Iniharap si Jesus sa Templo
Iniharap si Jesus sa templo, kung saan nagbigay-galang sa kanya sina Simeon at Ana.
Jerusalem
6 o 5 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Lucas 2:22–38
2:22 Nang lumipas ang nakatakdang bilang ng mga araw ng kanilang seremonya ng paglilinis, alinsunod sa kautusan ni Moises, dinala siya ni Jose at Maria sa templo sa Jerusalem para iharap siya sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat anak na lalaki na nagbubukas sa sinapupunan ay tatawaging nakatalaga sa Panginoon.” 24 Sila rin ay dumating upang mag-alay ng handog na alinsunod sa sinabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang kalapati o dalawang inakay na batu-bato.”
25 Masdan ito, may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang taong ito ay matuwid at may taos na pananalig. Siya ay naghihintay sa manga-aliw ng Israel, at ang Banal na Espiritu ay nasa kaniya. 26 Ipinahayag sa kaniya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay bago niya makita ang Cristo ng Panginoon. 27 Isang araw, siya ay pumunta sa templo sa pangunguna ng Banal na Espiritu. Nang dinala ng mga magulang ang bata na si Jesus upang gawin para sa kaniya ang nakaugaliang hinihingi ng kautusan, 28 tinanggap siya ni Simeon sa kaniyang mga bisig, at nagpuri sa Diyos at sinabi, 29 “Ngayon ay hayaan mong pumanaw ang iyong lingkod nang may kapayapaan, Panginoon, ayon sa iyong salita. 30 Sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas 31 na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng tao. 32 Siya ay liwanag para sa paghahayag sa mga Gentil at kaluwalhatian ng iyong mga taong Israel.”
33 Ang ama at ina ng bata ay namangha sa mga bagay na sinabi tungkol sa kaniya. 34 Pagkatapos ay pinagpala sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata, “Makinig kang mabuti! Ang batang ito ay nakatadhana para sa pagbagsak at pagbangon ng maraming tao sa Israel at para sa tanda na tututulan. 35 Gayundin, isang espada ang tatagos sa iyong sariling kaluluwa, upang ang mga iniisip ng maraming puso ay maihayag.
36 Naroon din ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Siya ay anak ni Fanuel na nagmula sa tribo ni Aser. Napakatanda na niya. Siya ay namuhay kasama ng kaniyang asawa sa loob ng pitong taon pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa, 37 at pagkatapos ay balo ng walumpu't apat na taon. Hindi siya kailanman umalis sa templo at patuloy siyang sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin, gabi at araw.
38 Sa oras ding iyon, lumapit siya sa kanila at nagsimulang magpasalamat sa Diyos. Siya ay nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.
Dumalaw ang mga Pantas na Kalalakihan sa Bagong Silang na Hari ng mga Judio
Jerusalem at Bethlehem
Mateo 2:1–12
2:1 Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi, 2 “Nasaan siyang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang bituin niya sa silangan kaya pumarito kami upang sumamba sa kaniya.”
3 Nang marinig ito ni haring Herodes, nabagabag siya at ang buong Jerusalem na kasama niya. 4 At tinipon ni Herodes ang lahat ng mga punong pari at mga eskriba ng mga tao, at tinanong niya ang mga ito, “Saan ipapanganak ang Cristo?”
5 Sinabi nila sa kaniya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta, 6 'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Judah, ay hindi pinakahamak sa mga pinuno ng Judah, sapagkat sayo magmumula ang isang pinuno na magpapastol sa aking mga taong Israelita.'”
7 At lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas na kalalakihan upang tanungin kung ano ang tiyak na oras na nagpakita ang bituin. 8 Pinapunta niya ang mga ito sa Bethlehem at sinabing, “Humayo kayo at hanaping mabuti ang bata. Kung nahanap ninyo siya, ipaalam ninyo sa akin upang makapunta at makasamba din ako sa kaniya.”
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari, sila ay tumuloy sa kanilang lakbayin, at pinangunahan sila ng bituwin na kanilang nakita mula sa silangan hanggang sa ito ay tumigil kung nasaan naroroon ang bata. 10 Nang nakita nila ang bituin, sila ay nagalak nang may labis na kagalakan. 11 Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira.
12 Binalaan sila ng Diyos sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya umiba sila ng daan pauwi sa kanilang bayan.