Dinala si Jesus sa Egipto at Pinatay ang mga Bata sa Bethlehem

Dinala ang batang si Jesus sa Egipto, at pinatay ang mga bata sa Bethlehem.

Malamang noong 5 BC

5 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 2:13–18

2:13 Pagkatapos nilang umalis, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Jose sa panaginip at sinabi, “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas kayo patungong Egipto. Manatili kayo doon hanggang sa sasabihin ko, sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin siya”.

14 Sa gabing iyon, bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at umalis patungong Egipto. 15 Nanatili siya roon hanggang sa pagkamatay si Herodes. Tinupad nito ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Mula sa Egipto tinawag ko ang aking anak.”

16 Nang nakita ni Herodes na kinutya siya ng mga pantas na kalalakihan, siya ay nagalit nang labis. Nagsugo siya at ipinapatay ang lahat ng mga batang lalaking naroon sa Bethlehem at sa buong rehiyon, ang mga may dalawang taong gulang pababa ayon sa tiyak na panahong nalaman niya mula sa mga pantas. 17 At natupad nga ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na si Jeremias, 18 “Isang tinig ang narinig sa Ramah, pananangis at labis na pagdadalamhati, umiiyak si Raquel para sa kaniyang mga anak at ayaw niyang paaliw sapagkat sila ay wala na.”

Dinala si Jesus mula sa Egipto patungong Nazaret 4 B.C.

Malamang noong 4 BC

Mateo 2:19–23

2:19 Nang si Herodes ay namatay, masdan ito, nagpakita sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa Egipto at sinabi,

20 “Bumangon ka at kunin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat ang mga naghahangad sa buhay ng bata ay patay na.”

21 Bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at tumungo sila sa lupain ng Israel. 22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao na ang naghahari sa Judea kapalit ng kaniyang ama na si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Pagkatapos siyang balaan ng Diyos sa panaginip, umalis siya patungo sa rehiyon ng Galilea 23 at pumunta siya at nanirahan sa lungsod na tinatawag na Nazaret. Natupad kung ano ang sinabi sa pamamagitan ng mga propeta na siya ay tatawaging Nazareno.

Lucas 2:39

2:39 Nang matapos nila ang lahat ng dapat nilang gawin na naaayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayan na Nazaret.

Ang Kabataan ni Jesus sa Nazaret 4 B.C. hanggang A.D. 7

Malamang mula 4 BC hanggang AD 7

Lucas 2:40

2:40 Ang bata ay lumaki at naging malakas, lumalawak sa karunungan at ang biyaya ng Diyos ay nasa kaniya.

Dumalaw sa Jerusalem ang Batang si Jesus sa Edad na Labindalawa A.D. 7 o 8

Malamang noong AD 7 o 8

Lucas 2:41–50

2:41 Ang kaniyang mga magulang ay pumupunta sa Jerusalem taon-taon para sa Pista ng Paskwa. 42 Nang siya ay labindalawang taong gulang, sila ay muling umakyat para sa nakaugaliang panahon para sa pista.

43 Pagkatapos nilang manatili sa buong bilang ng araw para sa pista, nagsimula na silang umuwi. Ngunit ang batang Jesus ay nanatili sa Jerusalem at ito ay hindi alam ng kaniyang mga magulang. 44 Inakala nila na siya ay nasa pangkat na kasama nilang naglalakbay, kaya sila ay nagpatuloy ng isang araw sa paglalakbay. Pagkatapos ay nagsimula silang hanapin siya sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

45 Nang siya ay hindi nila matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at sinimulang hanapin siya roon. 46 At nangyari nga na makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila siya sa loob ng templo na nakaupo sa gitna ng mga guro, nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila ng mga katanungan. 47 Lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at sa kaniyang mga kasagutan.

48 Nang siya ay nakita nila, nagulat sila. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan ng ganito? Makinig ka, ako at ang iyong ama ay nag-aalala na naghahanap sa iyo.”

49 Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na narito sa bahay ng aking Ama?” 50 Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon.

Ang Labingwalong Taon sa Nazaret A.D. 6 hanggang 26

Malamang mula AD 7 hanggang AD 26 (o 6 hanggang 25)

Lucas 2:51–52

2:51 Pagkatapos, siya ay sumama sa kanila pabalik sa kanilang tahanan sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kaniyang ina ang lahat ng bagay na ito sa kaniyang puso.

52 At si Jesus ay patuloy na lumaki sa karunungan at pangangatawan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.