oras na iyon.
Marcos 7:24–30
7:24 Tumayo siya mula doon at umalis papunta sa lupain ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa isang bahay at hindi niya nais na malaman ng kahit na sino na naroroon siya, ngunit hindi niya nagawang makapagtago. 25 Subalit may isang babae na may anak na babae na sinapian ng maruming espiritu, nang nakarinig ng tungkol sa kaniya ay agad-agad lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.
26 Ngayon ang babaing ito ay isang Griego na taga-Sirofenisa, ayon sa lahi. Nagmakaawa siya sa kaniya na palayasin ang demonyo sa kaniyang anak na babae.
27 Sinabi niya sa kaniya, “Hayaang pakainin muna ang mga bata. Sapagkat hindi tamang kunin ang tinapay ng mga bata at itapon ito sa mga aso.”
28 Ngunit sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, “Opo, Panginoon, kahit ang mga aso na nasa ilalim ng lamesa ay kumakain ng mumo ng mga bata.”
29 Sinabi niya sa kaniya, “Dahil sa sinabi mo ito, malaya ka nang makakaalis. Lumayas na ang demonyo sa anak mong babae.” 30 Bumalik ang babae sa kaniyang bahay at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.
Pinakain ni Jesus ang Apat na Libo
Ang ikatlong paglayo: pahilaga sa pamamagitan ng Fenicia, pasilangan patungong Hermon, at patimog papasok sa Decapolis (nananatili sa labas ng teritoryo ni Herodes Antipas), kasama ang pagpapagaling sa lalaking bingi at pipi at ang pagpapakain sa apat na libo.
Mateo 15:29–38
15:29 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at pumunta malapit sa Dagat ng Galilea. Pagkatapos umakyat siya sa isang burol at doon umupo.
30 Napakaraming tao ang lumapit sa kaniya. Kasama nila ang mga pilay, bulag, pipi at mga lumpo, at marami pang iba na may mga sakit. Inilagay sila sa paanan ni Jesus at sila ay pinagaling niya. 31 Kaya namangha ang maraming tao nang nakita nila ang mga pipi na nakapagsalita, ang lumpo na napagaling, ang pilay na nakakalakad at mga bulag na nakakakita. Pinuri nila ang Diyos ng Israel.
32 Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga tao dahil sila ay nanatili kasama ko sa loob na ng tatlong araw at walang makain. Ayaw ko silang pauwiin na hindi kumakain upang hindi sila himatayin sa daan.”
33 Sinabi ng mga alagad sa kaniya, “Saan naman tayo kukuha ng sapat na tinapay sa ilang para busugin ang napakamaraming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “IIan ang tinapay na meron kayo?” Sinabi nila, “Pito, at kaunting maliliit na isda.”
35 At inutosan ni Jesus ang maraming tao na maupo sa lupa. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at mga isda, at pagkatapos magbigay ng pasasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad. At ibinigay ng mga alagad ang mga ito sa mga tao.
37 Ang lahat ng tao ay nakakain at nabusog. At inipon nila ang mga pagkain mula sa pira-pirasong natira, pitong basket ang napuno.
38 Mayroong apat na libong lalaki ang kumain, bukod sa mga babae at mga bata.
Marcos 7:31–8:9
7:31 Pagkatapos ay muli siyang umalis mula sa lupain ng Tiro, at dumaan sa Sidon patungo sa Dagat ng Galilea, paakyat sa lupain ng Decapolis. 32 At dinala sa kaniya ang isang taong bingi at nahihirapang magsalita, at nagmakaawa sila sa kaniya na ipatong niya ang kaniyang kamay sa lalaki.
33 Inihiwalay niya siya mula sa maraming tao nang sarilinan at hinawakan niya ang kaniyang mga tainga at pagkatapos dumura, hinawakan niya ang kaniyang dila. 34 Tumingala siya sa langit, at nagbuntong-hininga at sinabi sa kaniya, “Effata”, na ang ibig sabihin ay, “Bumukas ka!” 35 Agad bumukas ang kaniyang pandinig at napuksa ang pumipigil sa kaniyang dila at malinaw na siyang nakapagsasalita.
36 At ipinag-utos niya sa kanilang huwag itong ipagsabi sa kahit na sino. Ngunit habang lalo pa niya itong pinagbabawal, mas lalo nila itong inihahayag. 37 Lubos silang namangha at sinasabi nilang, “Mahusay ang lahat ng kaniyang ginawa. Nagagawa niyang makarinig ang bingi at makapagsalita ang pipi.”
8:1 Sa mga araw na iyon, naroon muli ang maraming tao at wala silang makain. Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 “Naaawa ako sa mga tao dahil patuloy nila akong sinamahan ng tatlong araw at wala silang makain. 3 Kung pauuwiin ko sila sa kanilang mga tahanan na hindi pa nakakakain, maaari silang himatayin sa daan. At nagmula pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
4 Sinagot siya ng kaniyang mga alagad, “Saan tayo maaaring makakuha ng sapat na tinapay sa isang ilang na lugar upang busugin ang mga taong ito?”
5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilang tinapay ang mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niyang umupo sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat at hinati-hati ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang ipamigay nila, at ipinamigay nila ang mga ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda, at matapos siyang makapagpasalamat para sa mga ito, inutusan niya ang kaniyang mga alagad na ipamahagi din ito.
8 Kumain sila at nabusog. At kinuha nila ang mga natirang pinaghati-hati, umabot ang mga ito sa pitong malalaking basket.
9 May apat na libo ang mga taong naroroon. At pinauwi niya sila.