Inihula ni Hosea ang Pagkabihag ng Sampung Lipi (continued)
Inihula ni Hosea ang pagkabihag ng sampung lipi, at hinimok ang mga tao na magsisi.
725 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Huwag kang magalak, Israel, sa tuwa na tulad ng ibang mga tao. Sapagkat hindi ka naging tapat, tinalikuran ang iyong Diyos. Kinagiliwan mo ang magbayad ng sahod na hinihingi ng isang babaing nagbebenta ng aliw sa lahat ng mga giikan. 2 Ngunit ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila; bibiguin siya ng bagong alak. 3 Hindi sila patuloy na maninirahan sa lupain ni Yahweh, sa halip, babalik sa Egipto ang Efraim, at isang araw kakain sila ng maruming pagkain sa Asiria. 4 Hindi na sila magbubuhos ng mga handog na alak kay Yahweh, ni hindi na nakalulugod sa kaniya ang mga ito. Magiging tulad sa pagkain ng nagluluksa ang kanilang mga alay: ang lahat ng kakain nito ay magiging marumi. Sapagkat para sa kanila lamang ang kanilang pagkain, hindi ito makakarating sa tahanan ni Yahweh. 5 Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan, sa araw ng kapistahan para kay Yahweh? 6 Sapagkat, tingnan ninyo, kung nakatakas man sila mula sa pagkawasak, titipunin sila ng Egipto at ililibing sila ng Memfis. Ang kanilang kayamanan na pilak—matatakpan ang mga ito ng matatalim na dawag at mapupuno ng mga tinik ang kanilang mga tolda. 7 Parating na ang mga araw ng pagpaparusa, parating na ang araw ng paghihiganti. Hayaang malaman ng buong Israel ang mga bagay ito. Ang isang propeta ay hangal, nasiraan ng ulo ang lalaking kinasiyahan, dahil sa labis ng inyong kasamaan at labis na poot. 8 Ang propeta na kasama ng aking Diyos ay ang bantay para sa Efraim, ngunit ang patibong sa mga ibon ay nasa lahat ng kaniyang mga daanan, ang poot para sa kaniya ay nasa tahanan ng kaniyang Diyos. 9 Lubha nilang sinira ang kanilang mga sarili tulad sa mga panahon ng Gibea. Aalalahanin ng Diyos ang kanilang kasamaan at parurusahan niya ang kanilang mga kasalanan. 10 Sinasabi ni Yahweh, “Nang natagpuan ko ang Israel, tulad ito ng paghahanap ng mga ubas sa ilang. Tulad ng unang bunga sa panahon ng puno ng igos, natagpuan ko ang inyong mga ama. Ngunit nagpunta sila kay Baal Peor, at ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahiya-hiyang diyus-diyosang iyon. Naging kasuklam-suklam sila tulad ng diyus-diyosan na kanilang inibig. 11 Patungkol kay Efraim, lilipad na parang ibon ang kanilang kaluwalhatian. Wala nang isisilang, wala nang pagbubuntis at wala nang paglilihi. 12 Bagama't nagkaroon sila ng mga anak, kukunin ko sila upang wala ng matira sa kanila. Kahabag-habag sila kapag tumalikod ako sa kanila! 13 Nakita ko ang Efraim, katulad ng Tiro, na naitanim sa isang parang, ngunit dadalhin ng Efraim ang kaniyang mga anak sa isang tao na papatay sa kanila.” 14 Bigyan mo sila, Yahweh—ano ang ibibigay mo sa kanila? Bigyan mo sila ng sinapupunan na makukunan at mga susong walang gatas. 15 Dahil sa lahat ng kanilang kasamaan sa Gilgal, doon nagsimula ang aking pagkasuklam sa kanila. Dahil sa makasalanang mga gawa, paaalisin ko sila sa aking tahanan. Hindi ko na sila iibigin, suwail ang lahat ng kanilang mga opisyal. 16 Nagkasakit ang Efraim at natuyo ang kanilang mga ugat, hindi na sila namumunga. Kahit may mga anak sila, ilalagay ko ang kanilang minamahal na mga anak sa kamatayan.” 17 Itatakwil sila ng aking Diyos dahil hindi sila sumunod sa kaniya. Magiging mga palaboy sila sa mga bansa.
