Bahagi 4: Ang Kapanganakan at Pagkabata nina Juan at Jesus 7 B.C. hanggang A.D. 7
Ang kapanganakan at pagkabata ni Juan na Tagapagbautismo at ni Jesus.
Malamang mula 7 BC hanggang AD 7
Kasama sa mga bahaging ito ang mga pagpapahayag ng kanilang kapanganakan, at ang pagsilang, pagkasanggol, at pagkabata nina Juan at Jesus.
Sinabi ng Isang Anghel kay Zacarias ang Tungkol sa Kapanganakan ni Juan
Ipinahayag ng isang anghel kay Zacarias ang kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo.
Jerusalem, sa templo. Malamang 7 BC
7 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Lucas 1:5–25
1:5 Sa mga araw ni Herodes, na hari ng Judea, may isang pari na nagngangalang Zacarias na nagmula sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay nagmula sa mga babaeng anak ni Aaron, at ang kaniyang pangalan ay Elisabet. 6 Kapwa sila matuwid sa harapan ng Diyos; sila ay namuhay nang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. 7 Ngunit wala silang anak, sapagkat si Elisabet ay baog, at silang dalawa ay matanda na sa panahong ito.
8 Ngayon ay nangyari na si Zacarias ay nasa presensiya ng Diyos, gumagawa ng mga tungkulin bilang pari sa kapanahunan ng kaniyang pangkat. 9 Ayon sa nakaugaliang paraan ng pagpili kung sinong pari ang maglilingkod, siya ay pinili sa pamamagitan ng sapalaran upang makapasok sa templo ng Panginoon at upang siya ay makapagsunog ng insenso. 10 Napakaraming tao ang nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng insenso.
11 Ngayon, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya at tumayo sa kanang bahagi ng altar ng insenso. 12 Si Zacarias ay nasindak nang makita niya ito, labis ang pagkatakot niya.
13 Ngunit sinabi ng anghel sa kaniya “Huwag kang matakot Zacarias, sapagkat ang iyong panalangin ay pinakinggan. Ipagbubuntis ng asawa mong si Elisabet ang iyong anak na lalaki. Juan ang ipapangalan mo sa kaniya. 14 Magkakaroon ka ng kagalakan at saya, at marami ang matutuwa sa pagsilang sa kaniya. 15 Sapagkat siya ay magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin, at siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula sa sinapupunan ng kaniyang ina. 16 At maraming tao sa bayan ng Israel ang mapapanumbalik sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. Gagawin niya ito upang mapanumbalik ang puso ng mga ama sa mga anak, upang ang mga hindi sumusunod ay mamuhay sa karunungan ng mga matuwid. Gagawin niya ito upang ihanda para sa Panginoon, ang mga taong inihanda na para sa kaniya.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalaman ito? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay may pataw na ng maraming taon.”
19 Ang anghel ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Ako si Gabriel na nakatayo sa presensiya ng Diyos. Ako ay inutusan upang makipag-usap sa iyo, upang iparating sa iyo ang mabuting balita. 20 Masdan mo, magiging pipi ka, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil sa hindi ka naniwala sa aking mga salita na matutupad ito sa tamang panahon.”
21 Ngayon ay inaantay ng mga tao si Zacarias. Sila ay nagulat sapagkat siya ay labis na gumugol ng panahon sa loob ng templo. 22 Ngunit nang siya ay lumabas, hindi siya makapagsalita sa kanila. Naisip ng mga tao na nagkaroon siya ng pangitain habang siya ay nasa loob ng templo. Patuloy siyang gumagawa ng mga senyas sa kanila at nanatiling hindi makapagsalita. 23 Dumating ang panahon na natapos ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umalis siya at bumalik sa kaniyang bahay.
24 Pagkatapos ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay nagbuntis. Siya ay nanatili sa kaniyang bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi niya, 25 “Ito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang tiningnan niya ako nang may biyaya upang tanggalin ang aking kahihiyan sa harapan ng ibang tao.”
Sinabi ng Isang Anghel sa Birheng Maria ang Tungkol sa Kapanganakan ni Jesus 7 o 6 B.C.
Nazaret. Malamang 7 o 6 BC
Lucas 1:26–38
1:26 Ngayon sa kaniyang ikaanim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod sa Galilea na ang pangalan ay Nazaret, 27 sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa lalaking nagngangalang Jose. Siya ay kabilang sa angkan ni David at ang pangalan ng birhen ay Maria. 28 Siya ay lumapit sa kaniya at sinabi, “Binabati kita, ikaw ay lubos na pinagpala! Ang Panginoon ay nasa iyo.”
29 Ngunit siya ay lubhang naguluhan sa kaniyang sinabi at siya ay namangha kung anong uri ng pagbati ito. 30 Sinabi ng anghel sa kaniya, “Huwag kang matakot, Maria, dahil ikaw ay nakatanggap ng biyaya sa Diyos.” 31 At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32 Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33 Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian.”
34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?”
35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, “Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.”
38 Sinabi ni Maria, “Tingnan mo, ako ay babaeng lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong mensahe.” At iniwan na siya ng anghel.
Umawit si Elisabet kay Maria nang Dumalaw Ito
Maburol na lupain ng Judea
Lucas 1:39–45
1:39 Pagkatapos, si Maria ay gumayak noong mga araw na iyon at nagmadaling pumunta sa maburol na bahagi ng lupain, sa isang lungsod sa Judea. 40 Siya ay pumunta sa bahay ni Zacarias at binati si Elisabet.
41 At nangyari nga nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang bata sa kaniyang sinapupunan at si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, “Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan. 43 At bakit ito nangyari sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay kailangan pang pumunta sa akin? 44 Sapagkat tingnan mo, nang marinig ko ang iyong pagbati ay tumalon sa galak ang bata sa aking sinapupunan. 45 At pinagpala ang siyang nanampalataya na mayroong katuparan ang mga bagay na ipinahayag sa kaniya mula sa Panginoon.”