Binabayaran ni Jesus ang Buwis sa Templo na Kalahating Siklo
Binabayaran ni Jesus, ang Mesias, ang kalahating siklo para sa templo.
Tapos na ngayon ang panahon ng paglayo sa Galilea. Ang natitirang mga pangyayari sa panahong ito ay malamang na naganap sa loob lamang ng ilang araw.
Capernaum
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 17:24–27
17:24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga lalaking naningil ng kalahating siklo ng buwis at sinabi, “Nagbabayad ba ng kalahating siklo ng buwis ang iyong guro?”
25 Sinabi niya, “Oo.” Ngunit nang pumunta si Pedro sa bahay, una siyang kinausap ni Jesus at sinabi, “ Ano sa palagay mo, Simon? Ang mga hari sa lupa, kanino sila tumatanggap ng buwis o ng pagpupugay? Mula sa kanilang mga mamamayan o mula sa mga dayuhan?”
26 Nang sinabi ni Pedro, “Sa mga dayuhan,” sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung ganoon hindi kasama ang kanilang mamamayan sa pagbabayad. 27 Ngunit upang hindi tayo maging sanhi ng pagkakasala ng mga nangongolekta ng buwis, pumunta ka sa dagat, ihagis mo ang iyong pamingwit, at kunin ang unang isda na nahuli. Kapag binuka mo ang bibig nito, makikita mo ang isang siklo. Kunin mo ito at ibigay sa mga nangongolekta ng buwis para sa akin at para sa iyo.”
Nagtatalo ang Labindalawa Kung Sino ang Pinakadakila
Nagtatalo ang Labindalawa kung sino ang magiging pinakadakila sa ilalim ng paghahari ng Mesias. Ang kaniyang mga nasasakupan ay dapat maging tulad ng mga bata.
Capernaum
Mateo 18:1–5
18:1 Sa oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi, “ Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
2 Tinawag ni Jesus ang isang bata sa kaniya, at inilagay niya sa kanilang kalagitnaan, 3 at sinabi, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, maliban na lamang kung kayo ay magsisi at maging katulad ng mga maliliit na bata, hindi talaga kayo makapapasok sa kaharian ng langit.
4 Kaya kung sinuman ang nagpapakumbaba sa kaniyang sarili katulad ng maliit na batang ito, ang taong iyon ang pinakadakila sa kaharian ng langit.
5 At sinumang tumatanggap sa katulad ng maliit na batang ito alang-alang sa aking pangalan ay tinatanggap ako.
Marcos 9:33–37
9:33 At dumating sila sa Capernaum. At nang siya ay nasa loob ng bahay, tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila.
35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, “Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.”
36 Kumuha siya ng isang maliit na bata at pinaupo sa kanilang kalagitnaan. Binuhat niya ito at sinabi sa kanila,
37 “Sinumang tumanggap sa isang batang katulad nito sa aking pangalan ay tumanggap din sa akin, at kung sinuman ang tumanggap sa akin, hindi lamang ako ang tinanggap niya, kundi maging ang nagsugo sa akin.”
Lucas 9:46–48
9:46 Pagkatapos, isang pagtatalo ang nagsimula sa kanila tungkol sa kung sino ang magiging lubos na dakila.
47 Ngunit nang malaman ni Jesus ang kanilang mga pangangatwiran sa kanilang mga puso, kumuha siya ng isang bata at nilapit sa kaniyang tabi,
48 at sinabi sa kanila, “Kung sinuman ang tumanggap sa isang maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, siya rin ay tumatanggap sa akin, at kung sinuman ang tumatanggap sa akin, siya rin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin. Dahil kung sinuman ang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang dakila.”
Sinasaway ni Jesus ang Maling Kasigasigan ni Juan
Sinasaway ni Jesus ang maling kasigasigan ng apostol na si Juan sa pamamagitan ng angkop na mga talinghaga.
