Inihula ang mga Paghihirap at Pagkawasak ng Jerusalem

595 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 3:22–5:17

22 Kaya nasa akin doon ang kamay ni Yahweh, at sinabi niya sa akin, Tumayo ka! Pumunta sa kapatagan, at makikipag-usap ako sa iyo doon!

23 Bumangon ako at pumunta sa patag, at nanatili doon ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng kaluwalhatiang nakita ko sa gilid ng kanal Kebar; kaya nagpatirapa ako.

24 Dumating sa akin ang Espiritu at itinayo ako sa aking mga paa; at nagsalita siya sa akin, at sinabi sa akin, “Pumunta ka at pagsarhan ang iyong sarili sa loob ng iyong bahay, 25 kaya ngayon, anak ng tao, igagapos ka nila ng lubid at itatali ka upang hindi ka makapunta sa kanila. 26 Gagawin kong nakadikit ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay magiging pipi at hindi mo sila mapagsasabihan, yamang sila ay mapanghimagsik silang sambahayan.

27 Ngunit kapag magsalita ako sa iyo, bubuksan ko ang iyong bibig upang sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh; Siya na makakarinig ay makinig; at siya na hindi makinig ay hindi makikinig, yamang sila ay suwail na sambahayan!”

4:1 Ngunit ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang laryo para sa iyong sarili at ilagay ito sa iyong harapan. At iukit mo rito ang lungsod ng Jerusalem. 2 At lagyan mo ng panglusob laban dito, at magtayo ng mga tanggulan laban dito. Maglagay ng daanan na pangsalakay laban dito at maglagay ng mga kampo sa palibot nito. Maglagay ng mga pambayo sa buong palibot nito. 3 At ikaw, magdala ka ng kawaling bakal, at gamitin mo ito bilang bakal na pader sa pagitan mo at ng lungsod. Iharap mo ang iyong mukha sa dakong iyon at sa lungsod, sapagkat lulusubin ito. Kaya maglagay ka ng panglusob dito! Magiging isang palatandaan ito ng sambahayan ng Israel.

4 Pagkatapos, humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo sa iyong sarili ang kasalanan ng sambahayan ng Israel; papasanin mo ang kanilang kasalanan sa bilang ng mga araw na ikaw ay nakahiga paharap sa sambahayan ng Israel. 5 Ako mismo ang magtatalaga sa iyo ng isang araw upang kumatawan sa bawat taon ng kanilang kaparusahan: 390 araw! Sa ganitong paraan, papasanin mo ang kasalanan ng sambahayan ng Israel.

6 Kapag natapos mo na ang mga araw na ito, humiga ka patagilid sa iyong kanan sa pangalawang pagkakataon, sapagkat papasanin mo ang kasalanan ng sambahayan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Magtatalaga ako sa iyo ng isang araw sa bawat taon. 7 At Ihaharap mo ang iyong mukha sa Jerusalem na kasalukuyang linulusob na hindi natatakpan ang iyong bisig, at maghahayag ka ng propesiya laban dito.

8 Sapagkat masdan mo! Maglalagay ako ng panali sa iyo upang hindi ka lumingon sa magkabilang bahagi hanggang sa matapos mo ang mga araw ng iyong pagkalusob.

9 Magdala ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, dawa at espelta; ilagay mo sila sa isang sisidlan at gumawa ka ng tinapay para sa iyong sarili ayon sa bilang ng mga araw na nakahiga kang patagilid. Kakainin mo ito nang 390 na araw! 10 Ito ang pagkaing kakainin mo: Dalawampung siklo ang timbang sa bawat araw. Kakainin mo ito sa bawat oras.

11 At iinom ka ng tubig, na may sukat na anim na bahagi ng hin. Iinumin mo ito maya't-maya. 12 Kakainin mo ito tulad ng mga tinapay na gawa sa sebada, ngunit lulutuin mo ito gamit ang dumi ng tao sa kanilang paningin!”

13 Sapagkat sinasabi ni Yahweh, “Nangangahulugan ito na magiging marumi ang tinapay na kakainin ng mga tao ng Israel, doon sa mga bansa kung saan ko sila itataboy.”

14 Ngunit sinabi ko, “O, Panginoong Yahweh! Kailan man ay hindi ako naging marumi! Hindi ako kailanman kumakain ng anumang namatay o anumang pinatay ng mga hayop, mula sa aking pagkabata hanggang ngayon, at hindi kailanman nakapasok sa aking bibig ang maruming karne!”

15 Kaya sinabi niya sa akin, “Tingnan mo! Binigyan kita ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao upang maaari mo nang lutuin ang iyong tinapay sa ibabaw ng dumi ng baka.”

