Ang Batang Sinasapian ng Demonyo na Hindi Mapagaling ng mga Alagad
Sa rehiyon ng Cesarea Filipos
A.D. 29 o 28
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 17:14–21
17:14 Pagbalik nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit ang isang tao at lumuhod sa kaniyang harapan, at sinabi,
15 “Panginoon, mahabag kayo sa aking anak na lalaki, sapagkat siya ay may epilepsiya at lubhang nahihirapan. Sapagkat madalas siyang nahuhulog sa apoy o sa tubig.
16 Dinala ko siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila siya mapagaling.
17 Sumagot si Jesus at sinabi, “Kayong salinlahi na walang pananampalataya at mga baluktot, hanggang kailan ba ako mananatili kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”
18 Sinaway siya ni Jesus at umalis ang demonyo sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.
19 Pagkatapos nito sarilinang lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Bakit hindi namin ito mapalayas?”
20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinliit ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon,' at lilipat nga ito at walang magiging imposible sa inyo. 21 (Ngunit hindi mapapalayas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa panalangin at pag-aayuno.)
Marcos 9:14–29
9:14 At nang makabalik sila sa mga alagad, nakita nila ang napakaraming tao na nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo ang mga eskriba sa kanila.
15 At nang makita nila si Jesus, namangha ang lahat ng mga tao at kaagad nagsipagtakbuhan papunta sa kaniya upang siya ay batiin.
16 Tinanong niya ang kaniyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan sa kanila?”
17 Sinagot siya ng isa sa mga taong naroroon, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki, mayroon siyang espiritu na pumipigil sa kaniya na makapagsalita,
18 at nagiging sanhi ito ng kaniyang pangingisay at ibinabagsak siya nito, bumubula ang kaniyang bibig, nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito sa kaniya ngunit hindi nila ito magawa.”
19 Sinagot sila ni Jesus, “Salinlahing walang pananampalataya, hanggang kailan ba ako kailangang manatili kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin.”
20 Dinala nila ang batang lalaki sa kaniya. Nang makita ng espiritu si Jesus, kaagad siya nitong pinangisay. Natumba ang bata sa lupa at bumula ang bibig.
21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Gaano na siya katagal na ganito?” Sinabi ng ama, “Mula pagkabata. 22 Madalas siyang tinatapon nito sa apoy o sa tubig at sinubukan siya nitong patayin. Kung may magagawa kang kahit ano, kaawaan mo kami at tulungan mo kami.”
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “'Kung may magagawa'? Ang lahat ay magagawa sa mga naniniwala.”
24 Agad na sumigaw ang ama ng bata at nagsabi, “Naniniwala ako! Tulungan mo ang aking kawalan ng paniniwala!”
25 Nang makita ni Jesus ang mga tao na tumatakbo papunta sa kanila, sinaway niya ang masamang espiritu at sinabi, “Ikaw pipi at binging espiritu, inuutusan kita, lumabas ka at huwag nang bumalik pa sa kaniya.”
26 Sumigaw ito at matinding pinangisay ang bata at pagkatapos ay lumabas. Nagmukhang parang isang patay ang bata kaya marami ang nagsabi, “Patay na siya.” 27 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at ibinangon siya, at tumayo ang batang lalaki.
28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad ng sarilinan. “Bakit hindi namin iyon mapalayas?”
29 Sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay hindi mapapalayas maliban sa pamamagitan ng panalangin.”
Lucas 9:37–43
9:37 At nangyari nga sa sumunod na araw, nang nakababa sila sa bundok, sumalubong sa kaniya ang napakaraming tao.
38 Masdan ito, mayroong isang ama na sumisigaw mula sa maraming tao na nagsasabi, “Guro, nagmamakaawa ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ay nag-iisa kong anak.
39 Sinasaniban siya ng isang espiritu, at bigla siyang sumisigaw, kaya siya ay nangingisay na bumubula ang bibig. Pahirapan itong umalis sa kaniya, lubha siyang sinasaktan nito kapag ito ay umaalis. 40 Nagmakaawa ako sa iyong mga alagad na piliting palabasin ito sa kaniya, ngunit hindi nila magawa.”
41 Sumagot si Jesus at sinabi, “Kayong mga hindi nananampalataya at masamang salinlahi, gaano katagal ko kailangang manatili sa inyo at pagtiisan kayo? Dalhin mo dito ang iyong anak.”
42 Habang lumalapit ang batang lalaki ay ihinagis siya ng demonyo pababa at pinangisay nang marahas. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, at pinagaling ang batang lalaki, at ibinalik siya sa kaniyang ama.
43 Silang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Ngunit habang sila ay namamangha parin sa mga bagay na kaniyang ginawa, sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
Muling Inihuhula ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay
Habang palihim na bumabalik na dumaraan sa Galilea, muling inihuhula ni Jesus ang kaniyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Mateo 17:22–23
17:22 Habang sila ay nanatili sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao. 23 At siya ay papatayin nila, at mabubuhay siya sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng kaniyang mga alagad.
Marcos 9:30–32
9:30 Umalis sila mula roon at dumaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng kahit sino kung nasaan sila,
31 sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao, at siya ay papatayin nila. Kung siya ay pinatay na, babangon siyang muli pagkalipas ng tatlong araw.”
32 Ngunit hindi nila naintindihan ang pahayag na ito, at natakot silang tanungin siya.
Lucas 9:44–45
9:44 “Palalimin ninyo ang mga salitang ito sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”
45 Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig sabihin ng mga pahayag na ito, at ito ay lingid sa kanila, kaya hindi nila ito maintindihan. Natakot silang magtanong sa kaniya tungkol sa pahayag na iyon.