Bumalik ang mga Kapatid ni Jose, at Sumunod si Jacob (continued)

Patuloy ang taggutom. Lumusong sa Ehipto ang mga kapatid ni Jose sa ikalawang pagkakataon, at sumunod sa kanila ang kanilang ama.

1706 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Genesis 44–45

1 Inatasan ni Jose ang katiwala ng kanyang bahay, sinabing, “Punuin mo ang sako ng mga lalaki ng pagkain, hangga't sa makakaya nilang buhatin, at ilagay ang bawat pera ng lalaki sa ibabaw ng kanyang sako. 2 Ilagay ang aking baso, ang pilak na baso, sa ibabaw ng sako ng bunso, at ganoon din ang kanyang pera para sa butil.” Ginawa ng katiwala ang sinabi ni Jose.

3 Nang nagbubukang-liwayway na, at ang mga lalaki ay pinaalis na, sila at ang kanilang mga asno. 4 Nang sila ay nakalabas sa lungsod subalit hindi pa nakakalayo, sinabi ni Jose sa kanyang katiwala, “Tumayo ka, sundan mo ang mga lalaki, at kung maabutan mo sila, sabihin mo sa kanila, 'Bakit ninyo sinuklian ng kasamaan ang kabutihan? 5 Hindi ba ito ang baso mula sa iniinuman ng aking amo, at ang baso na ginagamit niya para sa kanyang panghuhula? Gumawa kayo ng masama, ang bagay na ito na inyong ginawa.”'

6 Naabutan sila ng katiwala at sinabi ang mga salitang ito sa kanila.

7 Sinabi nila sa kanya, “Bakit po sinasabi ng aking amo ang ganitong mga salita? Malayong gawin ng inyong mga lingkod ang bagay na iyan. 8 Tingnan ninyo, ang pera na nakita sa aming mga sako, ay muli naming dinala sa inyo sa labas ng lupain ng Canaan. Paano naman namin nanakawin mula sa tahanan ng inyong amo ang pilak o ginto? 9 Kung sinuman sa inyong lingkod ang makitaan, hayaan mo siyang mamatay, at kami rin ay magiging mga alipin ng aming amo.”

10 Sinabi ng katiwala, “Ngayon rin hayaang magkaganoon ayon sa iyong mga salita. Siya na mahanapan ng baso ay magiging alipin ko, at ang iyong mga kapatid ay mapapawalangsala.”

11 At nagmamadali ang bawat lalaki at dinala ang kanilang sako pababa sa lupa, at binuksan ng bawat lalaki ang kanilang mga sako. 12 Naghanap ang katiwala. Nagsimula siya sa pinaka-panganay at natapos sa bunso, at nahanap ang baso sa sako ni Benjamin. 13 Pagkatapos pinunit nila ang kanilang mga damit. Nilagay ng bawat lalaki ang kanilang asno at bumalik sa lungsod.

14 Si Juda at ang kanyang mga kapatid ay pumunta sa tahanan ni Jose. Siya ay nanatili pa roon, at sila'y yumuko sa lupa sa harapan nito.

15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginagawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na ang lalaking tulad ko ay bihasa sa panghuhula?”

16 Sinabi ni Juda, “Ano ang maari naming sabihin sa inyo aming amo? O kaya, paano namin maipagtatanggol ang aming sarili? Nalaman ng Diyos ang kasalanan ng iyong mga lingkod. Tingnan ninyo, kami ay alipin na ng aming amo, kami at siyang nahanapan ng baso.”

17 Sinabi ni Jose, “Malayong gawin ko iyan. Ang lalaking nahanapan ng baso sa kanyang kamay, ang lalaking iyon rin ang magiging alipin ko, subalit ang mga iba ay makakauwi na ng mapayapa sa inyong ama.”

