Bahagi 6: Ang Pagkamatay ni Jacob at ng mga Patriyarka

Binasbasan ni Jacob ang Kanyang mga Anak na Lalaki at Namatay

1689 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Genesis 47:27–49:33

27 Kaya si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen. Ang kanyang mga tao roon ay nakakuha ng mga ari-arian. Sila ay mabunga at dumami ng lubos. 28 Si Jacob ay tumira sa Ehipto ng labimpitong taon, kaya ang mga taon ng buhay ni Jacob ay isandaan at apatnapu't pitong taon.

29 Nang malapit na ang oras ng kamatayan ni Israel, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose at sinabihan siyang, “Kung ngayon ako ay kalugod-lugod sa iyong paningin, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pakitaan mo ako ng katapatan at pagiging mapagkakatiwalaan. Pakiusap huwag mo akong ilibing sa Ehipto.” 30 Pagtulog ko kasama ng aking mga ama, ilabas mo ako sa Ehipto at ilibing sa libingan ng aking mga ninuno.” Sinabi ni Jose, “Gagawin ko ang sinabi mo.”

31 Sinabi ni Israel, “Mangako ka sa akin,” at si Jose ay nangako sa kanya. Pagkatapos yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.

48:1 At nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito, may nagsabi kay Jose, “Tingnan mo, maysakit ang iyong ama.” Kaya kinuha niya ang kanyang dalawang anak na lalaki, sina Manasses at Efraim. 2 Nang sinabihan si Jacob, “Tingnan mo, ang iyong anak na si Jose ay dumating para makita ka,” Nag-ipon ng lakas si Israel at umupo sa kanyang higaan.

3 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Nagpakita sa aking ang makapangyarihang Diyos sa Luz sa lupain ng Canaan. Binasbasan niya ako 4 at sinabi sa akin, 'Tingnan mo, palalaguin kita, at pararamihin kita. Gagawin kitang kapulungan sa mga bansa. Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan bilang isang walang hanggang pag-aari.'

5 At ngayon ang dalawa mong anak na lalaki na ipinanganak sa iyo mula sa lupain ng Ehipto bago ako dumating dito, sila ay akin. Sina Efraim at Manasses ay magiging akin, tulad nina Ruben at Simeon na akin. 6 Ang susunod na mga anak mo pagkatapos nila ay magiging iyo; sila ay nakalista sa ilalim ng mga pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana.

7 Pero para sa akin, nang dumating ako mula sa Paddan, sa aking kalungkutan namatay si Raquel sa lupain ng Canaan sa daan nang ako ay pabalik, habang may kaunting kalayuan pa papunta sa Efrata. Inilibing ko siya roon sa daanan patungo sa Efrata (ito ay Bethlehem).”

8 Nang nakita ni Israel ang mga anak na lalaki ni Jose, sinabi niya. “Kanino ang mga ito?”

9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila ang mga anak kong lalaki, na ibinigay sa akin ng Diyos dito.” Sinabi ni Israel, “Dalhin mo sila sa akin para mabasbasan ko sila.”

10 Ngayon ang mga mata ni Israel ay malabo na dahil sa kanyang katandaan, kaya hindi na siya nakakakita. Kaya dinala sila ni Jose malapit sa kanya, at hinagkan sila at niyakap.

11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko kailanman inasahang makikitang muli ang iyong mukha, pero ipinahintulot pa ng Diyos na makita ko ang iyong mga anak.”