Capernaum
Mateo 18:6–14
18:6 Ngunit ang sinuman ang magiging sanhi ng pagkakasala ng isa sa mga maliliit na bata na sumampalataya sa akin, mas mabuti para sa kaniya na talian ang leeg ng malaking batong gilingan, at dapat siyang ilubog sa kailaliman ng dagat.
7 Sa aba sa sanlibutan dahil sa panahon ng pagkatisod! Sapagkat kinakailangang dumating ang mga panahong iyon, ngunit sa aba sa taong sanhi ng pinanggalingan nito!
8 Kung ang iyong kamay o mga paa ay nagiging sanhi ng inyong pagkatisod, putulin ninyo ito at itapon ninyo ito palayo sa inyo. Mas mabuti para sa inyo ang pumasok sa buhay na may kapansanan o lumpo, kaysa itapon sa walang hanggang apoy na may dalawang kamay o dalawang paa.
9 Kung ang inyong mga mata ay maging dahilan ng inyong pagkatisod, dukutin ninyo ito at itapon ninyo ito palayo sa inyo. Mas mabuti para sa inyo ang pumasok sa buhay na may isang mata, kaysa itapon sa walang hanggang apoy na may dalawang mata.
10 Tingnan ninyo na huwag ninyong hahamakin kahit na isa sa mga maliliit na bata. Sapagkat sasabihin ko sa inyo na sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. ( 11 Sapagkat pumarito ang Anak ng Tao upang maligtas ang mga nawawala.)
12 Ano sa palagay ninyo? Kung may isang taong mayroong isandaang tupa, at ang isa ay naligaw, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa burol at maghahanap sa isang naliligaw? 13 At kung matagpuan niya ito, totoo itong sinasabi ko sa inyo, ikagagalak niya ito higit sa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Sa gayon ding paraan, hindi ito ang kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa mga maliliit na batang ito ay mapahamak.
Marcos 9:38–50
9:38 Sinabi ni Juan sa kaniya, “ Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa iyong pangalan at pinatigil namin siya, dahil hindi siya sumusunod sa atin.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang patigilin, sapagkat walang sinuman ang gagawa ng dakilang bagay sa pangalan ko at pagkatapos ay magsasalita ng anumang masama tungkol sa akin. 40 Sinumang hindi laban sa atin ay sumasa atin, 41 Sinumang magbigay sa inyo ng isang tasa ng tubig upang inumin dahil kabilang kayo kay Cristo, totoong sinasabi ko sa inyo, hindi mawawala ang kaniyang gantimpala.
42 Ang sinumang nagiging dahilan na madapa ang isa sa mga bata na ito na naniniwala sa akin, mas mabuti pa sa kaniya na talian ang kaniyang leeg ng malaking gilingang bato at itapon siya sa dagat.
43 Kung ang iyong kamay ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pang pumasok ka sa buhay na walang kamay kaysa may dalawang kamay at pumunta sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 44 (kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay) 45 Kung ang iyong paa ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pa para sa iyo na pilay kang papasok sa buhay, kaysa may dalawang paa at maitapon sa impiyerno. 46 (kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay.)
47 Kung ang iyong mata ang dahilan upang ikaw ay madapa, dukutin mo ito. Mas mabuti pang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa mayroong dalawang mata at maitapon sa impiyerno,
48 kung saan hindi namamatay ang kanilang mga uod at hindi namamatay ang apoy.
49 Dahil ang lahat ay maasinan ng apoy.
50 Ang asin ay mabuti, ngunit kung mawala ang pagka-alat nito, paano mo ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang asin sa inyong mga sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't-isa.”
Lucas 9:49–50
9:49 Sumagot si Juan at sinabi, “Panginoon, may nakita kaming isang tao na nagpapalayas ng demonyo gamit ang iyong pangalan at pinigilan namin siya sapagkat siya ay hindi sumusunod sa atin.”
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Huwag ninyo siyang pigilan, sapagkat siya na hindi laban sa inyo ay kasama ninyo.”