Bahagi 7: Ang Dakilang Ministeryo sa Lupain ng mga taga-Galilea
Malamang mula taglagas ng AD 27 hanggang tagsibol ng 29 (tila mga isa at kalahating taon)
Inilahad ni Marcos ang panahong ito nang napakadetalyado at ni Lucas sa isang pinaikling ulat, samantalang pangunahing ayon sa paksa ang paglalahad ni Mateo sa bahaging ito. Agad na tumutungo ang Ebanghelyo ni Marcos sa Dakilang Ministeryo sa Lupain ng mga taga-Galilea (ihambing ang buod ni Pedro ng buhay ni Cristo para sa sambahayan ni Cornelio sa Mga Gawa 10:36–43). Dahil sa dami ng materyal, mahirap itong pangkatin nang malinaw, ngunit patuloy na umuusad ang mga pangyayari.
- Tinanggihan sa Nazaret, Lumipat si Jesus sa Capernaum
- Ang unang paglilibot sa Galilea kasama ang apat na mangingisda, at, sa pagbabalik, ang pagtawag kay Mateo (Levi), habang lumalaganap ang katanyagan ni Jesus.
- Ang Pagtatalo Tungkol sa Araw ng Pamamahinga sa Jerusalem at Galilea
- Pinili ni Jesus ang Labindalawa at Nangaral sa Bundok
- Lumalawak ang Impluwensiya ni Cristo at Nagtatanong si Juan Mula sa Bilangguan
- Ang ikalawang paglilibot sa Galilea (kasama na ngayon ang Labindalawa), at ang matinding pagkapoot ng mga Pariseo.
- Ang unang malaking pangkat ng mga talinghaga, kasama ang pagdalaw sa Gerasa (Kursi) at ang huling pagdalaw sa Nazaret.
- Ang ikatlong paglilibot sa Galilea (habang sumusunod si Jesus sa Labindalawa), at ang epekto nito kay Herodes Antipas.
Nagturo si Jesus sa Galilea
Isang pangkalahatang salaysay ng pagtuturo ni Jesus sa Galilea.
A.D. 27 hanggang 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 4:17
4:17 Mula nang panahong iyon, nagsimulang mangaral si Jesus at sinasabi, “Magsisi na kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Marcos 1:15
1:15 at sinasabi, “Ang panahon ay naganap na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi kayo at maniwala sa ebanghelyo.”
Lucas 4:15
4:15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, at ang bawat isa ay nagpuri sa kaniya.
Pinagaling ni Jesus sa Cana ang Anak ng Isang Opisyal
Sa Cana, pinagaling ni Jesus ang anak ng isang opisyal ng hari mula sa Capernaum.
Dito, sa pagtanggi sa kaniya sa Nazaret at sa bagong tahanan sa Capernaum, muling binisita ni Jesus ang Cana at Nazaret, muling tinawag ang apat na mangingisda sa tabi ng Dagat ng Galilea, at sinimulan ang kaniyang ministeryo ng pagtuturo at pagpapagaling sa Capernaum.
Juan 4:46–54
4:46 Ngayon dumating muli siya sa Cana na nasa Galilea, sa lugar na ginawa niyang alak ang tubig. Mayroong isang maharlikang pinuno na ang anak na lalaking nasa Capernaum ay may sakit. 47 Nang marinig niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula Judea, pumunta siya kay Jesus at nagsumamo siya upang lumusong at pagalingin ang kaniyang anak, na nasa bingit ng kamatayan.
48 At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Maliban na inyong makita ang mga tanda at mga kahanga-hangang mga gawa, hindi kayo maniniwala.”
49 Sinabi ng pinuno sa kaniya, “Ginoo, halina't sumama ka na bago mamatay ang aking anak.”
50 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka, mabubuhay ang iyong anak.” Ang lalaki ay naniwala sa salita na sinabi ni Jesus sa kaniya, at tumuloy sa kaniyang landas. 51 Habang siya ay bumababa, sinalubong siya ng kaniyang mga lingkod, nagsasabing buhay ang kaniyang anak.
52 Kaya nagtanong siya sa kanila kung anong oras siya nagsimulang gumaling. Sumagot sila sa kaniya, “Kahapon ng ala una ay nawala ang kaniyang lagnat.”
53 At napagtanto ng ama na iyon din ang oras nang binanggit ni Jesus sa kaniya, “Mabubuhay ang iyong anak.” Kaya siya mismo at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya.
54 Ito ang pangalawang tanda na ginawa ni Jesus mula nang umalis siya sa Judea patungong Galilea.
Tinanggihan ng Nazaret si Jesus sa Unang Pagkakataon
Lucas 4:16–31
4:16 Isang araw, siya ay pumunta sa Nazaret, ang lungsod na kung saan siya pinalaki. Sa kaniyang nakagawian, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pamamahinga, at tumayo upang basahin ang kasulatan. 17 Ang balumbon ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya, kaya binuksan niya ang balumbon at nakita ang bahagi kung saan nakasulat, 18 “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi, 19 ipahayag ang pinagpalang panahon ng Panginoon.”
20 Pagkatapos ay inirolyo niya ang kasulatang binalumbon, ibinalik sa tagapangasiwa ng sinagoga, at umupo. Ang mga mata ng lahat ng tao sa sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21 Siya ay nagsimulang magsalita sa kanila, “Ngayon itong kasulatan ay natupad sa inyong pandinig.”
22 Bawat isa sa kanila ay nasaksihan ang lahat ng kaniyang mga sinabi at lahat sila ay namangha sa mga mapagpalang salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Sinasabi nila, “Ito ay anak lamang ni Jose, hindi ba?”
23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak kong sasabihin ninyo ang kawikaang ito sa akin, 'Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili. Anuman ang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum, gawin mo din dito sa iyong bayang kinalakihan.”'
24 Sinabi din niya, “Tapat kong sinasabi sa inyo, walang propeta ang tinanggap sa sarili niyang bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan na maraming mga balo sa Israel sa panahon ni Elias, noong sumara ang kalangitan na walang ulan sa loob ng tatlo at kalahating mga taon, noong nagkaroon ng matinding taggutom sa lahat ng kalupaan. 26 Ngunit hindi ipinadala si Elias sa kahit sinuman sa kanila, ngunit sa isang balo lamang na naninirahan sa Sarepta na malapit sa lungsod ng Sidon. 27 Mayroon ding maraming mga ketongin sa Israel sa panahon ni propeta Eliseo, ngunit wala sa kanila ang gumaling maliban kay Naaman na taga-Siria.”
28 Lahat ng tao sa sinagoga ay napuno ng matinding galit nang marinig nila ang mga bagay na ito. 29 Tumayo sila at ipinagtabuyan siya paalis ng lungsod, at dinala siya sa gilid ng burol kung saan itinayo ang kanilang lungsod, upang siya ay maari nilang ihulog sa bangin. 30 Ngunit siya ay lumakad palusot sa kanilang kalagitnaan at siya ay umalis.
31 At siya ay bumaba patungong Capernaum, isang lungsod ng Galilea. Sa isang Araw ng Pamamahinga siya ay nagturo sa mga tao sa sinagoga.
Nanirahan si Jesus sa Capernaum
Mateo 4:13–16
4:13 Umalis siya sa Nazaret at nagpunta at nanirahan sa Capernaum, na nasa Dagat ng Galilea, sa mga teritoryo ng Zebulun at Neftali. 14 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias, 15 “Ang lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, sa gawing dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Gentil! 16 Ang mga taong nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng matinding liwanag at sumikat ang liwanag sa mga taong nakaupo sa rehiyon at anino ng kamatayan. “