Bumalik ang mga Kapatid ni Jose, at Sumunod si Jacob (continued)
Patuloy ang taggutom. Lumusong sa Ehipto ang mga kapatid ni Jose sa ikalawang pagkakataon, at sumunod sa kanila ang kanilang ama.
1706 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Naglakbay si Israel dala lahat ng mayroon siya at nagtungo sa Beer-seba. Nag-alay siya roon ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. 2 Nangusap ang Diyos kay Israel sa pamamagitan ng pangitain sa gabi, na sinasabing, “Jacob, Jacob.” Sinabi niya, “Narito ako.”
3 Sinabi niya, “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama. Huwag kang matakot na bumaba patungong Ehipto, dahil doon kita gagawing isang dakilang bansa. 4 Bababa ako kasama mo sa Ehipto at tunay na ibabalik kitang muli. Isasara ni Jose ang iyong mga mata sa pamamagitan ng kanyang sariling kamay.”
5 Bumangon si Jacob mula sa Beer-seba. Isinakay ng mga anak na lalaki ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa sa mga kariton na ipinadala ng Paraon para magdala sa kanya. 6 Dinala nila ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian na naipon nila sa lupain ng Canaan. Pumunta si Jacob sa Ehipto at ang lahat ng kanyang mga kaapu-apuhan kasama niya.
7 Dinala niya kasama sa Ehipto ang kanyang mga anak na lalaki, at kanyang mga apong lalaki, kanyang mga anak na babae at kanyang mga apong babae, at lahat ng kanyang mga kaapu-apuhan. 8 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto, si Jacob at ang kanyang mga anak na lalaki: si Ruben, panganay na anak ni Jacob; 9 mga anak na lalaki ni Ruben na sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 mga anak ni Simeon sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul, na mga anak na lalaki ng babaeng taga-Canaan; 11 mga anak na lalaki ni Levi na sina Gershon, Coat at Merari; 12 mga anak na lalaki ni Juda: sina Er, Onan, Sela, Fares at Zara, (pero namatay si Er at Onan sa lupain ng Canaan. At ang mga anak na lalaki ni Fares, sina Hezron at Hamul); 13 Ang mga anak na lalaki ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at Simron; 14 Ang mga anak na lalaki ni Zabulun: sina Sered, Elon, at Jahleel 15 (ito ang mga anak na lalaki ni Lea na ipinanganak kay Jacob sa Paddan Aram, kabilang ang anak niyang babae na si Dina. Ang bilang ng lahat ng kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae ay tatlumpu't tatlo); 16 ang mga anak na lalaki ni Gad, sina Zifion, Hagui at Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at Areli; 17 ang mga anak na lalaki ni Aser, sina Jimna at Isua, Isui at Beria, at si Sera na kanilang kapatid na babae; ang mga anak na lalaki ni Beria, sina Heber at Malquiel 18 (ito ang mga anak na lalaki ni Zilpa, na ibinigay ni Laban sa kanyang anak na babae na si Lea. Ito ang mga ipinanganak niya kay Jacob— labing-anim lahat); 19 ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Raquel na kanyang asawa—sina Jose and Benjamin. 20 (sa Ehipto ipinanganak sina Manases at Efraim kay Jose at Asenath, anak na babae ni Potifera na pari ng On); 21 ang mga anak na lalaki ni Benjamin, sina Bela, Bequer, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim, at Ard 22 (ito ang mga anak na lalaki ni Raquel na ipinanganak kay Jacob. Ang mga taong ito ay labing-apat lahat); 23 Ang anak na lalaki ni Dan, si Husim; 24 ang mga anak na lalaki ni Neftali, sina Jahzeel, Guni, Jeser, and Silem 25 (ito ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Bilha na ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak na babae. Ang mga taong ito ay pito lahat.
26 Lahat ng mga taong dumating kasama ni Jacob sa Ehipto na kanyang mga kapu-apuhan, bukod sa kanyang mga manugang na babae ay animnapu't anim lahat. 27 Ang dalawang lalaking anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa. Lahat ng tao sa bahay ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpo lahat.
28 Naunang ipinadala ni Jacob si Juda papunta kay Jose upang ituro sa kanya ang daan patungong Gosen at sila ay pumunta sa lupain ng Gosen. 29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umakyat para salubungin si Israel na kanyang ama sa Gosen. Siya ay nakita niya, niyapos ang kanyang leeg at humagulgol sa kanyang leeg ng matagal.
30 Sinabi ni Israel kay Jose, “Ngayon hayaan mo na akong mamatay, yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki at sa bahay ng kanyang ama, “Aakyat ako at sasabihin kay Paraon na, 'Ang aking mga lalaking kapatid at ang tahanan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumunta sa akin. 32 Ang mga lalaki ay mga pastol dahil sila ay tagapag-alaga ng kanilang mga alagang hayop. Dinala nila ang kanilang mga kawan, mga baka at lahat ng mayroon sila.'
33 Darating ang oras, kapag tinawag at tinanong kayo ng Paraon, 'Ano ang inyong hanap-buhay?' 34 sabihin ninyo dapat na, 'Ang inyong mga lingkod ay tagapag-alaga ng mga hayop mula sa aming kabataan hanggang ngayon, kami at ang aming mga ninuno.' Gawin ninyo ito para kayo ay maaring manirahan sa lupain ng Gosen, dahil ang bawat pastol ay kasuklam-suklam sa mga taga-Ehipto.”