16 Sinabi rin niya sa akin, “Anak ng tao, masdan mo! Sinisira ko ang imbakan ng tinapay sa Jerusalem, at kakain sila ng tinapay habang nirarasyon ito sa kabalisaan at iinom ng tubig habang nirarasyon ito na may panginginig. 17 Dahil kukulangin sila ng tinapay at tubig, panghihinaan ng loob ang bawat tao sa kaniyang kapatid na lalaki at matutunaw dahil sa kanilang kasalanan.”

5:1 At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada na parang isang pang-ahit ng barbero para sa iyong sarili. At padaanin mo ang pang-ahit sa iyong ulo at sa iyong balbas, at kumuha ka ng mga timbangan upang timbangin at hatiin ang iyong buhok. 2 Sunugin ang ikatlong bahagi nito sa apoy sa gitna ng lungsod kapag natapos na ang mga araw ng paglusob. At kunin mo ang ikatlong bahagi ng buhok at ihampas mo ito sa pamamagitan ng espada sa buong palibot ng lungsod. At ikalat ang isang ikatlong bahagi nito sa hangin, at huhugot ako ng isang espada upang habulin ang mga tao.

3 Ngunit kumuha ng kaunting buhok mula sa kanila at itali ang mga ito sa iyong manggas. 4 At kumuha ng mas maraming buhok at ihagis ito sa gitna ng apoy; at sunugin ito sa apoy; mula roon ang apoy ay lalabas sa lahat ng sambahayan ng Israel.”

5 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, “Ito ang Jerusalem sa gitna ng mga bansa, kung saan ko siya inilagay, at kung saan pinalilibutan ko siya ng ibang mga lupain. 6 Ngunit tinanggihan niya ang aking mga kautusan sa pamamagitan ng kasamaan higit sa mga bansa, at ang aking mga palatuntunan higit pa sa mga bansang nakapalibot sa kaniya. At tinanggihan nila ang aking mga hatol at hindi lumalakad sa aking mga palatuntunan!”

7 Kaya sinasabi ito ng Panginoong si Yahweh, “Sapagkat ikaw ay higit na mapanggulo kaysa mga bansang nakapalibot sa iyo at hindi lumakad sa aking mga utos o kumilos ayon sa aking mga kautusan, o kumilos ayon sa mga kautusan ng mga bansang nakapalibot sa iyo.”

8 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, “Masdan ninyo! Ako mismo ay kikilos laban sa inyo! Isasagawa ko ang mga hatol sa inyong kalagitnaan upang makita ng mga bansa. 9 Gagawin ko sa inyo kung ano ang hindi ko pa nagagawa at ang katulad nito na hindi ko na gagawing muli, dahil sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na mga gawa. 10 Kaya kakainin ng mga ama ang mga bata sa inyong kalagitnaan, at kakainin ng mga anak na lalaki ang kanilang mga ama, yamang magsasagawa ako ng paghatol sa inyo at ikakalat sa bawat dako kayong lahat na naiwan!

11 Samakatuwid, habang ako ay buhay - ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh - tiyak ito sapagkat dinungisan ninyo ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat ng inyong kamuhi-muhing mga bagay at sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawa, ako mismo ang babawas ng inyong bilang; hindi maaawa sa inyo ang aking mata at hindi ko kayo patatawarain.

12 Mamamatay sa salot ang ikatlong bahagi ninyo, at mauubos sila ng kagutuman sa inyong kalagitnaan. Ang ikatlong bahagi sa inyo ay mamamatay sa pamamagitan ng espada sa paligid ninyo. At ikakalat ko ang ikatlong bahagi sa inyo sa bawat dako, at huhugot ng espada upang habulin din sila.

13 At magiging ganap ang aking poot, at ititigil ko ang aking matinding galit sa kanila. Masisiyahan ako, at makilala nila na akong si Yahweh ang nagsasabi ng mga bagay na ito dahil sa aking poot nang matapos ko ang aking matinding galit laban sa kanila.

14 Gagawin ko kayong isang lagim at kahihiyan sa mga bansang nakapalibot sa inyo sa paningin ng bawat isa na dumadaan. 15 Kaya magiging isang bagay ang Jerusalem para sa ibang tao upang isumpa at kutyain, isang babala at isang katatakutan para sa mga bansa na nakapaligid sa inyo. Isasagawa ko ang paghahatol laban sa inyo sa poot at matinding galit, at sa pamamagitan ng isang matinding pagsaway—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito!

16 Magpapadala ako ng malulupit na mga pana ng taggutom laban sa inyo na magiging dahilan upang sirain ko kayo. Sapagkat dadagdagan ko ang taggutom sa inyo at babaliin ko ang inyong tungkod ng tinapay. 17 Magpapadala ako ng taggutom at mga sakuna laban sa inyo upang hindi kayo magkaanak. Dadaan sa inyo ang salot at dugo, at magdadala ako ng espada sa inyo—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito.