Sumulat si Pedro sa mga Kristiyanong Judio at Gentil
Isinulat ni Pedro ang kaniyang unang liham sa mga Judio na, sa panahon ng pag-uusig, ay nagtago sa mga paganong lupaing binanggit sa simula nito, at gayundin sa mga nahikayat na Gentil. Sumulat siya upang hikayatin silang magtiis nang may kagalakan alang-alang sa kanilang relihiyon, at upang idiin sa kanila ang pangangailangang mamuhay nang banal at walang kapintasan, upang maipahiya nila ang mga paninirang-puri ng kanilang mga kaaway.
A.D. 65 o 66
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Binati ni Pedro ang mga Kristiyanong Judio at Gentil
Ang pagbati at basbas ni Pedro sa mga Judio at mga Gentil na pinili ayon sa paunang kaalaman ng Diyos, na ipinahayag ng mga propeta, upang maging masunurin sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu. Sa pamamagitan nito ay nakikibahagi sila sa lahat ng pagpapalang nagmumula sa dugo ni Cristo na handog na pambayad-sala.
1 Si Pedro, na apostol ni Jesu Cristo, sa mga dayuhang nasa iba't ibang dako, sa mga pinili na nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, 2 ayon sa kaalaman ng Diyos Ama sa simula pa lang, sa pagpapabanal ng Banal na Espiritu, para sa pagsunod kay Jesu Cristo, at para sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya, at sumagana ang inyong kapayapaan.
Pinuri ni Pedro ang Diyos dahil sa Kanilang Bagong Kapanganakan
Pinupuri ni Pedro ang Diyos dahil sa espirituwal na kapanganakan ng mga Judio at mga Gentil tungo sa pag-asa ng buhay pagkatapos ng kamatayan sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu Cristo, upang makabahagi sila sa isang pamanang hindi masisira. Sa pag-asa sa kaligtasang ito ay dapat silang lubos na magalak, bagaman nalulungkot dahil sa iba't ibang kapighatian. Kailangan ang mga ito upang mapatunayan ang kanilang pananampalataya, na ang pagsubok ay higit na mahalaga kaysa sa pagsubok sa ginto, sapagkat nagkakamit ito para sa kanila ng walang hanggang kaluwalhatian at papuri sa pagdating ni Jesu Cristo. Sa kaniya, bagaman hindi nila siya nakikita, ay lubos silang nagagalak bilang Tagapagligtas, sapagkat alam nilang tatanggapin nila mula sa kaniya ang gantimpala ng kanilang pananampalataya, ang kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa. Inihula ng mga propeta ang kaligtasang ito, at masusing nagsaliksik upang malaman ang panahon at ang mga taong tinutukoy ng Espiritu ng Diyos nang patotohanan nito nang patiuna ang mga pagdurusa ni Cristo at ang mga kaluwalhatian at pagpapalang susunod sa mga iyon. Ipinahayag din ng Banal na Espiritu sa mga propeta na hindi ang kanilang sarili ang pinaglilingkuran nila kundi ang mga tao sa susunod na panahon, sa mga bagay na ipinahayag na ngayon sa daigdig ng mga apostol, na binigyan ng kapangyarihan para sa layuning iyon ng siya ring Banal na Espiritu. Ang mga hiwagang ito ay minimithing siyasatin ng mga anghel, gayundin ng mga tao (Exodo 25:20).
3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon.
6 Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7 Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo.
8 Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9 Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
10 Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11 Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya.
12 Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo— ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel.