47:1 Pagkatapos pumasok si Jose at sinabi sa Paraon, “Ang aking ama at ang aking mga kapatid na lalaki, ang kanilang mga hayop, ang kanilang mga alagang kawan, at ang lahat ng kanilang pagmamay-ari, ay dumating na galing sa lupain ng Canaan. Tingnan mo, sila ay nasa lupain na ng Gosen.
2 Sinama niya ang lima sa kanyang mga kapatid na lalaki at ipinakilala sila sa Paraon.
3 Sinabi ng Paraon sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Ano ang hanapbuhay ninyo?” Sinabi nila sa Paraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, katulad ng aming mga ninuno.
4 Pagkatapos sinabi nila kay Paraon, “Pumunta kami bilang pansamantalang mamamayan sa lupain. Wala ng pastulan para sa mga hayop ng inyong mga lingkod, dahil malubha na ang taggutom sa lupain ng Canaan. Kaya ngayon, pakiusap hayaan niyo ang iyong mga lingkod na manirahan sa lupain ng Gosen.”
5 Pagkatapos nagsalita ang Paraon kay Jose, at sinabing, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki ay pumunta sa iyo, 6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo. Patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki sa pinakamainam na rehiyon, sa lupain ng Gosen. Kung may kakilala kang mga lalaki mula sa kanila na may kakayahan, ilagay mo sila bilang tagapamahala sa aking mga alagang hayop.”
7 Pagkatapos dinala ni Jose ang kanyang ama na si Jacob at ipinakilala siya sa Paraon. Pinagpala ni Jacob si Paraon.
8 Sinabi ng Paraon kay Jacob, “Gaano ka na katagal nabubuhay?”
9 Sinabi ni Jacob kay Paraon, “Ang mga taon ng aking mga paglalakbay ay isandaan at tatlumpu. Ang mga taon ng aking buhay ay maikli at masakit. Hindi ito kasintagal ng aking mga ninuno.”
10 Pagkatapos pinagpala ni Jacob ang Paraon at umalis mula sa kanyang harapan.
11 Pagkatapos pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid na lalaki. Binigyan niya sila ng lupain sa Ehipto, ang pinakamainam na lupain, sa lupain ng Rameses, ayon sa utos ng Paraon. 12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid, at lahat ng sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang kasama sa bahay.
Pinamahalaan ni Jose ang Ehipto 1704 B.C.
13 Ngayon wala ng pagkain sa lahat ng lupain; dahil malubha na ang taggutom. Ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nakatiwangwang dahil sa taggutom. 14 Naipon ni Jose ang lahat ng salaping nasa lupain ng Ehipto at sa lupain ng Canaan, sa pamamagitan ng pagbebenta ng butil sa mga mamamayan. Pagkatapos dinala ni Jose ang salapi sa palasyo ng Paraon. 15 Nang naubos na ang lahat ng salapi sa mga lupain ng Ehipto at Canaan, lahat ng mga taga-Ehipto ay pumunta kay Jose at sinabing, “Bigyan mo kami ng pagkain! Bakit kami mamamatay sa iyong harapan dahil ubos na ang aming salapi?
16 Sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, dalhin ninyo ang inyong mga hayop at bibigyan ko kayo ng pagkain bilang kapalit ng inyong mga alagang hayop.” 17 Kaya dinala nila ang kanilang mga alagang hayop kay Jose. Binigyan sila ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng kanilang mga kabayo, mga hayop, mga kawan, at mga asno. Pinakain niya sila ng tinapay kapalit ng kanilang mga hayop sa taon na iyon.
18 Nang natapos ang taong iyon, pumunta sila sa kanya nang sumunod na taon at sinabi sa kanya, “Hindi kami magtatago sa aming amo na ubos na ang lahat ng aming salapi, at ang mga baka pag-aari na ng aming amo. Wala ng natira pa sa paningin ng aming amo, maliban sa aming katawan at ang aming lupain. 19 Bakit kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga lingkod ni Paraon. Bigyan mo kami ng binhi para mabuhay kami at hindi mamatay, at ang aming lupain ay hindi mapababayan.
20 Kaya nabili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Paraon. Ibinenta ng bawat mamamayan ng Ehipto ang kanilang mga bukid, dahil napakalubha na ng taggutom. Sa paraang ito, ang lupain ay naging pag-aari na ng Paraon. 21 Tungkol naman sa mga tao, ginawa niya silang alipin mula sa dulong hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo. 22 Ang lupain lamang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose dahil ang mga pari ay binibigyan ng rasyon. Kumakain sila mula sa rasyon na ibinibigay ng Paraon sa kanila. Kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupain.
23 Pagkatapos sinabi ni Jose sa mga tao, “Masdan ninyo, binili ko kayo at ang inyong lupain sa araw na ito para sa Paraon. Ngayon narito ang mga binhi para sa inyo, at tatamnan niyo ang lupain. 24 Sa anihan, magbigay kayo ng ikalimang bahagi sa Paraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyong sarili, para sa binhi ng lupain at para pagkain ng inyong sambahayan at inyong mga anak.”
25 Sinabi nila, “Iniligtas mo ang buhay namin. Sana ay maging kalugod-lugod kami sa iyong mga mata. Kami ay magiging mga alipin ng Paraon.” 26 Kaya ginawa itong kautusan ni Jose na umiiral pa rin sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, na ang ikalimang bahagi ay magiging pag-aari ng Paraon. Ang lupain lang ng mga pari ang hindi napunta sa Paraon.