Inuudyukan ni Demetrio ang Isang Pangkat ng mga Manggugulo sa Efeso
Patuloy na nananatili si Pablo sa Efeso. Inuudyukan ni Demetrio ang isang pangkat ng mga manggugulo doon.
A.D. 57
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
23 At nagkaroon ng malaking kaguluhan sa panahong iyon Efeso patungkol sa Daan. 24 May isang magpapanday ng pilak na nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng imahe ni Diana na pilak, na nagbibigay ng malaking negosyo sa mga nagpapanday.
25 Kaya tinipon niya ang mga manggagawa sa trabahong iyon, at sinabi, “Mga Ginoo, alam ninyo na sa negosyong ito tayo kumikita ng malaking halaga. 26 Nakikita at naririnig ninyo iyon, hindi lang sa Efeso, ngunit halos sa buong Asia. Ang Pablong ito ay nanghikayat at nagpalayo ng maraming tao. Sinasabi niya na walang mga diyos-diyosan na gawa sa mga kamay. 27 At hindi lamang iyon ang panganib na ang mga kalakal natin ay hindi na kakailanganin, subalit pati narin ang templo ng dakilang diyosang si Diana ay maaring mawalan ng halaga. At mawawalan din siya ng kadakilaan, na siyang sinasamba ng buong Asia at ng buong mundo.”
28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng galit at sumigaw na nagsasabi, “Dakila si Diana ng mga taga- Efeso.” 29 Napuno ng kaguluhan ang buong lungsod, at ang mga tao ay sama-samang nagmadali papunta sa tanghalan. At dinampot nila ang mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay na sina Gaius at Aristarco, na taga-Macedonia.
30 Nais ni Pablo na pumasok sa gitna ng napakaraming tao, ngunit pinigilan siya ng mga alagad. 31 Maging ang ilan sa mga opisyal ng probinsiya ng Asia na kaniyang mga kaibigan ay nagpadala ng mensahe na nakikiusap na huwag siyang tumuloy sa tanghalan.
32 Ang ibang mga tao ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay naman, sapagkat nalito ang mga tao. Karamihan sa kanila ay hindi alam kung bakit sila nagkatipon-tipon doon. 33 Dinala ng mga Judio si Alejandro palabas sa maraming tao, ihinarap siya sa mga tao. Si Alejandro ay nagsenyas ng kaniyang kamay upang magbigay ng paliwanag sa mga tao. 34 Ngunit nang malaman nila na siya ay isang Judio, sumigaw silang lahat ng may iisang tinig sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Diana ng mga taga Efeso.”
35 Nang patahimikin ng kalihim ng bayan ang mga tao, sinabi niya, “Kayong mga taga-Efeso, sino ba naman ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Diana at ng kaniyang imahe na nahulog mula sa langit? 36 Nakikita naman natin na ang mga bagay na ito ay hindi maitatanggi, kinakailangan na kayo ay manahimik at huwag maging pabigla-bigla. 37 Sapagkat dinala ninyo ang mga lalaking ito sa hukumang ito na hindi magnanakaw sa templo o nagsasalita ng masama sa ating diyosa.
38 Kaya, kung si Demetrio at ang mga manggagawa na kasama niya ay may reklamo laban sa sinuman, bukas ang hukuman at nandiyan ang mga gobernador. Hayaan ninyo na akusahan nila ang isat isa. 39 Ngunit kung naghahanap kayo ng kasagutan sa anumang bagay, ito ay maaring maayos sa pagpupulong. 40 Kung gayon tayo ay nanganganib na maakusahan sa nangyaring kaguluhan sa araw na ito. Walang dahilan para sa kaguluhang ito, at hindi natin kayang ipaliwanag ito.”
41 Nang sabihin niya ito, tinapos na niya ang pagpupulong.
Umalis si Pablo sa Efeso Patungong Macedonia
1 Nang tumigil na ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos nagpaalam siya sa kanila at umalis papuntang Macedonia.
Sumulat si Pablo kay Timoteo
Isinusulat ni Pablo ang kaniyang unang liham kay Timoteo upang tagubilinan siya kung paano susugpuin ang mga maling doktrina at katiwaliang sinisikap itatag ng mga panatikong Judio sa iglesya sa Efeso, na pinamumunuan niya ayon sa pagkakahirang sa kaniya.
Binabati ni Pablo si Timoteo
Ang pagbati.
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kautusan ng Diyos na ating tagapagligtas at Cristo Jesus na ating inaasahan, 2 para kay Timoteo, isang tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Bakit Iniwan ni Pablo si Timoteo sa Efeso
Ipinaaalala ni Pablo kay Timoteo kung bakit niya ito iniwan sa Efeso: upang labanan ang mga panatikong Judio, na nagsisikap ihalo ang mga talaangkanan at tradisyon sa turong Kristiyano.
