Inawit ni Maria ang Magnificat
Maburol na lupain ng Judea
7 o 6 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Lucas 1:46–56
1:46 Sinabi ni Maria, “Ang kaluluwa ko ay nagpupuri sa Panginoon, 47 at ang aking espiritu ay nagalak sa Diyos na aking tagapagligtas.” 48 Sapagkat siya ay tumingin sa kababaan ng kaniyang lingkod na babae. Kaya tingnan mo, mula ngayon ang lahat ng salinlahi ay tatawagin akong pinagpala. 49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa akin, at ang kaniyang pangalan ay banal. 50 Ang kaniyang habag ay walang katapusan mula sa lahat ng salinlahi para sa mga nagpaparangal sa kaniya. 51 Nagpakita siya ng lakas ng kaniyang mga bisig; ikinalat niya ang mga nagmamataas ng nilalaman ng kanilang mga puso. 52 Pinabagsak niya ang mga prinsipe mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga may mababang kalagayan. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit ang mga mayayaman ay pinaalis niyang gutom. 54 Nagkaloob siya ng tulong sa Israel na kaniyang lingkod, na gaya ng pag-alaala niya sa kaniyang pagpapakita ng habag 55 (na sinabi niya sa ating mga ama) kay Abraham at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.”
56 Nanatili si Maria kina Elisabet sa loob ng mga tatlong buwan at pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang bahay.
Ang Kapanganakan, Pagkabata, at Buhay ni Juan sa Disyerto
Ang kapanganakan at pagkabata ni Juan na Tagapagbautismo, at ang kanyang buhay sa disyerto.
Maburol na lupain ng Judea. 7 o 6 BC
Lucas 1:57–80
1:57 Ngayon ay dumating ang panahon ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Narinig ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na ang Panginoon ay nagpakita ng dakilang habag para sa kaniya, at sila ay nagalak kasama niya.
59 Ngayon ay nangyari sa ikawalong araw na tuliin nila ang sanggol. Tatawagin sana nila siyang “Zacarias” mula sa pangalan ng kaniyang ama, 60 ngunit sumagot ang kaniyang ina at sinabi, “Hindi; siya ay tatawaging Juan.”
61 Sinabi nila sa kaniya, “Wala pa ni isa sa iyong angkan ang tinawag sa ganyang pangalan.” 62 Sumenyas sila sa kaniyang ama kung ano ang gusto niyang ipangalan sa kaniya.
63 Humingi ang kaniyang ama ng isang sulatan at nagsulat siya, “Ang kaniyang pangalan ay Juan.” Silang lahat ay namangha dito. 64 Agad nabuksan ang kaniyang bibig at napalaya ang kaniyang dila. Nagsalita at nagpuri sa Diyos.
65 Natakot ang lahat ng nakatira malapit sa kanila. Lahat ng mga bagay na ito ay kumalat sa lahat ng bahagi ng maburol na lupain ng Judea. 66 At ito ay itinago ng lahat ng nakarinig sa kanilang mga puso, na nagsasabi, “Ano kaya ang magiging kapalaran ng batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay nasa kaniya.
67 Ang kaniyang amang si Zacarias ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagpahayag na nagsasabi, 68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagkat tumulong siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ng kaniyang lingkod na si David, mula sa kaapu-apuhan ng kaniyang lingkod na si David, 70 tulad ng sinabi niya sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon. 71 Magdadala siya ng kaligtasan mula sa ating mga kaaway at mula sa kamay ng lahat ng mga galit sa atin. 72 Gagawin niya ito upang ipakita ang habag sa ating mga ama at upang alalahanin ang kaniyang banal na kasunduan, 73 ang pangako na kaniyang sinalita kay Abraham na ating ama. 74 Siya ay nangako na kaniyang tutuparin sa atin, upang tayo, bilang mga pinalaya mula sa kamay ng lahat ng ating mga kaaway, ay makapaglingkod sa kaniya nang walang takot, 75 sa kabanalan at katuwiran sa kaniyang harapan sa lahat ng ating panahon. 76 Oo, at ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan, sapagkat ikaw ay mauuna sa Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daraanan, upang ihanda ang mga tao sa kaniyang pagdating, 77 upang magbigay kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Mangyayari ito dahil sa dakilang habag ng ating Diyos, dahil dito ay dumarating sa atin ang pagsikat ng araw mula sa itaas, 79 upang magliwanag sa kanila na nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan. Gagawin niya ito upang gabayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
80 Ngayon ang bata ay lumaki at naging malakas sa espiritu, at siya ay nasa ilang hanggang sa kaniyang pagharap sa Israel.