Inihula ang mga Paghihirap at Pagkawasak ng Jerusalem (continued)
595 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban sa mga bundok ng Israel at magpropesiya sa kanila.
3 Sabihin mo, 'Mga bundok ng Israel, makinig kayo sa salita ng Panginoong Yahweh! Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh sa mga bundok at sa mga burol, sa mga batis at sa mga lambak: Tingnan ninyo! magdadala ako ng isang espada laban sa inyo at wawasakin ko ang inyong matataas na lugar. 4 Pagkatapos, magiging ulila ang inyong mga dambana at mawawasak ang inyong mga haligi at itatapon ko ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ilalatag ko ang patay na mga katawan ng mga tao ng Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan at ikakalat ang inyong mga buto sa palibot sa inyong mga altar.
6 Saanman kayo manirahan, masasayang ang inyong mga lungsod at maging ulila ang inyong matataas na lugar upang ang inyong mga altar ay masasayang at magiging ulila. Pagkatapos, mawawasak ang mga ito at maglalaho, ang inyong mga poste ay ibabagsak at mabubura ang inyong mga gawa. 7 Babagsak ang patay sa inyong kalagitnaan at malalaman ninyo na ako si Yahweh!
8 Ngunit magpapanatili ako ng isang natira sa inyo, at may ilan na makakatakas sa espada sa mga bansa, nang maikalat kayo sa buong mga bansa.
9 At silang mga nakatakas ay alalahanin ako sa mga bansa kung saan sila binihag, nagdalamhati ako sa kanilang hindi matinong puso na tumalikod mula sa akin at sa pamamagitan ng kanilang mga mata na sumumpa sa kanilang mga diyus-diyosan. At nagpapakita sila ng pagkamuhi sa kanilang sarili sa kasamaan na kanilang nagawa kasama ang lahat ng kanilang pagkasuklam. 10 Upang kanilang malaman na ako si Yahweh. Ito ay isang kadahilanan na sinabi kong dadalhin ko ang masamang bagay na ito sa kanila.
11 Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito: Ipalakpak ang iyong kamay at ipadyak ang iyong paa! Sabihin, “O!” dahil sa lahat ng kasamaang kasuklam-suklam ng sambahayan ng Israel! Sapagkat babagsak sila sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot. 12 Ang isang nasa malayo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot at ang isang nasa malapit ay babagsak sa pamamagitan ng espada. Silang mga natira at nakaligtas ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom; sa ganitong paraan ko gagawin ang aking poot laban sa kanila.
13 At malalaman ninyo na ako si Yahweh, kapag ang kanilang mga patay ay nakahiga kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga altar sa bawat mataas na burol—sa lahat ng mga taluktok ng bundok at sa ilalim ng bawat malagong punong kahoy at mayabong na ensena—ang mga lugar kung saan sila nagsusunog ng mga insenso sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Ipapakita ko ang aking kapangyarihan at gagawin kong ulila at masasayang ang lupain, mula sa ilang hanggang sa Diblah, sa buong lugar kung saan sila naninirahan. At malalaman nila na ako si Yahweh.”
7:1 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Ikaw, na anak ng tao—Ang Panginoong Yahweh ang nagsasabi nito sa lupain ng Israel, 'Isang wakas! Isang wakas ang darating sa apat na hangganan ng lupain! 3 Ngayon, ang wakas ay sumasainyo, sapagkat ipinapadala ko sa inyo ang aking poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga pamamaraan, pagkatapos dadalhin kong lahat sa inyo ang inyong mga pagkasuklam. 4 Sapagkat hindi kayo titingnan ng aking mga mata ng may habag at hindi ko kayo kaaawaan, kundi dadalhin ko ang inyong pamamaraan sa inyo at ang inyong mga pagkasuklam ay nasa inyong kalagitnaan, upang malaman ninyo na ako si Yahweh! 5 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sakuna! Sunod-sunod na sakuna! Tingnan ninyo, paparating na ito! 6 Isang pagtatapos ang tiyak na darating, ang wakas ay nagising laban sa inyo! Masdan ninyo, paparating na ito! Ang inyong katapusan ay paparating na sa inyong mga naninirahan sa lupa. 7 Dumating na ang oras, malapit na ang araw ng pagkawasak at hindi na magagalak ang mga bundok. 8 Ngayon, hindi magtatagal ay ibubuhos ko ang aking poot laban sa inyo at mapupuno ang aking matinding galit sa inyo kapag hahatulan ko kayo ayon sa inyong pamaraan, pagkatapos dadalhin ko ang lahat ng mga pagkasuklam sa inyo. 9 Sapagkat hindi kayo titingnan ng aking mata ng may habag at hindi ko kayo kaaawaan. Ayon sa inyong nagawa, gagawin ko sa inyo, at ang inyong mga pagkasuklam ay nasa inyong kalagitnaan upang malaman ninyo na ako si Yahweh, ang siyang nagpaparusa sa inyo. 10 Masdan ninyo! Ang araw ay parating na. Naririto na ang kaparusahan. Namukadkad sa tungkod ang bulaklak ng pagmamataas. 11 Lumago ang karahasan ng isang tungkod ng kasamaan—wala sa kanila at wala sa karamihan, wala sa kanilang kayamanan at wala sa kanilang kahalagahan ang magtatagal! 12 Paparating na ang oras, papalapit na ang araw. Huwag magalak ang mamimili, ni tumangis ang manininda, sapagkat ang aking galit ay nasa buong sangkatauhan! 13 Sapagkat hindi na babalikan ng manininda ang ipinagbili habang sila ay nabubuhay, sapagkat ang pangitain ay laban sa buong sangkatauhan, hindi na sila babalik, sapagkat walang sinumang tao na namumuhay sa kasalanan ang mapapalakas!