3 Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4 Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Layunin at Paggamit ng Kautusan
Ipinaliliwanag ni Pablo ang layunin at paggamit ng Kautusan, na ipinakikita niyang lubos na naaayon sa Kristiyanismo, sapagkat ipinaiiral nito ang kabutihang moral at hinahatulan ang bawat uri ng kasamaan.
5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.
8 Ngunit alam natin na ang kautusan ay mabuti kung ginagamit ito ng ayon sa batas. 9 At nalalaman natin ito, na ang kautusan ay hindi ginawa para sa matuwid na tao, kundi sa walang kinikilalang batas at rebeldeng mga tao, para sa mga hindi makadiyos, at makasalanan, at sa mga taong walang Diyos at lapastangan. Ito ay ginawa para sa mga pumapatay ng kanilang ama at ina, para sa mga mamamatay tao, 10 para sa mga taong mahahalay, at sa mga nakikipagtalik sa parehong kasarian, at sa mga nangunguha ng mga tao para gawing mga alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga huwad na saksi, at para sa anumang salungat sa mabuting alituntunin. 11 Ang mga alituntuning ito ay ayon sa dakilang ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.
Ang Awa ni Cristo sa Paghirang kay Pablo bilang Apostol
Sandaling lumilihis si Pablo sa paksa upang pagtuunan ang kabutihan ni Cristo sa paghirang sa kaniya bilang apostol ng maluwalhating ebanghelyong ito. Batay sa awa ng Diyos sa kaniya, inaanyayahan niya ang lahat ng makasalanan na magsisi.
12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Pinapalakas niya ako, sapagkat itinuturing niya akong tapat, at inilagay niya ako sa paglilingkod. 13 Isa akong lapastangan sa Diyos, umuusig, at marahas na tao. Ngunit tumanggap ako ng habag dahil sa hindi ko alam ang aking ginagawa sa kawalan ng pananampalataya. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay nag-uumapaw sa pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus.
15 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at karapat-dapat na tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. Ako ang pinakamasama sa mga ito. 16 Ngunit sa dahilang ito nabigyan ako ng habag, kaya't sa pamamagitan ko, bilang pangunahin, ay ipapakita ni Cristo Jesus ang buong pagtitiyaga. Ginawa niya ito bilang isang halimbawa sa mga magtitiwala sa kaniya para sa buhay na walang hanggan. 17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen.
Inaatasan si Timoteo na Ingatan ang Pananampalataya
Ipinaaalala ni Pablo kay Timoteo na hinirang siya sa ministeryong Kristiyano sa pamamagitan ng propesiya, at hinihimok siyang panghawakan ang dalisay na pananampalataya at mabuting budhi. Sina Alejandro at Himeneo, na hindi nag-ingat sa alinman sa dalawa, ay pinarurusahan dahil sa kanilang kawalang-paggalang sa Diyos.
18 Ibinibigay ko ang utos na ito sa iyo, Timoteo, na aking anak. Ginagawa ko ito ayon sa propesiya na nasabi tungkol sa iyo noon, upang ikaw ay makipaglaban sa mabuting pakikipaglaban. 19 Gawin mo ito para magkaroon ka ng pananampalataya at isang mabuting budhi. Binalewala ito ng ilang mga tao at natulad sa pagkawasak ng barko ang kanilang pananampalataya. 20 Tulad nina Himeneo at Alejandro, na ibinigay ko kay Satanas upang matuto silang hindi lumapastangan.
Iniuutos ni Pablo ang Pananalangin para sa Lahat ng Tao
Bilang pagtutol sa mga Kristiyanong nagtataguyod ng pagsunod sa mga kaugaliang Judio, iniuutos ni Pablo sa mga nahikayat sa pananampalatayang Kristiyano na, sa mabait na diwa ng ebanghelyo, manalangin para sa lahat ng tao, maging mga Judio o mga Gentil, at lalo na para sa mga hari at sa mga may kapangyarihan sa bawat bansa at lupain. Ipinahahayag niyang nakalulugod ito sa Diyos, na nagnanais na maligtas ang lahat ng tao, at na may iisang Tagapamagitan lamang sa Diyos at sa mga tao ng lahat ng bansa. Hinirang si Pablo upang ipaalam ang mga katotohanang ito sa mga Gentil gayundin sa mga Judio.
1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan. 3 Ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harap ng ating Diyos na tagapagligtas. 4 Ninanais niya na ang lahat ng tao ay maligtas at magkaroon ng kaalaman tungkol sa katotohanan.
5 Sapagkat may iisang Diyos at iisang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang katubusan sa lahat, bilang patotoo sa tamang panahon.
7 Sa kadahilanang ito, ako, si Pablo, ay naging tagapagturo at apostol. Nagsasabi ako ng katotohanan. Hindi ako nagsisinungaling. Ako ang tagapagturo ng mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.