Paano Pakitunguhan at Patawarin ang Kapatid na Nagkakasala

Ang tamang paraan ng pakikitungo sa kapatid na nagkasala sa iyo, at ang tungkuling matiyagang magpatawad sa kapatid (ang talinghaga ng aliping walang awa).

A.D. 29 o 28

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 18:15–35

18:15 Kung ang iyong kapatid ay nagkasala laban sa iyo, pumuntahan mo, ipakita mo ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makikinig siya sa iyo, mapapanumbalik mo ang iyong kapatid. 16 Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, isama mo sa iyo ang isa o dalawa pang mga kapatid, upang sa pamamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong mga saksi ang bawat salita ay maaaring mapatunayan. 17 At kung tumanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa iglesiya. Kung siya ay tumanggi na makinig sa iglesiya, ituring ninyo siyang gaya ng isang Gentil at maniningil ng buwis.

18 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang igapos ninyo sa lupa ay igagapos din sa langit. At anumang mga bagay ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan din sa langit.

19 Dagdag pa nito, sinasabi ko sa inyo, na kung ang dalawa sa inyo ay sumang-ayon sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling, mangyayari ito sa kanila sa pamamagitan ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ang nagkatipon dahil sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.”

21 Pagkatapos, lumapit si Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ba na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at akin siyang patatawarin? Hanggang pitong beses?”

22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hindi ko sasabihin sa inyo na pitong beses, kundi hanggang pitumpung ulit at pito.

23 Samakatuwid, ang kaharian ng langit ay maihahalintulad sa isang hari na nais makipagsulit sa kaniyang mga utusan. 24 Habang inuumpisahan ang pagsusulit, isang utusan ang dinala sa kaniya na nagkautang ng sampung libong mga talento. 25 Ngunit dahil sa wala siyang kakayanan na magbayad, inutusan siya ng kaniyang amo na ipagbili, kasama ng kaniyang asawa at mga anak at lahat na mayroon siya, at nang makabayad.

26 Kaya lumuhod ang utusan, yumuko sa kaniyang harapan, at sinabi, 'Amo, pagtiisan mo ako, at babayaran ko ang lahat.'

27 Kaya nahabag ang amo sa kaniyang utusan, pinakawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.

28 Ngunit lumabas ang utusan at nakita ang isa sa kaniyang kapwa utusan na nagkautang sa kaniya ng isang daang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal at sinabi, 'Bayaran mo ako sa iyong inutang.'

29 Ngunit lumuhod ang kaniyang kapwa utusan at nakiusap sa kaniya na nagsasabi, “Pagtiisan mo ako, at babayaran rin kita.'

30 Ngunit tumanggi ang naunang utusan. Sa halip, pumunta siya at itinapon siya sa kulungan, hanggang sa mabayaran niya ang kaniyang inutang.

31 Nang makita ng kapwa mga utusan kung ano ang nangyari, labis silang nagdamdam. Pumunta sila sa kanilang amo at sinabi ang lahat ng nangyari.

32 Pagkatapos nito, ipinatawag ng amo ang kaniyang utusan, at sinabi sa kaniya, 'Napakasama mong utusan, pinatawad kita sa lahat ng iyong inutang dahil ikaw ay nakiusap sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka din sa iyong kapwa utusan, gaya ng pagkahabag ko sa iyo? 34 Nagalit ang kaniyang amo at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang mga inutang.

35 Kaya ganoon din ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung ang bawat isa sa inyo ay hindi magpapatawad sa kaniyang kapatid na mula sa kaniyang puso.”

Dapat Iwan ng mga Tagasunod ng Mesias ang Lahat

Dapat iwan ng mga tagasunod ng Mesias ang lahat upang maglingkod sa kaniya.

Mateo 8:19–22

8:19 At may lumapit na eskriba sa kaniya at nagsabi, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magpunta.”

20 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, may mga pugad ang mga ibon sa himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang lugar na mapagsandalan ng kaniyang ulo.”

21 May ibang alagad din ang nagsabi sa kaniya, “Panginoon, payagan mo akong ilibing muna ang aking ama.”

22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sumunod ka sa akin, hayaan mong ang patay ang maglibing sa sarili nilang patay.”

Lucas 9:57–62

9:57 Habang sila ay papunta sa kanilang daraanan, may nagsabi sa kaniya, “Ako ay susunod sa iyo saan ka man pumunta.”

58 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang malatagan ng kaniyang ulo.”

59 At sinabi niya sa isa pang tao, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sinabi niya, “Panginoon, hayaan mong ilibing ko muna ang aking ama.”

60 Ngunit sumagot siya sa kaniya, “Hayaan ninyo ang patay na maglibing sa sarili nilang mga patay, ngunit kayo ay humayo at ipahayag sa lahat ng dako ang kaharian ng Diyos.”

61 Isa pang tao naman ay nagsabi din, “Ako ay susunod sa iyo, Panginoon, ngunit hayaan mo muna akong magpaalam sa kanila na nasa aking bahay.”

62 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Walang sinumang naglagay ng kaniyang mga kamay sa araro at tumitingin sa likuran, ang karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos.”

Tinatanggihan ni Jesus ang Payo ng Kaniyang mga Kapatid

Hinihimok si Jesus ng kaniyang mga kapatid na hindi sumasampalataya na magpakita sa Judea, at tinatanggihan niya ang kanilang payo.

Juan 7:2–9

7:2 Ngayon, nalalapit na ang kapistahan ng mga Hudyo, na Kapistahan ng mga Kanlungan. 3 Kaya sinabi sa kaniya ng kaniyang mga kapatid na lalaki, “Iwanan mo ang lugar na ito at pumunta ka sa Judea, upang makita din ng iyong mga alagad ang mga gawaing ginagawa mo. 4 Walang sinumang gumagawa ng anumang bagay na palihim kung siya mismo ay gustong makilala ng hayagan. Kapag ginawa mo ang mga bagay na ito, ipakita mo ang iyong sarili sa buong mundo.” 5 Sapagkat kahit ang mga kapatid niya ay hindi naniniwala sa kaniya.

6 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang aking panahon ay hindi pa dumating, ngunit ang inyong panahon ay palaging nakahanda. 7 Hindi ka maaring kamuhian ng mundo, ngunit kinamumuhian ako nito dahil ako ay nagpatotoo tungkol dito na ang kaniyang mga gawa ay masama. 8 Pumunta na kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito dahil ang aking oras ay hindi pa natutupad.”

9 Pagkatapos niyang sinabi ang mga bagay na ito sa kanila, siya ay nanatili sa Galilea.

Palihim na Pumupunta si Jesus sa Jerusalem na Dumaraan sa Samaria

Lucas 9:51–56

9:51 Nangyari ng habang papalapit na ang kaniyang pag-akyat sa langit, lubos niyang inihanda ang kaniyang sarili na pumunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga mensahero bago siya pumunta, at sila ay pumunta at nakarating sa isang Samaritanong bayan upang maghanda para sa kaniya. 53 Ngunit siya ay hindi tinanggap ng mga tao roon, sapagkat nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem.

54 Pagkatapos, nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, nais mo bang iutos naming bumaba ang apoy mula sa langit at puksain sila?”

55 Ngunit hinarap niya sila at sinaway sila. 56 Pagkatapos, sila ay pumunta sa ibang nayon.

Juan 7:10

7:10 Subalit, pagkatapos pumunta ng kaniyang mga kapatid sa kapistahan, sumunod din siya, hindi hayagan ngunit palihim.