Pinagaling ni Jesus ang Biyenang Babae ni Pedro at ang Marami Pang Iba
Sa Capernaum, sa tahanan ni Pedro
A.D. 27 hanggang 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 8:14–17
8:14 Pagkarating ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat.
15 Hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at inibsan siya ng lagnat. Bumangon siya at nagsimulang maglingkod sa kaniya.
16 Nang sumapit ang gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang maraming taong sinapian ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling niya ang lahat ng may sakit.
17 Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Isaias na propeta, “Kinuha niya ang ating mga sakit at dinala ang ating mga karamdaman.”
Marcos 1:29–34
1:29 At kaagad, nang lumabas sila sa sinagoga, pumunta sila sa tahanan ni Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan.
30 Ngayon ang babaing biyenan ni Simon ay nakahigang nilalagnat, at agad nilang sinabi kay Jesus ang tungkol sa kaniya.
31 Kaya lumapit siya, hinawakan siya sa kamay at itinayo siya; nawala ang kaniyang lagnat at nagsimula siyang paglingkuran sila.
32 Nang gabing iyon, pagkatapos lumubog ng araw, dinala nila sa kaniya ang lahat ng may sakit at ang mga sinapian ng mga demonyo.
33 Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pinto.
34 Marami ang pinagaling niya na mayroong iba't ibang sakit at nagpalayas siya ng mga demonyo, ngunit hindi niya pinahintulutan ang mga demonyong magsalita dahil kilala siya ng mga ito.
Lucas 4:38–41
4:38 Pagkatapos, umalis si Jesus sa sinagoga at pumunta sa bahay ni Simon. Ngayon, ang biyenan ni Simon ay nahihirapan dahil sa mataas na lagnat, at sila ay nakiusap para sa kaniya.
39 Kaya tumayo siya malapit sa kaniya at sinaway ang kaniyang lagnat, at umalis ito. Agad siyang tumayo at nagsimulang maglingkod sa kanila.
40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang bawat may sakit at may iba't ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa bawat isa sa kanila at sila ay gumaling.
41 May mga demonyo din na lumabas mula sa kanila, sumusigaw at nagsasabi, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Sinaway ni Jesus ang mga demonyo at hindi niya sila pinayagang magsalita, dahil alam nila na siya ang Cristo.
Unang Naglibot si Jesus sa Galilea Kasama ang Apat na Mangingisda
Dito ginawa ni Jesus ang kaniyang unang paglilibot sa Galilea kasama ang apat na mangingisda, na tinawag na niya ngayon upang patuloy na sumunod sa kaniya. Sa pagbabalik sa Capernaum, tinawag si Mateo, at pinukaw ng iba't ibang himala ang pananabik ng mga tao at ang pagkapoot ng mga Pariseo sa mga turo ni Cristo.
Mateo 4:23–25
4:23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea, nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinangaral niya ang ebanghelyo ng kaharian, pinapagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa buong Siria at dinala ng mga tao sa kaniya ang lahat ng mga may sakit, may iba't ibang uri ng karamdaman at sakit, ang mga sinaniban ng mga demonyo, lahat ng epileptiko at paralisado, pinagaling sila ni Jesus.
25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus mula sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem at Judea at maging sa ibayo ng Jordan.
Marcos 1:35–39
1:35 Bumangon siya ng napaka-aga, habang madilim pa; umalis siya at pumunta sa isang lugar kung saan siya maaaring mapag-isa at nanalangin siya doon. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama niyang naroon.
37 Natagpuan nila siya at sinabi sa kaniya, “Naghahanap ang lahat sa iyo.”
38 Sinabi niya, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa mga nakapaligid na mga bayan upang makapangaral din ako doon. Iyon ang dahilan kaya ako naparito.”
39 Pumunta siya sa lahat ng dako ng Galilea, nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Lucas 4:42–44
4:42 Nang dumating ang dapit-umaga, pumunta siya sa isang tahimik na lugar. Maraming mga tao ang naghahanap sa kaniya at pumunta kung saang lugar siya naroon. Sinubukan nila na pigilan siya sa pag-alis sa kanila.
43 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Dapat ko ring ipangaral ang magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos sa marami pang lungsod, dahil ito ang dahilan kung bakit ako ipinadala dito.”
44 At siya ay nagpatuloy na nangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
Pinagaling ang isang ketongin, at nagkaroon ng matinding pananabik sa mga tao.
Mateo 8:2–4
8:2 Masdan ito, isang lalaking may ketong ang lumapit at lumuhod sa kaniya na nagsasabi, “Panginoon, kung iyong nais, maaari mo akong gawing malinis.”
3 Inabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya na nagsasabin, “Nais ko. Maging malinis ka.” Agad siyang nalinis sa kaniyang ketong.
4 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Huwag mo itong sabihin kahit kanino man. Humayo ka sa iyong daan at magpakita ka sa pari at ihandog mo ang kaloob na iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila.”
Marcos 1:40–45
1:40 Isang ketongin ang lumapit sa kaniya. Siya ay nagmamakaawa sa kaniya, lumuhod siya at sinabi sa kaniya, “Kung iyong nanaisin, maaari mo akong gawing malinis.”
41 Sa habag niya, iniabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, sinasabi sa kaniya, “Nais ko. Maging malinis ka.” 42 Kaagad na nawala ang kaniyang ketong at siya ay naging malinis.
43 Mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus at agad siyang pinaalis. 44 Sinabi niya sa kaniya, “Siguraduhin mong wala kang sasabihin sa kahit na sino, ngunit humayo ka at ipakita mo ang iyong sarili sa pari at maghandog kung ano ang iniutos ni Moises para sa iyong pagkalinis, bilang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya ay umalis at sinimulang sabihin sa lahat, at labis na ikinalat ang nangyari, anupat si Jesus ay hindi na malayang makapasok sa kahit anong bayan. Kaya siya ay nanatili sa mga ilang na lugar at pumupunta ang mga tao sa kaniya mula sa lahat ng dako.
Lucas 5:12–16
5:12 At nangyari nga na habang siya ay nasa isa sa mga lungsod, isang taong puno ng ketong ang naroon. Nang makita niya si Jesus, siya ay nagpatirapa at nagmakaawa sa kaniya, na nagsabi, “Panginoon, kung iyong nanaisin, ako ay maaari mong linisin.”
13 Pagkatapos, inabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, na sinasabi, “Nais ko. Maging malinis ka.” At agad nawala ang kaniyang ketong.
14 Siya ay pinagbilinan niya na huwag ipagsabi kahit kanino, sa halip, sinabi sa kaniya, “Pumunta ka sa iyong pupuntahan, at magpakita ka sa mga pari at mag-alay ka ng handog para sa iyong ikalilinis, batay sa mga kautusan ni Moises, bilang pagpapatotoo sa kanila.”
15 Ngunit ang balita tungkol sa kaniya ay lalong kumalat, at maraming mga tao ang dumating upang pakinggan siyang magturo at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit siya ay madalas pumunta sa mga lugar na ilang at nanalangin.