Sa Apat na Mangingisda, Nakahanap si Jesus ng mga Mangingisda ng Tao
Sa tabi ng Dagat ng Galilea, malapit sa Capernaum
A.D. 27 hanggang 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 4:18–22
4:18 Habang naglalakad si Jesus sa Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro at ang kapatid niyang si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat sapagkat sila ay mga mangingisda.
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.”
20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.
21 Habang naglalakad si Jesus mula doon, nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak na lalaki ni Zebedeo at si Juan na kaniyang kapatid. Kasama nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na nagkukumpuni ng kanilang mga lambat. Tinawag niya ang mga ito,
22 at agad nilang iniwan ang kanilang ama at ang bangka at sumunod sa kaniya.
Marcos 1:16–20
1:16 At habang dumadaan siya sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya si Simon at Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda.
17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.”
18 At kaagad na iniwan nila ang mga lambat at sumunod sa kaniya.
19 Habang si Jesus ay naglalakad papalayo, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at Juan na kapatid nito, sila ay nasa bangka na nagkukumpuni ng mga lambat.
20 Agad silang tinawag ni Jesus at iniwan nila ang kanilang amang si Zebedeo sa bangka kasama ang mga binayarang katulong at sumunod sila sa kaniya.
Lucas 5:1–11
5:1 Ngayon nangyari na habang nagsisiksikan ang maraming tao sa palibot ni Jesus at nakikinig sila sa salita ng Diyos, si Jesus ay nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nakapagilid sa pampang ng lawa. Nakababa na ang mga mangingisda mula dito at naglilinis sila ng kanilang mga lambat.
3 Sumakay si Jesus sa isa sa mga bangka, na pagmamay-ari ni Simon at hiniling niya sa kaniya na dalhin niya ito sa tubig na hindi kalayuan sa dalampasigan. Pagkatapos ay umupo siya at nagturo sa mga tao habang nasa bangka.
4 Nang matapos na siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dalhin mo ang bangka sa mas malalim na tubig at ibaba ang inyong mga lambat para manghuli”.
5 Sumagot si Simon at sinabi, “Panginoon, magdamag kaming nangisda ngunit wala kaming nahuli, ngunit sa iyong salita, ibababa ko ang mga lambat.” 6 Nang ginawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming bilang ng isda, at ang kanilang mga lambat ay nagsimulang mapunit. 7 Kaya't kumaway sila kanilang kasamahan sa kabilang bangka upang puntahan at tulungan sila. Dumating sila at napuno ang dalawang bangka, kaya't sila ay nagsimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, siya ay lumuhod sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat ako ay taong makasalanan.” 9 Sapagkat siya ay namangha at ang lahat din na kaniyang mga kasama, sa dami ng isdang kanilang nahuli. 10 Kasama dito sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, sapagkat mula ngayon, mangingisda ka na ng tao.” 11 Nang madala nila sa dalampasigan ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kaniya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Sinasapian ng Demonyo sa Sinagoga
Napuno ng pananabik ang sinagoga dahil sa pagtuturo ni Jesus at sa pagpapagaling niya sa isang lalaking sinasapian ng demonyo sa Araw ng Pamamahinga.
Marcos 1:21–28
1:21 At nakarating sila sa Capernaum at sa Araw ng Pamamahinga, agad na pumunta si Jesus sa sinagoga at nagturo.
22 Namangha sila sa kaniyang pagtuturo sapagkat siya ay nagtuturo katulad ng isang taong may kapangyarihan at hindi tulad ng mga eskriba.
23 Noon din ay may isang lalaki sa kanilang sinagoga na may masamang espiritu, at sumigaw siya,
24 na nagsasabi, “Ano ang kinalaman namin sa iyo, Jesus ng Nazaret? Pumarito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos!”
25 Sinaway ni Jesus ang demonyo at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya!” 26 At binagsak siya ng masamang espiritu, lumabas mula sa kaniya habang sumisigaw ng malakas.
27 At ang lahat ng tao ay namangha, kaya nagtanungan sila sa isa't isa, “Ano ito? Bagong katuruan na may kapangyarihan? Nauutusan niya kahit ang mga masasamang espiritu at sumusunod naman ang mga ito sa kaniya!”
28 At agad na kumalat sa lahat ng dako ang balita tungkol sa kaniya sa buong rehiyon ng Galilea.
Lucas 4:32–37
4:32 Sila ay namangha sa kaniyang itinuturo, dahil nagsalita siya nang may kapangyarihan.
33 Ngayon, sa sinagoga sa araw na iyon may isang tao na may espiritu ng maruming demonyo, at siya ay sumigaw nang may malakas na tinig,
34 “Ano ang nais mong gawin sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Ikaw ba ay pumarito para kami ay puksain? Alam ko kung sino ka! Ikaw ang Banal ng Diyos!”
35 Sinaway ni Jesus ang demonyo, na nagsasabi, “Manahimik ka at lumabas ka sa kaniya!” Nang naihagis ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, siya ay lumabas mula sa kaniya na walang nangyaring masama sa lalaki.
36 Lahat ng tao ay lubhang namangha, at sila ay patuloy na nag-uusap sa isa't isa sa nangyari. Sinabi nila, “Anong uri ang mga salitang ito? Inutusan niya ang mga maruruming espiritu na may kakayahan at kapangyarihan at sila ay lumabas.”
37 Kaya nagsimulang kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa bawat bahagi ng nakapaligid na rehiyon.