Inatasan si Ezekiel (continued)

595 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 2:1–3:21

1 Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka at magsasalita ako sa iyo.” 2 At dinala ako ng Espiritu habang siya ay nagsasalita sa akin at itinayo niya ako, at narinig ko siyang nagsasalita sa akin.

3 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, sinusugo kita sa mga tao ng Israel, sa suwail na bansang naghimagsik laban sa akin—nagkasala sila at ng kanilang mga ninuno laban sa akin hanggang sa panahong ito! 4 Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay may mga matitigas na mukha at mga matitigas na puso. Isinusugo kita sa kanila. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh.'

5 Makinig man sila o hindi sila makikinig. Sila ay suwail na sambahayan, ngunit malalaman man lamang nila na isang propeta ang kabilang sa kanila.

6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa kanilang mga salita. Huwag kang matakot, kahit na kasama mo ang mga dawag at mga tinik, at kahit na ikaw ay namumuhay kasama ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita o panghinaan ng loob sa kanilang mga mukha, sapagkat sila ay suwail na sambahayan. 7 Ngunit sasabihin mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o hindi, dahil sila ay napakasuwail.

8 Ngunit ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging suwail tulad ng suwail na sambahayang iyon. Buksan mo ang iyong bibig at kainin ang ibibigay ko sa iyo!”

9 Pagkatapos, tumingin ako at isang kamay ang nag-abot sa akin, dito ay may kasulatang binalumbon. 10 Inilatag niya ito sa aking harapan, nasulatan ang harap at ang likod nito, at mga panaghoy, pagluluksa, at kapighatian ang nakasulat dito.

3:1 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo kung ano ang natagpuan mo! Kainin mo itong kasulatang binalumbon, pagkatapos ay humayo sa sambahayan ng Israel at magsalita.”

2 Kaya ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang kasulatang binalumbon.

3 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, pakainin mo ang iyong sikmura at busugin ang iyong tiyan sa pamamagitan ng kasulatang binalumbong ito na ibinigay ko sa iyo!” Kaya kinain ko ito, at ito ay kasintamis ng pulot-pukyutan sa aking bibig.

4 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, pumunta ka sa sambahayan ng Israel at sabihin sa kanila ang aking mga salita. 5 Sapagkat hindi ka isinugo sa mga taong may kakaibang salita o isang mahirap na wika, kundi sa sambahayan ng Israel— 6 hindi sa makapangyarihang bansang may kakaibang salita o mahirap na wika, na ang mga salita ay hindi mo maintindihan! Kung isusugo kita sa kanila, makikinig sila sa iyo!

7 Ngunit ang sambahayan ng Israel ay hindi nahahandang makinig sa iyo, sapagkat sila ay hindi nahahandang makinig sa akin. Kaya lahat ng sambahayang Israel ay mataas ang kilay at matigas ang puso.

8 Masdan mo! Ang iyong mukha ay ginawa kong kasintigas ng kanilang mga mukha at ang iyong kilay ay kasintigas ng kanilang mga kilay. 9 Ginawa kong tulad ng isang diamante ang iyong kilay, mas matigas kaysa pingkian! Huwag kang matakot sa kanila o panghinaan ng loob sa pamamagitan ng kanilang mga mukha, yamang sila ay mga suwail na sambahayan.”

10 At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang lahat ng mga salitang ipinahayag ko sa iyo—ilagay mo ang mga ito sa iyong puso at pakinggan mo sila sa pamamagitan ng iyong mga tainga! 11 At pumunta ka sa mga bihag, sa iyong mga kababayan, at magsalita ka sa kanila. Sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh,' makinig man sila o hindi.”

12 Pagkatapos, itinaas ako ng Espiritu, at nakarinig ako ng tunog sa aking likuran na tulad ng isang malakas na lindol, na nagsasabi, “Pagpalain ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa kaniyang lugar!” 13 Kaya narinig ko ang tunog ng mga pakpak ng mga buhay na mga nilalang habang sumasag sa isa't isa, at ang tunog ng mga gulong na nasa kanila, at ang tunog ng isang malakas na lindol!

14 Itinaas ako ng Espiritu at dinala ako palayo; at pumunta akong may kapaitan sa galit ng aking espiritu, sapagkat ubod ng lakas na nakadiin sa akin ang kamay ni Yahweh! 15 Kaya pumunta ako sa mga bihag sa Tel Abib na nakatira sa tabi ng Ilog Kebar, at nananatili ako roon sa loob ng pitong araw, punong-puno ako ng pagkamangha kasama nila.

16 At nangyari na makalipas ang pitong araw ay dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 17 Anak ng tao, ginawa kitang tagapagbantay para sa sambahayan ng Israel, kaya makinig ka sa salita mula sa aking bibig, at ibigay sa kanila ang aking babala!

18 Kapag sinabi ko sa masama, 'Tiyak na mamamatay ka' at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsabi ng isang babala sa masama tungkol sa kaniyang masamang mga gawa upang siya ay mabuhay—mamamatay ang masama sa kaniyang kasalanan, ngunit sisingilin ko mula sa iyong kamay ang kaniyang dugo. 19 Ngunit kung bibigyan mo ng babala ang masama, at hindi siya tumalikod mula sa kaniyang kasamaan o sa kaniyang masasamang gawain, mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, ngunit maililigtas mo ang iyong sariling buhay.

20 At kung tatalikod ang isang matuwid na tao mula sa kaniyang pagiging matuwid at gumawa ng hindi makaturungan, maglalagay ako ng batong katitisuran sa kaniyang harapan, at mamamatay siya, dahil hindi mo siya binigyan ng babala. Mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, at hindi ko aalalahanin ang kaniyang mabuting mga gawa na kaniyang ginawa, ngunit sisingilin ko mula sa iyong kamay ang kaniyang dugo. 21 Ngunit kung babalaan mo ang matuwid na tao na tumigil sa pagkakasala upang hindi na siya magkasala, tiyak na mabubuhay siya dahil nabigyan siya ng babala; at maililigtas mo ang iyong sariling buhay.”