Inihula ni Hosea ang Pagkabihag ng Sampung Lipi (continued)

Inihula ni Hosea ang pagkabihag ng sampung lipi, at hinimok ang mga tao na magsisi.

725 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Hosea 12–14

1 Pinapakain si Efraim sa hangin at sumusunod sa hanging silangan. Patuloy siyang nagpaparami ng mga kasinungalingan at karahasan. Gumawa sila ng kasunduan kasama ang Asiria at nagdala ng langis ng Olibo sa Egipto. 2 May paratang din si Yahweh laban kay Juda at parurusahan si Jacob sa kaniyang nagawa; magbabayad siya sa kaniyang mga ginawa. 3 Hinawakan ni Jacob sa sinapupunan ng mahigpit ang sakong ng kaniyang kapatid, at sa kaniyang paglaki nakipagbuno siya sa Diyos. 4 Nakipagbuno siya sa Anghel at nanalo. Umiyak siya at humingi ng awa. Nakatagpo niya ang Diyos sa Bethel; at doon nakipag-usap sa kaniya ang Diyos. 5 Si Yahweh ito, ang Diyos ng mga hukbo; “Yahweh” ang kaniyang pangalan na tatawagan. 6 Kaya magbalik-loob ka sa inyong Diyos. Panghawakan ang matapat na kasunduan at katarungan, at patuloy na maghintay sa inyong Diyos. 7 Hindi tama ang timbangan ng mga mangangalakal sa kanilang mga kamay; kinagigiliwan nila ang mandaya. 8 Sinasabi ni Efraim, “Talagang naging napaka-yaman ko; nakahanap ako ng kayamanan para sa aking sarili. Wala silang makitang anumang kasamaan sa akin sa lahat ng aking ginagawa, anumang bagay na kasalanan.” 9 Ako si Yahweh na inyong Diyos, na kasama ninyo mula pa sa lupain ng Egipto. Patitirahin ko kayong muli sa mga tolda, katulad nang itinakdang mga araw ng pista. 10 Kinausap ko narin ang mga propeta, at binigyan ko sila ng maraming mga pangitain para sa inyo. Binigyan ko kayo ng mga talinghaga sa pamamagitan ng mga propeta.” 11 Kung mayroong kasamaan sa Galaad, tiyak na walang kabuluhan ang mga tao. Nag-aalay sila sa Gilgal ng mga toro; Magiging tulad sa mga tambak na bato na dinaanan ng araro sa mga bukid ang kanilang mga altar. 12 Tumakas si Jacob sa lupain ng Aram; nagtrabaho si Israel upang magkaroon ng asawa; at nangangalaga ng mga kawan ng mga tupa upang magkaroon ng isang asawa. 13 Inilabas ni Yahweh ang Israel mula sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta, at iningatan niya sila sa pamamagitang ng isang propeta. 14 Labis na ginalit ni Efraim si Yahweh. Kaya iiwanan ng kaniyang Panginoon ang kasalanan ng kaniyang dugo sa kaniya at pagbayarin siya sa kaniyang kahiya-hiyang mga gawa.

13:1 “Nang nagsalita si Efraim ay mayroong panginginig. Itinaas niya ang kaniyang sarili sa Israel, ngunit siya ay nagkasala dahil sa pagsamba kay Baal, at namatay siya. 2 Ngayon sila ay mas lalong nagkakasala. Gumagawa sila ng mga larawang hinulma mula sa kanilang pilak, mga diyus-dyosan na hanggat maaari ay ginawa ng mahusay, lahat ng mga ito ay gawa ng mga mahuhusay na manggagawa. Sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila, 'Ang mga kalalakihang ito na nag-aalay ay humalik sa mga guya.' 3 Kaya sila ay magiging tulad ng ulap sa umaga, tulad ng hamog na nawawala ng maaga, tulad ng ipa na tinatangay ng hangin palayo mula sa giikan, at tulad ng usok na lumalabas mula sa isang pausukan. 4 Ngunit ako si Yahweh na inyong Diyos, na nagpalabas sa inyo mula sa lupain ng Egipto. Wala kang dapat kilalaning Diyos kundi ako; dapat ninyong kilalanin na liban sa akin, wala nang ibang tagapagligtas. 5 Nakilala kita sa ilang, sa lupain ng may malaking katuyuan. 6 Nang kayo ay nagkaroon ng pastulan, saka kayo nabusog; nang kayo ay nabusog, ang inyong puso ay naging mapagmalaki; dahil doon kinalimutan ninyo ako. 7 Naging tulad ako ng isang leon sa kanila; tulad ng isang leopardo, ako ay magbabantay sa tabi ng daan. 8 Sasalakayin ko sila tulad ng isang oso na ninakawan ng kaniyang mga anak. lalaslasin ko ang kanilang mga dibdib, at doon ay lalapain ko sila tulad ng isang leon— tulad ng isang mabangis na hayop na pipilasin sila ng pira-piraso.