14 Hinipan na nila ang trumpeta at inihanda na ang lahat, ngunit wala ni isa ang lumakad upang makilaban, sapagkat ang aking galit ay nasa buong sangkatauhan! 15 Nasa labas ang espada at nasa loob ng gusali ang salot at taggutom. Ang mga nasa bukirin ay mamamatay sa pamamagitan ng espada, habang ang mga nasa lungsod ay uubusin ng taggutom at salot. 16 Ngunit ang ilang mga nakaligtas ay tatakas mula sa kanila at pupunta sila sa mga bundok. Tulad ng mga kalapati sa mga lambak, mananaghoy silang lahat—bawat tao dahil sa kaniyang kasalanan. 17 Bawat kamay ay manghihina at bawat tuhod ay magiging kasing lambot ng tubig, 18 at magsusuot sila ng magaspang na tela at mababalot sila ng takot at ang kahihiyan ay nasa bawat mukha at ang pagkakalbo sa lahat ng kanilang mga ulo. 19 Itatapon nila ang kanilang pilak sa mga lansangan at ang kanilang ginto ay magiging tulad ng hindi katanggap-tanggap. Hindi sila kayang iligtas ng kanilang pilak at ginto sa panahon ng matinding galit ni Yahweh. Hindi maliligtas ang kanilang buhay at hindi mapapawi ang kanilang gutom, sapagkat naging isang nakakatisod na hadlang ang kanilang kasalanan. 20 Kumuha sila ng palamuting hiyas sa kanilang pagmamataas at gumawa sila ng diyus-diyosang imahen na naglalarawan ng kanilang pagkasuklam—ang kanilang kamuhi-muhing mga kilos na kanilang ginawa ay kasama nila, kaya, ginagawa kong marumi ang mga bagay na ito sa kanila. 21 At ibibigay ko ang mga bagay na iyon sa kamay ng mga dayuhan bilang samsam at sa masasama sa mundo bilang samsam at dudungisan nila ang mga ito. 22 Pagkatapos itatalikod ko ang aking mukha mula sa kanila nang dinudungisan nila ang aking itinatanging lugar, papasukin ito ng mga tulisan at dudungisan ito! 23 Gumawa ka ng isang tanikala, sapagkat pinuno ang lupain ng paghahatol ng dugo at puno ng karahasan ang lungsod. 24 Kaya magdadala ako ng pinakamasama sa mga bansa at aangkinin nila ang kanilang mga tahanan at wawakasan ko ang pagmamataas ng makapangyarihan, sapagkat madudungisan ang kanilang banal na mga lugar. 25 Darating ang takot! Hahanapin nila ang kapayapaan, ngunit hindi ito masusumpungan! 26 Sunod-sunod na sakuna ang darating at magkakaroon ng sunod-sunod na bulung-bulungan! Pagkatapos, maghahanap sila ng pangitain mula sa isang propeta, ngunit mawawala ang kautusan mula sa mga pari at payo mula sa sa mga nakatatanda. 27 Magluluksa ang hari at ang prinsipe ay magdadamit ng kawalan, habang ang mga kamay ng mga tao sa lupain ay manginginig sa takot. Ayon sa sarili nilang kaparaanan, gagawin ko ito sa kanila! At hahatulan ko sila sa kanilang mga sariling pamantayan hanggang malaman nila na ako si Yahweh!'”