Mamuhay sa Banal na Pagkatakot, Tinubos ng Dugo ni Cristo
Batay sa mga pagpapalang nakamit sa pamamagitan ng mga pagdurusa ni Cristo, nananawagan si Pedro sa kanila na lakasan ang kanilang loob sa lahat ng pagsubok, na inaalalayan hanggang sa wakas ng kanilang buhay ng pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako sa kanila sa araw ng pagpapahayag kay Cristo. Dapat nilang iwasan ang mga pagnanasang sinusunod nila bago sila nagbalik-loob, at tularan ang kabanalan ng Diyos, na tumawag sa kanila upang maging kaniyang mga anak, gaya ng isinulat ni Moises (Levitico 19:2; 1 Pedro 5:10; 2:21; 3:9). Yamang hahatulan ang bawat tao ayon sa kaniyang sariling mga gawa, nang walang pagtatangi, hinihimok silang gugulin ang panahon ng kanilang pananatili sa lupa sa magalang na pagkatakot. Lalo nilang dapat gawin ito sapagkat iniligtas sila mula sa mga minanang pamahiin, tradisyon o tiwaling ritwal ng pagsamba na tinanggap mula sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, gaya ng isang handog para sa kasalanan na walang kapintasan. Itinalaga si Cristo sa layunin ng Diyos bago pa itinatag ang daigdig at inilalarawan na siya ng handog sa ilalim ng Kautusan, ngunit ipinakilala rin siya sa mga Gentil sa huling kapanahunan, ang kapanahunan ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa awa ng Diyos na ipinakita sa handog na ito ni Cristo, sumasampalataya sila sa Diyos, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay at nagtaas sa kaniya sa kaluwalhatian sa langit, upang, sa pagpapatatag ng kanilang pananampalataya sa katuparan ng mga pangako ng Diyos, ang kanilang pag-asa sa walang hanggang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Cristo ay maging nasa Diyos.
13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”
17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo.
21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos.
Ipinanganak na Muli, Mag-ibigan Kayo
Hinihimok ni Pedro ang mga taong ang puso ay nilinis mula sa makalamang pagnanasa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesu na mag-ibigan, hindi sa mapagkunwaring mga kilos at salita kundi nang may dalisay na pusong malaya sa makalamang pagnanasa, bilang magkakapatid na ipinanganak na muli. Ipinanganak silang muli hindi dahil sa angkan ng mga magulang na tao kundi mula sa isang pinagmumulang mula sa Diyos at sa langit, ang aral ng buhay na Diyos, na nananatili magpakailanman.
22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25 pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo.
Mga Batong Buhay sa Espirituwal na Templo ng Diyos
Hinihimok sila ni Pedro na iwaksi ang lahat ng masasamang hilig ng kanilang dating kalikasan at, bilang mga sanggol na ipinanganak na muli sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, na hangarin ang dalisay na gatas ng ebanghelyo, upang mapakain ang kanilang bagong kalikasan hanggang sa ganap na paglago nito, yamang natikman na nila ang kabutihan at kadakilaan ng Panginoon sa kanilang ikalawa at espirituwal na kapanganakan (Mga Awit 34:8). Sa paglapit nila sa kaniya sa pananampalataya bilang isang batong buhay na pundasyon, itinatayo sila sa kaniya at nakikibahagi sa kaniyang buhay, upang maging isang espirituwal na templo at isang kalipunan ng mga pari (Exodo 19:6; Pahayag 1:6), na itinalagang mag-alay ng mga panalangin at papuri bilang mga handog na hain sa pamamagitan ni Cristo. Kaya ipinahayag ni Isaias (Isaias 28:16) na ilalagay sa Sion ang “isang pinili at mahalagang batong panulok” bilang pundasyon ng bagong templo ng Diyos, na pinagdurugtong ang dalawang panig ng gusali, ang mga Judio at mga Gentil, sa iisang iglesya (mga taga Efeso 2:21). Ang mga sumasampalataya ay kabilang sa gusaling ito. Ngunit tungkol sa mga masuwayin ay nasusulat (Mga Awit 118:22) na ang itinakwil na batong pundasyong ito ay “naging batong panulok” ng bagong templo ng Diyos, at “batong katitisuran” sa mga hindi sumampalataya kay Cristo, na kababanggaan nila at ikakadurog, gaya ng inihula ni Isaias (Isaias 8:14–15). Inilalarawan ni Pedro ang dakilang mga pribilehiyo ng mga Kristiyano gamit ang mga titulong dating ibinigay sa iglesyang Judio, sa lahat ng isinama sa tipan sa Diyos.