9 Ito ang iyong kapahamakan na darating, Israel, dahil ikaw ay laban sa akin, na tumutulong sa iyo. 10 Nasaan ngayon ang iyong hari, upang mailigtas ka sa lahat ng iyong mga lungsod? Nasaan ang iyong mga pinuno, na sinabi mo sa akin, 'Bigyan mo ako ng hari at mga prinsipe'? 11 Sa aking galit, binigyan kita ng hari, at sa aking poot, tinanggal ko siya. 12 Ang kasamaan ni Efraim ay nakatago; ang kaniyang pagkakasala ay nakatago. 13 Darating sa kaniya ang mga sakit ng panganganak, ngunit siya ay isang hindi matalinong anak, sapagkat sa panahon na isisilang, hindi siya lumabas mula sa sinapupunan. 14 Ililigtas ko ba talaga sila mula sa kapangyarihan ng sheol? Ililigtas ko ba talaga sila mula sa Kamatayan? Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Dalhin mo sila rito. Sheol, nasaan ang iyong pagwawasak? Dalhin mo ito dito. Nakatago mula sa aking mga mata ang kahabagan.”

15 Kahit na masagana si Efraim sa kaniyang mga kapatid, darating ang isang hanging silangan; iihip ang hangin ni Yahweh mula sa ilang. Matutuyo ang bukal ni Efraim, at mawawalan ng tubig ang kaniyang balon. Sasamsamin ng kaniyang mga kaaway ang bawat mamahaling bagay sa kaniyang kamalig. 16 Nagkasala ang Samaria, sapagkat siya ay naghimagsik laban sa kaniyang Diyos. Mamamatay sila sa pamamagitan ng espada; ang kanilang mga sanggol ay gugutayin ng pira-piraso at lalaslasin ang tiyan ng kanilang mga nagdadalang tao.

14:1 Manumbalik ka Israel, kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat ikaw ay bumagsak dahil sa iyong kasamaan. 2 Magpahayag kayo ng mga salita ng pagsisisi at manumbalik kay Yahweh. Sabihin ninyo sa kaniya, “Tanggalin mo ang lahat ng aming mga kasamaan at tanggapin mo kami sa pamamagitan ng iyong habag, upang makapaghandog kami sa iyo ng aming papuri, ang bunga ng aming mga labi. 3 Hindi kami ililigtas ng Asiria; hindi kami sasakay sa mga kabayo sa digmaan. Ni magsasabi ng anupaman sa gawa ng aming mga kamay, 'Kayo ang aming mga diyos,' sapagkat sa iyo nakatagpo ng habag ang mga taong ulila.”

4 Pagagalingin ko sila kapag manumbalik sila sa akin pagkatapos nila akong iwan; Malaya ko silang mamahalin, sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. 5 Magiging tulad ako ng hamog sa Israel; mamumulaklak siya tulad ng liryo at magkaka-ugat na tulad sa isang sedar sa Lebanon. 6 Lumatag ang kaniyang mga sanga; magiging tulad sa mga puno ng olibo ang kaniyang kagandahan, at ang kaniyang halimuyak na tulad ng mga sedar sa Lebanon. 7 Babalik ang mga taong naninirahan sa kaniyang lilim; sila ay muling mabubuhay tulad ng butil at mamumulaklak tulad ng mga puno ng mga ubas. Tulad ng alak ng Lebanon ang kaniyang katanyagan. 8 Sasabihin ni Efraim, 'Ano pa ang aking gagawin sa mga diyus-diyosan? Tutugon ako sa kaniya at pangangalagaan ko siya. Tulad ako ng isang sipres na ang mga dahon ay laging luntian; nanggagaling sa akin ang iyong bunga. 9 Sino ang matalino upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Sino ang nakakaunawa sa mga bagay na ito upang kaniyang makilala ang mga ito? Sapagkat ang mga daan ni Yahweh ay matuwid, at ang matuwid ay lalakad sa mga ito, ngunit ang mga sumusuway ay madadapa sa mga ito.