12 Kinuha sila ni Jose mula sa pagitan ng mga tuhod ni Jacob, at saka yumuko na nakasayad ang mukha sa lupa.

13 Kapwa sila kinuha ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay sa may bandang kaliwang kamay ni Israel, at si Manasses sa kanyang kaliwang kamay sa may bandang kanang kamay ni Israel, at dinala sila malapit sa kanya. 14 Inabot ni Israel ang kanyang kanang kamay at inilagay sa ulo ni Efraim, na siyang mas bata, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manasses. Pinagsalungat niya ang kanyang mga kamay, dahil si Manasses ang panganay. 15 Binasbasan ni Israel si Jose, na nagsasabing, “And Diyos na kasama ng aking amang si Abraham at si Isaac, ang Diyos na nag-alaga sa akin sa araw na ito, 16 ang anghel na nagbantay sa akin mula sa lahat ng kapahamakan, nawa ay pagpalain niya ang mga kabataang ito. Nawa ang pangalan ko ay ipangalan sa kanila, at ang pangalan ng aking amang sina Abraham at Isaac. Nawa lumago sila at maging napakarami sa mundo.”

17 Nang nakita ni Jose ang kanyang ama na nilagay ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ikinasama niya ng loob ito. Kinuha niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim sa ulo ni Manasses. 18 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi aking ama; ito po ang panganay. Ilagay mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”

19 Tumanggi ang kanyang ama at nagsabi, “Alam ko, anak, alam ko, siya ay magiging isang lahi, at siya rin ay magiging dakilang mga lahi. Pero ang kanyang nakababatang kapatid ay magiging mas dakila pa kaysa sa kanya, at ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magiging maraming mga bansa.”

20 Binasbasan sila ni Israel sa araw na iyon sa mga salitang ito, “Ang mga mamamayan sa Israel ay magpapahayag ng pagpapala sa pamamagitan ng inyong mga pangalan na nagsasabing, 'Nawa gawin ng Diyos na maging tulad ni Efraim at Manasses'.” Sa ganitong paraan, inuna ni Israel si Efraim bago si Manasses.

21 Sinabi ni Israel kay Jose, “Tingnan mo, malapit na akong mamatay, pero kasama ninyo ang Diyos, at dadalhin kayo pabalik sa lupain ng inyong mga ama. 22 Sa iyo, bilang isang nakahihigit sa iyong mga kapatid, ibibigay ko ang bundok na libis na nakuha ko mula sa Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at aking pana.”

