Sinabi ng Isang Anghel kay Jose ang Tungkol sa Kapanganakan ni Jesus
Nazaret
7 o 6 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 1:18–25
1:18 Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya.
20 Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21 Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.”
22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 “Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.”
24 Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25 Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.
Ang Kapanganakan ni Jesus 6 o 5 B.C.
Betlehem. Malamang 6 o 5 BC
Lucas 2:1–7
2:1 Ngayon sa mga araw na iyon, nangyari na si Cesar Agustus ay naglabas ng isang batas na nag-uutos na magkaroon ng sensus sa lahat ng tao na nabubuhay sa mundo. 2 Ito ang unang sensus na ginawa habang si Cirenio ang gobernador ng Syria. 3 Kaya pumunta ang bawat isa sa kaniyang sariling bayan upang mailista para sa sensus.
4 Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5 Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao.
6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Nagpuri ang mga Anghel at Nagbigay-galang ang mga Pastol
Malapit sa Betlehem
Lucas 2:8–20
2:8 Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12 Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Kasama ng anghel, biglang may malaking bilang ng hukbong makalangit na nagpupuri sa Diyos, at sinasabi, 14 “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at nawa ay magkaroon ng kapayapaan dito sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan.”
15 At nangyari nang umalis ang mga anghel mula sa kanila patungong langit, sinabi ng mga pastol sa bawat isa, “Tayo na pumunta sa Betlehem, at tingnan ang bagay na ito na nangyari na ipinaalam ng Panginoon sa atin”.
16 Sila ay nagmadaling pumunta doon at natagpuan sina Maria at Jose, at nakita ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkatapos nilang makita ito, ipinaalam nila sa mga tao kung ano ang sinabi sa kanila tungkol sa batang ito. 18 Lahat ng nakarinig nito ay namangha sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Ngunit laging iniisip ni Maria ang lahat ng bagay na kaniyang narinig, iniingatan ang mga ito sa kaniyang puso.
20 Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila.
Ang Pagtutuli kay Jesus
Betlehem
Lucas 2:21
2:21 Noong ikawalong araw at siyang panahon para tuliin ang sanggol, pinangalanan nila siyang Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel bago pa siya ipinagbuntis.