Bahagi 5: Sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang Kaniyang Ministeryo
Malamang anim na buwan, noong AD 25. Sa ilang ng Judea at sa tabi ng Jordan
Ang Panahon ng Pagsisimula
A.D. 25
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Marcos 1:1
1:1 Ito ang simula ng ebanghelyo tungkol kay Jesu-Cristo, na Anak ng Diyos.
Lucas 3:1–2
3:1 Ngayon, sa ika-labinlimang taon na paghahari ni Tiberio Cesar, habang si Poncio Pilato ay gobernador sa Judea, at si Herodes ang tetrarka sa Galilea, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa rehiyon ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia, 2 at sa panahon na sina Anas at Caifas ang pinakapunong pari, dumating ang salita ng Diyos ay kay Juan na anak ni Zacarias, sa ilang.
Ang Mensahe at ang Mensahero
Mateo 3:1–6
3:1 Sa mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea at nagsasabi,
2 “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
3 Sapagkat siya ang binanggit ni propeta Isaias na nagsasabi, “Isang tinig ang sumisigaw mula sa ilang, 'Ihanda ang daan ng Panginoon, gawing matuwid ang kaniyang landas.'”
4 Ngayon, nagsusuot si Juan ng damit na gawa sa buhok ng kamelyo at sinturong balat sa kaniyang baywang. Ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. 5 Pumunta sa kaniya ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea at lahat ng karatig rehiyon ng Ilog ng Jordan.
6 Binautismuhan niya sila sa Ilog ng Jordan habang sila ay nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
Marcos 1:2–6
1:2 Katulad ng nasusulat sa aklat ni Isaias na propeta, “Tingnan mo, ipapadala ko ang aking taga-pamalita na mauuna sa iyo, ang maghahanda ng iyong daan.
3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Ituwid ang kaniyang daraanan.'”
4 Dumating si Juan na nagbabautismo sa ilang at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi alang-alang sa kapatawaran ng mga kasalanan. 5 Ang buong bansa ng Judea at lahat ng taga-Jerusalem ay pumunta sa kaniya. Sila ay binautismuhan niya sa Ilog ng Jordan, na nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.
6 Nakasuot si Juan ng balabal gawa sa balahibo ng kamelyo at sinturong balat sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain siya ng mga balang at pulot- pukyutan.
Lucas 3:3–6
3:3 Siya ay naglakbay sa buong rehiyon sa palibot ng ilog Jordan, nangangaral ng bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
4 Gaya ito ng nasusulat sa libro ng mga salita ni propeta Isaias, “Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ang daraanan ng Panginoon, gawing tuwid ang kaniyang landas.
5 Ang bawat lambak ay mapupunan, ang bawat bundok at burol ay gagawing patag, ang mga likong daan ay magiging tuwid, at ang mga daang baku-bako ay gagawing maayos. 6 Ang lahat ng tao ay makikita ang pagliligtas ng Diyos.”
Isang Halimbawa ng Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo
Mateo 3:7–10
3:7 Ngunit nang makita niyang nagsisidatingan ang maraming mga Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo sa kaniya, sinabi niya sa kanila, “Kayong mga anak ng mga makamandag na mga ahas, sino ang nagbabala sa inyo na makakaiwas kayo sa poot na darating?
8 Mamunga kayo na karapat-dapat sa pagsisisi. 9 Huwag ninyong isiping sabihin sa inyong mga sarili na, 'Si Abraham ang aming ama.' Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kayang bumuhay ng Diyos ng mga anak ni Abraham kahit pa mula sa mga batong ito.
10 Nakahanda na ang palakol sa mga ugat ng mga puno. Kaya bawat punong hindi namumunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.
Lucas 3:7–14
3:7 Kaya sinabi ni Juan sa napakaraming bilang ng tao na dumarating upang magpabautismo sa kaniya, “Kayo na mga anak ng mga makamandag na ahas, sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na paparating?”
8 Mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi, at huwag ninyong simulan na sabihin sa inyong mga sarili, 'Mayroon tayong Abraham bilang ama natin,' dahil sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay may kakayahang lumikha ng mga anak para kay Abraham kahit pa mula sa mga batong ito.
9 Ang palakol ay nailagay na sa ugat ng mga puno. Kaya ang bawat puno na hindi namumunga nang mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10 At ang maraming tao ay nagtanong sa kaniya, nagsasabi “Ano ang dapat naming gawin?”
11 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ang isang tao ay may dalawang tunika, dapat niyang ibigay ang isa sa sinumang wala nito at sinuman ang may pagkain ay ganoon din ang dapat gawin.”
12 At may ilang mga maniningil ng buwis ang dumating upang mabautismuhan, at sinabi nila sa kaniya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”
13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong maningil nang higit sa dapat ninyong sinisingil.”
14 May ilang mga kawal rin ang nagtanong sa kaniya, nagsasabi, “At paano naman kami? Ano ang dapat naming gawin?” Sinabi niya sa kanila. “Huwag kayong kumuha ng salapi kanino man nang sapilitan, at huwag ninyong paratangan ang sinuman ng hindi totoo. Masiyahan kayo sa inyong mga sahod.”
Inilarawan ni Juan ang Mesias Bago Niya Ito Makita
Inilarawan ng tagapanguna, si Juan na Tagapagbautismo, ang Mesias bago niya ito nakita.
Mateo 3:11–12
3:11 Binabautismuhan ko kayo sa tubig para sa pagsisisi. Ngunit ang darating kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa sa akin at ako ay hindi karapat-dapat na magdala maging sa kaniyang sandalyas. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy.
12 Hawak niya ang kaniyang kalaykay upang linising maigi ang kaniyang giikan at tipunin ang kaniyang trigo sa bahay-imbakan. Ngunit susunugin niya ang mga ipa sa pamamagitan ng apoy na kailanman ay hindi maapula.”
Marcos 1:7–8
1:7 Nangaral siya at sinabi, “Mayroong darating na kasunod ko na mas makapangyarihan kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na yumuko para kalasin man lang ang tali ng kaniyang sandalyas.
8 Binautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit babautismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu.”
Lucas 3:15–18
3:15 Ngayon, habang ang mga tao ay sabik na naghihintay na dumating si Cristo, nagtataka ang bawat isa sa kanilang mga puso kung si Juan mismo ang Cristo.
16 Sinagot sila ni Juan na nagsabi sa kanilang lahat, “Para sa akin, binabautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit may isang paparating na mas higit na makapangyarihan kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na magkalag man lang ng tali ng kaniyang mgapnyapaks. Siya ang magbabautismo sa inyo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang kaniyang kalaykay ay hawak niya sa kaniyang kamay upang linisin nang mabuti ang kaniyang giikan at upang tipunin ang trigo sa kaniyang kamalig. Ngunit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
18 Sa pamamagitan ng iba pang madaming panghihikayat, ipinangaral niya ang magandang balita sa mga tao.