49:1 Pagkatapos tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi: “Magsama-sama kayo, para sabihin ko kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap. 2 Magpulong kayo at makinig, kayong mga anak na lalaki ni Jacob. Makinig kayo kay Israel, ang inyong ama. 3 Ruben, ikaw ang aking panganay, aking lakas, at ang simula ng aking kalakasan, katangi-tangi ang dangal at katangi-tangi ang kapangyarihan. 4 Katulad ng hindi mapipigilan na matuling agos ng tubig, hindi ka magkakaroon ng katanyagan, dahil sumampa ka sa kama ng iyong ama. Dinungisan mo ito; sumampa ka sa aking higaan. 5 Sina Simeon at Levi ay magkapatid. Mga armas na marahas ang kanilang mga tabak. 6 O aking kaluluwa, huwag kayong pumunta sa kanilang konseho, huwag kayong makiisa sa kanilang pagpupulong, dahil labis ang karangalan ng aking puso para dito. Papatay sila ng mga tao dahil sa kanilang galit. Pipilayan nila ang baka para sa kanilang kasiyahan. 7 Nawa sumpain ang kanilang galit, dahil ito ay mabagsik—at ang kanilang matinding galit, dahil ito ay malupit. Hahatiin ko sila kay Jacob at ikakalat ko sila sa Israel. 8 Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid na lalaki. Ang iyong kamay ay nasa leeg ng iyong mga kaaway. Yuyuko sa iyo ang mga anak na lalaki ng iyong ama. 9 Si Juda ay isang batang leon. Anak ko, tapos ka na sa iyong mga biktima. Yumuko siya, yumukod siya katulad ng leon, katulad ng leona. Sino ang hahamon na gisingin siya? 10 Hindi mawawala ang setro sa Juda, kahit ang tungkod ng pinuno mula sa pagitan ng kanyang mga paa, hanggang dumating ang Silo. Susunod ang mga bansa sa kanya. 11 Pagkatali ng kanyang batang kabayo sa puno ng ubas at ng batang asno sa piling puno ng ubas, nilabhan niya ang kanyang mga kasuotan ng alak at ang kanyang balabal sa dugo ng mga ubas. 12 Ang mata niya ay magiging kasing itim ng alak, at ang kanyang ngipin ay kasing puti ng gatas. 13 Titira si Zebulon sa tabing-dagat. Magiging daungan siya ng mga barko at aabot ang kanyang hangganan sa Sidon. 14 Malakas na asno si Isacar na nakahiga sa gitna ng tupahan. 15 Nakakakita siya ng mabuting lugar na pagpahingahan at kaaya-ayang lupain. Iyuyukod niya ang kanyang balikat para pumasan at naging isang alipin para sa tungkulin. 16 Hahatulan ni Dan ang kanyang mga tao bilang isa sa mga lipi ng Israel. 17 Magiging tulad ng ahas si Dan sa gilid ng daan, isang nakalalasong ahas sa daan na nanunuklaw ng mga sakong ng kabayo, upang mahulog ng patalikod ang kanyang sakay. 18 Maghihintay ako sa iyong pagliligtas, Yahweh. 19 Si Gad—lulusubin siya ng mga mananalakay, pero sasalakay siya sa kanilang mga sakong. 20 Magiging masagana ang pagkain ni Aser, at magbibigay siya ng mga pagkain sa maharlika. 21 Si Nephtali ay isang malayang babaeng usa; magkakaroon siya ng magandang mumunting mga usa. 22 Si Jose ay magiging mabungang sanga, isang mabungang sanga malapit sa batis at aakyat sa pader ang mga sanga. 23 Lulusubin siya, papanain at guguluhin ng mga namamana. 24 Pero mananatili ang kanyang pana, at magiging dalubhasa ang kanilang mga kamay dahil sa mga kamay ng Makapangyarihan kay Jacob, dahil sa pangalan ng Pastol, at ang Bato ng Israel. 25 Dahil ang Diyos ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, at dahil sa makapangyarihang Diyos na siyang magbabasbas sa iyo ng pagpapala sa kalangitan, mga pagpapala sa kailaliman na nasa ibaba, mga pagpapala sa mga dibdib at sinapupunan. 26 Mas malaki pa ang mga pagpapala ng iyong ama kaysa sa mga sinaunang bundok o kanais-nais na mga bagay ng walang hanggang mga burol. Sila ay nasa ulo ni Jose, pagpapala na kokorona sa ulo ng isang prinsipe na nakakataas sa kanyang mga kapatid. 27 Gutom na lobo si Benjamin. Lalamunin niya ang kanyang nahuli sa umaga, at hahatiin niya ang mga nakaw sa gabi.”

28 Ito ang mga labindalawang lipi ng Israel. Ito ang sinabi ng kanilang ama nang sila ay pinagpala niya. Bawat isa ay pinagpala niya ng nararapat na pagpapala.

29 Tinuruan niya sila at sinabihang, “Ako nga ay pupunta na sa aking mga tao. Ilibing ninyo ako kasama ng aking mga ninuno sa kuweba na nasa bukid ni Efron ang Heteo, 30 sa kuweba na nasa bukid ng Macpela, na malapit sa Mamre sa lupain ng Canaan, ang bukid na binili ni Abraham kay sa Efron ang Heteo para maging libingan. 31 Doon inilibing si Abraham at Sara na kanyang asawa; inilibing nila roon si Isaac at Rebeca na kanyang asawa; at inilibing ko roon si Lea. 32 Binili ang bukid at ang kuweba rito mula sa mga Heth.”

33 Nang matapos ni Jacob ang kanyang mga tagubilin sa kanyang mga anak na lalaki, iniunat niya ang kanyang mga paa sa kama at inihinga ang huling hininga, at pumunta sa kanyang mga tao.