18 Pagkatapos lumapit si Juda sa kanya at sinabing, “Aking amo pakiusap, pahintulutan po ninyo akong makapagsalita sa pandinig ng aking amo, at huwag hayaang umapoy sa galit laban sa iyong alipin, sapagkat katulad ka ni Paraon. 19 Ang aking amo ay nagtanong sa kanyang mga lingkod, sinasabing, 'Mayroon pa ba kayong ama o kapatid?

20 At sinabi namin sa aming amo, 'Mayroon kaming matandang ama, at anak niya sa kanyang katandaan, isang bunso. At patay na ang kanyang kuya, at siya ay nag-iisa na lamang na naiwan mula sa kanyang ina, at mahal na mahal siya ng kanyang ama.'

21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Dalhin ninyo siya rito sa akin para makita ko siya.'

22 At sinabi namin sa aming amo, 'Hindi kayang iwan ng bata ang kanyang ama. Sapagkat kung iiwan niya ang kaniyang ama ikamamatay ito ng kanyang ama.'

23 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Kung hindi ninyo kasama pababa ang bunso ninyong kapatid, hindi na ninyo muli makikita ang aking mukha.'

24 At nangyari nga nang kami ay nakabalik sa aking ama na iyong mga lingkod, isinalaysay namin sa kanya ang mga salita ng aming amo.

25 At sinabi ng aming ama, 'Umalis kayo muli, bumili kayo ng ilang makakain.'

26 At sinabi namin, 'Hindi na kami makabababa. Kung kasama namin ang aming nakababatang kapatid, kami ay makakaalis pababa, sapagkat hindi na kami hahayaan na makita pa muli ang mukha ng lalaki kung hindi namin kasama ang bunso naming kapatid.'

27 Sinabi ng aking ama na iyong lingkod, 'Alam ninyong dalawa lamang ang ipinanganak ng aking asawa. 28 At ang isa ay nawala mula sa akin at sinabi ko. “Talaga ngang siya ay nagkapira-piraso, at hindi ko na siya nakita mula noon.” 29 At kung kukunin rin ninyo itong isa sa akin at muling mapahamak, dadalhin ninyo ako sa katandaan na puno ng dalamhati sa kamatayan.'

30 Kaya ngayon, kung pupunta ako sa aking ama na inyong alipin, at hindi ko kasama ang bata, sapagkat ang kanyang buhay ay karugtong na ng buhay ng batang lalaki, 31 kapag ito ay nangyari, na hindi niya makita na kasama namin ang bata siguradong ikamamatay niya ito. At ang iyong alipin ay magiging dahilan ng pagdurusa ng ama ng iyong alipin sa kamatayan. 32 Sapagkat ang iyong alipin ang katiyakan sa bata para sa aking ama at sinabi kong, 'Kung hindi ko madadala ang bata sa iyo, papasanin ko ang kasalanan magpakailanman sa aking ama.

33 Kaya ngayon, ako po ay nagmamakaawa hayaang manatili ang iyong lingkod sa halip na ang bata ang maging alipin ng aking amo, at hayaang makabalik ang bata kasama ng kanyang mga kapatid. 34 Sapagkat paano ako makakabalik sa aking ama kung hindi ko kasama ang bata? Natatakot akong makita ang masamang mangyayari sa aking ama.”

45:1 Pagkatapos hindi nakapagpigil si Jose sa kanyang sarili sa harapan ng lahat ng mga lingkod na nakatayo sa kanyang tabi. Sinabi niya ng malakas, “Iwanan ninyo akong lahat.” Kaya walang lingkod na nakatayo sa tabi niya nang siya ay nagpakilala sa kanyang mga kapatid na lalaki. 2 Umiyak siya ng malakas, narinig ito ng mga taga-Ehipto at ang tahanan ng Paraon ay nakarinig ito.

3 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Ako si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid na lalaki ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila ay nabigla sa kanyang presensiya.

4 Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pakiusap, lumapit kayo sa akin.” Lumapit sila. Sinabi niya, “Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto. 5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan. 8 Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto.

