Ang Kaharian ng Israel
Nilulusob ni Salmaneser ang Kaharian ni Hosea
Nagpatuloy ang paghahari ni Hosea, hari ng Israel. Nilulusob ni Salmaneser ang mga lupain ni Hosea.
humigit-kumulang 725 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
3 Nilusob siya ni Salmaneser hari ng Asiria, at naging lingkod niya si Hosea at nagbigay sa kaniya ng buwis. 4 Pagkatapos nabatid ng hari ng Asiria na si Hoesa ay nagbabalak laban sa kaniya, dahil nagsugo ng mga mensahero si Hosea kay So hari ng Ehipto; gayundin, hindi siya nagbibigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng ginagawa niya taon-taon. Kaya ang hari ng Asiria ay iginapos at ikinulong siya.
Inihula ni Hosea ang Pagkabihag ng Sampung Lipi 725 B.C.
Inihula ni Hosea ang pagkabihag ng sampung lipi, at hinimok ang mga tao na magsisi.
1 Kapag nais kong pagalingin ang Israel, mabubunyag ang kasalanan ng Efraim, ganun din ang masamang mga gawa ng Samaria, sapagkat gumagawa sila ng panlilinlang, pumasok ang isang magnanakaw at isang pangkat ng mandarambong ang lumusob sa lansangan. 2 Hindi napagtanto ng kanilang mga puso na naalala ko ang lahat ng kanilang masasamang gawa. Ngayon, napalibutan sila ng kanilang masasamang gawa, sila ay nasa aking harapan. 3 Pinasaya nila ang hari sa kanilang kasamaan at ang mga opisyal sa kanilang mga kasinungalingan. 4 Mangangalunya silang lahat, tulad ng pinapainit na isang pugon ng panadero, na humihinto sa paggalaw sa apoy mula sa pagmamasa hanggang sa pag-alsa nito. 5 Sa araw ng ating hari, nilasing ng mga opisyal ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng init ng alak. Iniabot niya ang kaniyang kamay sa mga nangutya. 6 Sapagkat tulad ng isang pugon ang kanilang mga puso, binabalangkas nila ang mapanlinlang nilang mga balak. Magdamag na nagbabaga ang kanilang galit; nagliliyab ito na tulad ng apoy sa umaga. 7 Mainit silang lahat tulad ng isang pugon, at pinagpapatay nila ang mga namumuno sa kanila. Bumagsak ang lahat ng kanilang mga hari; wala kahit isa sa kanila ang tumawag sa akin. 8 Nakihalo ang Efraim sa mga tao, isang manipis na tinapay ang Efraim na hindi pa nabaliktad. 9 Inubos ng mga dayuhan ang kaniyang lakas, ngunit hindi niya ito nalalaman. Nagkalat ang kaniyang puting buhok, ngunit hindi niya ito nalalaman. 10 Ang pagmamataas ng Israel ay nagpatotoo laban sa kaniya; gayunpaman, hindi sila nagbalikloob kay Yahweh na kanilang Diyos, ni hinanap nila siya, sa kabila ng lahat ng ito. 11 Tulad ng isang kalapati ang Efraim, mapaniwalain at walang pang-unawa, tumatawag sa Egipto at lilipad patungong Asiria. 12 Kapag aalis sila, ilalatag ko sa kanila ang aking lambat, ibabagsak ko sila tulad ng mga ibon sa kalangitan. Parurusahan ko sila sa kanilang pagsasama-sama. 13 Kahabag-habag sila! Dahil kumawala sila mula sa akin. Darating sa kanila ang pagkawasak! Naghimagsik sila laban sa akin! Ililigtas ko sana sila, ngunit nagsalita sila ng kasinungalingan laban sa akin. 14 Hindi sila tumawag sa akin ng buong puso, ngunit humagulgol sila sa kanilang mga higaan. Sinusugatan nila ang kanilang mga sarili upang magkaroon ng trigo at bagong alak at lumayo sila mula sa akin. 15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas ang kanilang mga bisig, nagbabalak sila ngayon ng masama laban sa akin. 16 Bumalik sila, ngunit hindi sila bumalik sa akin, ang Kataas-taasan. Tulad sila ng isang sirang pana. Babagsak ang kanilang mga opisyal sa pamamagitan ng espada dahil sa kawalang-galang ng kanilang mga dila. Magiging dahilan ito ng pangungutya sa kanila sa lupain ng Egipto.
8:1 “Maglagay ng isang trumpeta sa inyong mga labi. Paparating ang isang agila sa aking tahanan, si Yahweh. Nangyayari ito dahil sinuway ng mga tao ang aking kasunduan at naghimagsik laban sa aking kautusan. 2 Tumawag sila sa akin, 'Aking Diyos, kami sa Israel ay kilala ka.' 3 Ngunit tinatalikuran ng Israel kung ano ang mabuti, at tutugisin siya ng kaniyang kaaway. 4 Nagtalaga sila ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko, gumawa sila ng mga prinsipe, ngunit hindi ko nalalaman. Sa pamamagitan ng kanilang mga pilak at ginto gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang mga sarili, ngunit ito ay nangyari upang sila ay mapapahamak.” 5 Sinabi ng propeta, “itinapon niya ang inyong guya, Samaria.” sinabi ni Yahweh, “Nagliliyab ang aking galit laban sa mga taong ito. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? 6 Sapagkat nagmula ang diyus-diyosang ito sa Israel; ginawa ito ng manggagawa; hindi ito Diyos! Dudurugin ng pira-piraso ang guya ng Samaria. 7 Sapagkat itinanim ng mga tao ang hangin at umani ng ipu-ipo. Ang nakatayong trigo ay walang mga uhay; hindi ito makapagbibigay ng harina. Kung mahihinog man ito, uubusin ito ng mga dayuhan. 8 Nilunok ang Israel, ngayon nagsinungaling sila sa mga bansa tulad ng walang pakinabang. 9 Sapagkat pumunta sila sa Asiria tulad ng mailap na asno na nag-iisa. Umupa ang Efraim ng mangingibig para sa kaniyang sarili. 10 Kahit na umupa sila ng mangingibig sa mga bansa, muli ko silang titipunin. Sisimulan ko silang itatapon dahil sa pang-aapi ng hari at mga prinsipe. 11 Sapagkat nagparami ng mga altar ang Efraim na alayan para sa kasalanan, subalit naging mga altar ang mga ito para makagawa ng mga kasalanan. 12 Maaari kong isulat ng sampung libong beses ang aking kautusan para sa kanila, ngunit titingnan lang nila ito tulad ng isang bagay na kakaiba sa kanila. 13 Patungkol sa mga alay na mga handog sa akin, nag-alay sila ng karne at kinain ito, ngunit ako, si Yahweh, ay hindi tinatanggap ang mga ito. Ngayon alalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurushan ang kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ako ng Israel, ang kaniyang manlilikha at nagpatayo ng mga palasyo. Pinatibay ni Juda ang maraming mga lungsod, ngunit magpapadala ako ng apoy sa kaniyang mga lungsod at sisirain nito ang kaniyang mga kuta.