Ang Unang Adan at ang Ikalawa

Pinatutunayan sa mga Judio ang katotohanan ng muling pagkabuhay sa pamamagitan ng pagkakatulad ng una at ng ikalawang Adan.

A.D. 57

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Corinto 15:45–49

45 Kaya ito din ay naisulat, “Naging buhay na kaluluwa ang unang tao na si Adan.” Naging espiritu na nagbibigay-buhay ang huling Adan.

46 Ngunit hindi unang dumating ang espiritwal kundi ang likas, pagkatapos niyon ay ang espiritwal. 47 Ang unang tao ay sa mundo na gawa sa alabok. Ang pangalawang tao ay mula sa langit. 48 Gaya ng isang taong gawa mula sa alabok, ganoon din ang mga gawa mula sa alabok. Gaya ng taong mula sa langit, ganoon din ang mga taong mula sa langit. 49 Gaya natin na isinilang sa larawan ng tao na mula sa alabok, atin ding madadala ang larawan ng taong mula sa langit.

Ang Tagumpay laban sa Kasalanan at Kamatayan

Iginigiit ni Pablo na hindi makapapasok ang ating kasalukuyang mga katawan sa isang espirituwal na kalagayan. Inilalarawan niya kung paano magaganap ang muling pagkabuhay at ang maluwalhating pagbabagong mangyayari sa isang kalagayan ng kawalang-kamatayan, na may ganap na tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Dahil dito, hinihimok ang mga taga-Corinto na magkaroon ng aktibo at matatag na pananampalataya.

1 Corinto 15:50–58

50 Ngayon sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ni ang mga nasisira ay hindi magmamana ng hindi nasisira.

51 Tingnan ninyo! Sinasabi ko sa inyo ang lihim na katotohanan: Tayong lahat ay hindi mamamatay ngunit tayong lahat ay mababago. 52 Tayong ay mababago sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at babangon ang lahat ng namatay na hindi na nasisira at tayo ay mababago. 53 Sapagkat itong nasisira ay dapat mailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay dapat mailagay sa hindi namamatay.

54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, “Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay.” 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

Nagbibigay si Pablo ng Tagubilin sa Paglikom para sa mga Dukha

Bilang sagot sa huling tanong ng mga taga-Corinto, nagbibigay si Pablo ng mga tagubilin kung paano dapat maglaan ang mga Kristiyano para sa mga dukha, at nangangakong ipadadala ang kanilang mga nalikom sa Jerusalem.

1 Corinto 16:1–4

1 Ngayon tungkol sa koleksiyon para sa mga mananampalataya, gaya ng iniutos ko sa mga iglesia sa Galacia, ay inyo ding gawin. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin. 3 At kung ako ay makarating, ang sinuman ang inyong pahintulutan, ay aking ipapadala na kasama ng mga liham upang dalhin ang inyong mga handog sa Jerusalem. 4 At kung ito ay nararapat para sa akin na pumunta doon, sila'y pupuntang kasama ko.

Mga Pangwakas na Mensahe at Pagbati ni Pablo

Tinatapos ni Pablo ang kaniyang liham sa iba't ibang mensahe at pagbati. Ibinabalita niya sa kanila ang tungkol sa kaniyang anak na si Timoteo, at na balak ni Apolos na pumunta at dalawin sila. Itinatagubilin niya sa kanila si Timoteo. Hinihimok niya sila sa pananampalataya at pag-ibig. Itinatagubilin niya sa kanila sina Estefanas, Fortunato, at Acaico. Nagtatapos siya sa mga pagbati at mabubuting hangarin.

1 Corinto 16:5–24

5 Ngunit ako ay pupunta sa inyo, kapag dumaan ako sa Macedonia. Sapagkat dadaan ako sa Macedonia. 6 Marahil ako ay mananatili na kasama ninyo o kahit magpalipas ako hanggang sa taglamig, upang ako ay inyong matulungan sa aking paglalakbay, saan man ako pumunta. 7 Sapagkat hindi ko nais makita kayo ngayon sa maikling panahon. Ngunit umaasa akong makakagugol ako sa inyo ng mahabang panahon, kung papahintulutan ng Panginoon. 8 Ngunit mananatili ako sa Efeso hanggang sa Pentecostes, 9 sapagkat may isang maluwang na pintuan ang nabuksan para sa akin, at doon ay maraming kaaway.

10 Ngayon kung darating si Timoteo, tingnan ninyo siya na wala siyang dahilang matakot habang kasama ninyo, sapagkat ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ng aking ginagawa. 11 Huwag hayaang hamakin siya ninuman. Tulungan ninyo siyang maging mapayapa sa kaniyang daan, upang siya ay makapunta sa akin. Sapagkat inaasahan kong pagpunta niya dito kasama niya ang mga kapatid.

12 Ngayon tungkol sa ating kapatid na si Apolos. Matindi kong hinihimok na bisitahin niya kayo na kasama ang mga kapatid. Ngunit nakapagpasiya siyang hindi makakapunta ngayon. Gayunman, siya ay pupunta kapag magkaroon siya ng pagkakataon.

13 Maging mapagmatiyag, at maging matatag sa pananampalataya, kumilos gaya ng mga lalaki, maging malakas. 14 Ang lahat na inyong ginagawa ay gawin sa pag-ibig.

15 Alam ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na sila ang mga unang sumampalataya sa Acaya, at kanilang itinalaga ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga mananampalataya. Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, 16 na magpasakop sa mga taong tulad nila, at sa bawat isa na tumutulong sa gawain at gumagawa kasama namin.

17 At nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico. Sila ang nagpuno sa inyong kawalan. 18 Sapagkat pinalakas nila ang aking espiritu at pati ang sa inyo. Kaya, kilalanin ninyo ang mga taong kagaya nito.

19 Binabati kayo ng mga iglesiya sa Asya. Binabati rin kayo nina Aquila at Prisca sa Panginoon, kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan.

20 Binabati kayo ng lahat na mga kapatid. Batiin ninyo ang bawat isa ng banal na halik.

21 Ako, si Pablo, ang nagsulat nito sa aking sariling kamay.

22 Kung sinuman ang hindi umiibig sa Panginoon, sumakaniya ang sumpa. Aming Panginoon, pumarito ka na!

23 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ang sumainyo.

24 Ang aking pag-ibig nawa ang sumainyong lahat kay Cristo Jesus.