9 Magmadali kayo at umakyat patungo sa aking ama at sabihin sa kanya 'Ito ang sinabi ng inyong anak na si Jose, ginawa ako ng Diyos na amo ng buong Ehipto. Bumaba ka dito sa akin at huwag mag-atubili. 10 Maninirahan ka sa lupain ng Gosen at nang ikaw ay mapalapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga hayop at ang iyong mga baka, at ang lahat ng nasa iyo. 11 Tutustusan kita doon sapagkat mayroon pang limang mga taon na tagtuyot upang hindi ka humantong sa kahirapan, ikaw, ang iyong tahanan, at ang lahat ng nasa iyo.'

12 Tingnan ninyo, nakikita ng inyong mga mata, at mga mata ng aking kapatid na lalaki na si Benjamin, na itong aking bibig ang nakikipag-usap sa inyo. 13 Sasabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng aking kapangyarihan sa Ehipto, at ang lahat ng inyong mga nakita. Magmamadali kayo at dalhin ang aking ama dito.”

14 Niyakap niya ang kanyang kapatid na si Benjamin sa leeg at umiyak, at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg. 15 Hinagkan niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kapatid at umiyak sa kanila. Pagkatapos noon nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki.

16 Ang balita tungkol dito ay sinabi sa bahay ng Paraon: “Dumating ang mga lalaking kapatid ni Jose.” Ito ay labis na ikinalugod ng Paraon at ng kanyang mga lingkod.

17 Sinabi ng Paraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga lalaking kapatid, 'Gawin ito: lagyan ninyo ang inyong mga hayop at pumunta sa lupain ng Canaan. 18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan at pumunta sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang kasaganahan ng lupain ng Ehipto, at kakainin ninyo ang taba ng lupain.' 19 Kayo ngayon ay inuutusan ko kayo 'Gawin ninyo ito, kumuha kayo ng mga karitela mula sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak at mga asawa. Kunin ninyo ang inyong ama at pumarito. 20 Huwag na kayong mag-alala tungkol sa inyong mga ari-arian, sapagkat sa inyo na ang kasaganahan ng lahat ng lupain sa Ehipto.'”

21 Ginawa ito ng mga anak ni Israel. Binigayan sila ni Jose ng mga karitela, ayon sa utos ng Paraon at binigyan sila ng mga panustos para sa paglalakbay. 22 Sa kanilang lahat nagbigay siya sa bawat tao ng mga pampalit na damit, ngunit kay Benjamin nagbigay siya ng tatlong daang mga piraso ng pilak at limang mga pampalit na damit. 23 Ito ang kanyang ipinadala para sa kanyang ama: Sampung mga asno na may kargang magandang mga kagamitan ng Ehipto, at sampung babaeng mga asno na may karga na mga butil, tinapay, at iba pang mga gamit para sa kanilang ama para sa paglalakbay.

24 Kaya pinadala niya ng papalayo ang kanyang mga lalaking kapatid at sila ay umalis. Sinabi niya sa kanila, “Tiyakin ninyo na huwag kayong mag-aaway sa paglalakbay”.

25 Umalis sila mula sa Ehipto at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama. 26 Sinabi nila sa kaniya, “Buhay pa si Jose at siya ang namumuno sa buong lupain ng Ehipto”. At ang kanyang puso ay namangha, sapagkat hindi niya sila pinaniniwalaan. 27 Sinabi nila sa kanya ang lahat ng mga salita ni Jose na kanyang sinabi sa kanila. Muling nabuhay ang espiritu ni Jacob na kanilang ama nang makita ni Jacob ang mga karitela na ipinadala ni Jose na magdadala sa kanya,.

28 Sinabi ni Israel, “Sapat na ito. Buhay pa ang aking anak na si Jose. Pupunta ako at makikipagkita sa kanya bago ako mamatay.”