10:1 Ang Israel ay isang malagong puno ng ubas na namumunga. Habang dumarami ang kaniyang bunga, mas dumarami ang mga altar na kaniyang itinatayo. Habang namumunga ng marami ang kaniyang lupain, pinapabuti niya ang kaniyang mga banal na haligi. 2 Mapanlinlang ang kanilang puso; kinakailangan nila ngayong pasanin ang kanilang kasalanan. Bubuwagin ni Yahweh ang kanilang mga altar; at wawasakin niya ang kanilang mga banal na haligi. 3 Sapagkat sasabihin nila ngayon, “Wala kaming hari, sapagkat hindi kami natatakot kay Yahweh. At sa isang hari—ano ang magagawa niya para sa atin?” 4 Nagsalita sila ng mga salitang walang kabuluhan at gumagawa ng mga kasunduan sa pamamagitan ng pagsumpa ng hindi totoo. Kaya lumitaw ang katarungan tulad ng mga nakakalasong damo sa mga tudling ng isang bukid. 5 Matatakot ang mga naninirahan sa Samaria dahil sa mga guya ng Beth-aven. Ipinagluksa sila ng mga tao nito, gaya ng ginawa ng mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na nagalak sa kanila at sa kanilang kaluwalhatian, ngunit wala na sila roon. 6 Dadalhin sila tungo sa Asiria bilang isang kaloob para sa dakilang hari. Malalagay sa kahihiyan ang Efraim, at mapapahiya ang Israel dahil sa pagsunod sa mga payo ng mga diyus-diyosan. 7 Wawasakin ang hari ng Samaria, tulad ng isang maliit na piraso ng kahoy na nasa ibabaw ng tubig. 8 Ang mga dambana ng kasamaan—ang kasalanan ng Israel—ay mawawasak. Tutubo ang mga tinik at mga dawag sa kanilang mga altar. Sasabihin ng mga tao sa mga bundok, “Takpan ninyo kami!” at sa mga burol, “Bumagsak kayo sa amin!” 9 “Israel, nagkasala ka mula pa noong mga araw ng Gibea; nanatili ka roon. Hindi ba nalampasan ng digmaan ang mga gumagawa ng kasamaan sa Gibea? 10 Kung nanaisin ko ito, itutuwid ko sila. Magtitipun-tipon ang lahat ng mga bansa laban sa kanila at gagapusin sila dahil sa kanilang dalawahang kasamaan. 11 Naturuang isang dumalagang baka si Efraim na kinagigiliwang mag-giik ng butil, kaya maglalagay ako ng isang pamatok sa kaniyang magandang leeg. Lalagyan ko ng pamatok ang Efraim; mag-aararo ang Juda; si Jacob mismo ang hihila sa pangsuyod. 12 Magtanim ng katuwiran para sa inyong sarili, at anihin ang bunga ng matapat na kasunduan. Bungkalin ninyo ang hindi pa naaararong lupa, sapagkat panahon na upang hanapin si Yahweh, hanggang sa siya ay dumating at magpa-ulan ng katuwiran sa inyo. 13 Nag-araro kayo ng kasamaan; umani kayo ng kawalan ng katarungan. Kinain ninyo ang bunga ng pandaraya dahil nagtiwala kayo sa inyong mga plano at sa inyong maraming mga kawal. 14 Kaya isang ingay ng digmaan ang babangon sa gitna ng inyong mga tao, at ang lahat ng inyong matitibay na mga lungsod ay mawawasak. Magiging tulad ito sa pagwasak ni Salman sa Beth-arbel sa araw ng labanan, nang ang mga ina ay ginutay-gutay ng pira-piraso kasama ng kanilang mga anak. 15 Kaya mangyayari din ito sa inyo, Bethel, dahil sa napakalaki mong kasamaan. Tiyak na mamamatay ang hari ng Israel sa pagsapit ng bukang-liwayway.”
11:1 Minahal ko noong binata pa si Israel, at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto. 2 Lalo ko silang tinawag, lalo silang tumalikod palayo. Nag-alay sila sa mga Baal at nagsunog ng insenso sa mga diyus-diyosan. 3 Gayunpaman ako ang nagturo kay Efraim na lumakad. Ako ang nag-angat sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga bisig, ngunit hindi nila alam na iniingatan ko sila. 4 Pinangungunahan ko sila nang mga tali ng sangkatauhan, may mga tali ng pag-ibig. Katulad ako sa isang tao na nagpapagaan ng pamatok sa kanilang mga panga, at yumuko ako upang pakainin sila. 5 Hindi ba sila babalik sa lupain ng Egipto? Hindi ba mamumuno ang Asiria sa kanila dahil tumanggi silang bumalik sa akin? 6 Babagsak sa kanilang mga lungsod ang espada at wawasakin ang mga harang ng kanilang mga tarangkahan; sisirain sila nito dahil sa kanilang sariling mga plano. 7 Determinado ang aking mga tao na tumalikod palayo sa akin. Bagaman tumatawag sila sa akin, Ako na nasa itaas, walang sinumang tutulong sa kanila.
8 Paano ba kita isusuko, Efraim? Paano ba kita ibibigay, Israel? Paano ba kita gagawing katulad sa Adma? Paano ba kita gagawing katulad sa Zeboim? Nagbago ang saloobin ng aking puso; naghahalo ang lahat ng aking habag. 9 Hindi ko isakatuparan ang aking matinding galit; Hindi ko sisiraing muli ang Efraim. Sapagkat ako ay Diyos at hindi isang tao; Ako ang Banal sa kalagitnaan ninyo, at hindi ako darating sa matinding galit. 10 Lalakad silang sumusunod sa akin, Yahweh. Aatungal ako katulad ng isang leon. Sa katunayan aatungal ako, at manginginig na paparito ang mga tao mula sa kanluran. 11 Manginginig sila na paparito katulad sa isang ibon na mula sa Egipto, katulad ng isang kalapati mula sa lupain ng Asiria. Patitirahin ko sila sa kanilang mga bahay.” Ito ang pahayag ni Yahweh.
12 Pinalilibutan ako ni Efraim ng kasinungalingan, at panlilinlang ng sangbahayan ng Israel. Ngunit nananatiling sumusunod parin si Juda sa akin, na Diyos, at tapat sa akin, ang Banal.”