1 Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2 Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3 kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon.
4 Lumapit kayo sa kaniya na siyang buhay na bato na tinanggihan ng mga tao, pero pinili ng Diyos at natatangi sa kaniya. 5 Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. 6 Sinasabi ng kasulatan, “Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”
7 Kaya ang karangalan ay para sa inyo na nananampalataya. Pero, “ang bato na tinanggihan ng mga manggagawa, ito ang naging puno sa panulukan”— 8 at, “ang batong katitisuran at ang batong kadarapaan.” Madarapa sila sa hindi pagsunod sa salita, kung saan sila rin ay itinalaga.
9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.
Bilang mga Dayuhan, Magpasakop sa Bawat Pamahalaan ng Tao
Sa pagtukoy sa mga Israelita noong una (mga Hebreo 11:13), nananawagan si Pedro sa kanila, bilang mga dayuhan at mga manlalakbay (na siya naman talaga nilang kalagayan sa Asia, Ponto at iba pang mga lupain) na walang pamana sa lupa, na hangarin ang isang makalangit na bayan at umiwas sa makalamang pagnanasa, na umaalipin o sumisira sa kaluluwa. Dapat silang mamuhay sa paraang mapabubulaanan ng kanilang mabubuting gawa ang mga paninirang-puri ng kanilang mga kaaway. Dapat silang magpasakop sa bawat anyo ng pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, upang patahimikin ang kamangmangan ng mga taong hangal na nagsasabing dahil sa kanilang relihiyon ay ayaw nilang magpasakop sa mga hari at mga pinuno. Bilang bayang pinili ng Diyos, ipinagmamalaki ng mga Judio na sila ay mga taong malaya, na pinamamahalaan ng sarili nilang mga batas. Taglay ito sa isip, nananawagan si Pedro sa kanila na hayaang pamahalaan ng mga batas ng kanilang relihiyon ang kanilang kalooban, ngunit huwag gamitin ang kanilang kalayaan bilang panakip sa paghihimagsik, gaya ng ginawa ng mga Judio, kundi mamuhay bilang mga lingkod ng Diyos.
11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.
13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.
16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
Ang mga Lingkod ay Dapat Magdusa Gaya ng Pagdurusa ni Cristo
Hinihimok ni Pedro ang mga alipin at lingkod sa sambahayan na sundin ang kanilang mga panginoon nang may pagpapasakop at paggalang, maging ang mga malupit at di-makatarungan, at huwag ibatay ang kanilang pagsunod sa ugali ng mga pinaglilingkuran nila. Dapat silang magtiis dahil sa paggawa ng mabuti, na sinusunod ang halimbawa ni Cristo, na nagdusa para sa kanila upang makasunod sila sa kaniyang mga yapak. Walang kasalanan sa kaniya (Isaias 53:6). Pinasan niya ang kaparusahang nararapat sa kasalanan upang mapalaya niya ang tao mula sa kapangyarihan nito.
18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang, hindi lang sa mabuti at mahinahon na mga amo, pero pati narin sa mga masama. 19 Sapagkat kapuri-puri ang sinumang magtitiis ng pasakit habang nahihirapan sa kawalan ng katarungan nang dahil sa kaniyang konsiyensya sa Diyos. 20 Sapagkat gaano kataas na parangal ang nakalaan sa paggawa ng kasamaan at magtiis habang pinarurusahan? Pero kung gumawa kayo ng mabuti at nagtiis kayo habang pinarurusahan, ito ay kapuri-puri sa Diyos.
21 Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22 Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23 Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.
25 Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa.