Tinuturuan ni Pablo ang mga Lalaki at Babae tungkol sa Pagsamba
Muling idinidiin ang tungkulin ng pananalangin. Iniuutos sa mga lalaki na mag-alay ng mga pampublikong panalangin, na hindi dapat limitahan sa sinagoga o sa templo sa Jerusalem; kung iniaalay nang may debosyon, katanggap-tanggap ang mga ito sa bawat lugar. Hinihimok ang mga babaeng Kristiyano na gumawa ng mabuti at manahimik. Dapat umangkop ang kanilang pananamit sa kanilang banal na pagpapahayag ng pananampalataya. Dahil sa kaniyang pagsuway, ang babae ay dapat magpasakop sa lalaki. Mababawasan ang sumpang ipinahayag laban sa kaniya sa kondisyon ng pananampalataya at kabanalan.
A.D. 57
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
8 Kaya, nais ko na ang lahat ng kalalakihan sa bawat lugar na manalangin at itaas ang kanilang mga banal na kamay ng walang galit at mga pag-aalinlangan.
9 Gayundin, nais ko ang mga kababaihan na magsuot ng nararapat na kasuotan ng may kahinhinan at pagpipigil sa sarili. Hindi sila dapat magtirintas ng buhok, o maglagay ng ginto, o perlas, o magsuot ng mamahaling damit. 10 Nais ko silang magsuot ng kung ano ang angkop sa mga kababaihan na nagpapahayag ng pagiging maka-diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.
11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.
Ang mga Kwalipikasyon ng mga Obispo at Ministro
Inilalarawan ang mga kwalipikasyon ng isang obispo, na nangangasiwa sa ilang kongregasyon, at ng isang ministro na namamahala sa isang kongregasyon.
1 Ang pahayag na ito ay mapagkakatiwalaan: Kung sinuman ang nagnanais na maging tagapangasiwa, nagnanais siya ng mabuting gawa. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera.
4 Kailangang maayos niyang pinamamahalaan ang kaniyang sambahayan, at kailangang sinusunod siya ng kaniyang mga anak nang may buong paggalang. 5 Sapagkat kung ang lalaki ay hindi alam kung paano niya pamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan, paano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Dapat hindi siya baguhang mananampalataya, upang hindi siya maging mapagmataas at mahulog sa paghahatol kagaya ng diyablo. 7 Kailangang mabuti rin ang kaniyang reputasyon sa mga nasa labas, upang hindi siya mahulog sa kahihiyan at sa bitag ng diyablo.
Mga Katangiang Kailangang Taglayin ng mga Diyakono at ng Kanilang mga Asawa
Inililista ang mga kwalipikasyon ng mga diyakono. Ang kanilang mga asawa ay dapat maging mga halimbawa sa mga tao.
8 Gayon din, dapat marangal ang mga diakono, hindi dalawa ang salita. Dapat hindi sila umiinom ng sobrang alak o maging sakim. 9 Dapat nilang ingatan ang naipahayag na katotohanan ng pananampalataya na may malinis na budhi. 10 Dapat mapatunayan muna silang karapat-dapat, pagkatapos dapat silang maglingkod dahil sila ay walang sala.
11 Gayun din ang mga babae, dapat maging marangal. Dapat hindi sila mapanirang-puri. Dapat mahinahon at tapat sila sa lahat ng bagay.
12 Ang mga diakono ay dapat maging mga asawa ng isang babae. Dapat mahusay nilang pinamamahalaan ang kanilang mga anak at sambahayan. 13 Para sa mga naglingkod ng mahusay ay nakamit na nila para sa kanilang sarili ang mabuting katayuan at malaking tiwala sa pananampalataya na nakay Cristo Jesus.
Pinalalakas ni Pablo ang Loob ni Timoteo sa Kanyang mga Tungkulin
Pinalalakas ni Pablo ang loob ni Timoteo sa kanyang mga tungkulin bilang obispo at ministro sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanya ng mas matatayog na doktrina ng relihiyong Kristiyano.
14 Sinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo, at umaasa akong makapunta sa iyo sa lalong madaling panahon. 15 Ngunit kung maaantala ako, sumusulat ako upang iyong malaman kung paano kumilos ng wasto sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesiya ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan.
16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: “Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian.”
Inihuhula ni Pablo ang Pagtalikod ng Iglesya sa Pananampalataya
Sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, inihuhula ni Pablo ang pagtalikod ng iglesyang Kristiyano sa pananampalataya at inilalarawan ang uri ng mga katiwalian nito, na pahapyaw na ipinahihiwatig na kabilang sa mga naghahanda ng daan nito ang mga gurong nagtataguyod ng pagsunod sa mga kaugaliang Judio. Binabalaan si Timoteo laban sa anumang pagkiling sa mga katiwaliang ito, at hinihimok na ituro ang pagsasagawa ng kabutihan at kabanalan bilang tanging kapaki-pakinabang at katanggap-tanggap na paglilingkod ng isang Kristiyano. Inaatasan siyang igiit ang mahalagang katotohanang ito, bagaman aalipustain at uusigin siya dahil sa paggawa nito.
1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.
3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5 Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
6 Kung iyong ilalagay ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo. Sapagkat ikaw ay pinalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at sa pamamagitan ng mabuting katuruan na iyong sinunod.
7 Ngunit tanggihan mo ang mga maka-mundong kuwento na gustong-gusto ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-diyos. 8 Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating. 9 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at lubos na katanggap-tanggap.
10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya. 11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito.
Ginagabayan ni Pablo ang Sariling Pag-uugali ni Timoteo
Binibigyan ni Pablo si Timoteo ng mga tagubilin tungkol sa sarili niyang pag-uugali, at nais niyang isantabi nito sa kanyang pagtuturo ang lahat ng paksang batay sa haka-haka. Dapat siyang maging halimbawa sa iglesya, at italaga ang sarili sa ministeryo, sa pagbabasa, pag-aaral, pagninilay, at pagpipigil sa sarili. Sa paggawa nito ay maliligtas niya ang kanyang sarili at magiging daan siya ng kaligtasan para sa iba.
12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.