Sinisira ng Pagkakabaha-bahagi Dahil sa mga Ministro ang Espirituwalidad
Ipinapakita ni Pablo na ang mga pagkakabaha-bahagi sa isang iglesia, na nagmumula sa mga opinyon ng mga tao tungkol sa magkakaibang kaloob ng kanilang mga ministro, ay sumisira sa espirituwalidad.
A.D. 57
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 At ako, mga kapatid, hindi ko kayo nakakausap na tulad ng mga taong espiritual, sa halip bilang mga taong makalaman, bilang mga sanggol kay Cristo. 2 Pinaiinom ko kayo ng gatas at hindi ko kayo pinapakain ng karne, sapagkat hindi pa kayo handa sa karne. At hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo handa. 3 Sapagkat nananatili kayong makalaman. Dahil kung may paninibugho at pagtatalo na umiiral pa sa inyo, hindi ba namumuhay pa kayo sa laman at hindi ba kayo lumalakad sa pamantayan ng tao? 4 Sapagkat kapag may isang nagsabi, “Ako ay sumusunod kay Pablo,” at sinasabi naman ng isa, “Ako ay sumusunod kay Apolos,” hindi ba namumuhay pa kayo bilang isang tao?
5 Sino ba si Apolos? At sino ba si Pablo? Mga lingkod na dahil sa kanila kayo ay sumampalataya, na bawat isa sa kanila ay nabigyan ng Panginoon ng mga tungkulin. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kung magkagayon, hindi mahalaga kung sino ang nagtatanim, ni ang nagdidlilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpapalago. 8 Ngayon ang nagtatanim at nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kaniyang sahod ayon sa kaniyang sariling trabaho. 9 Sapagkat kami ay kapwa mga manggagawa ng Diyos. Kayo ang hardin ng Diyos, gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos bilang isang mahusay na punong tagapagtayo, ako ang naglagay ng pundasyon at may ibang nagtatayo sa ibabaw nito. Subalit mag-ingat ang bawat tao kung paano siya magtatayo sa ibabaw nito.
Si Cristo ang Tanging Pundasyon
Si Jesus Cristo ang tanging pundasyon ng Kristiyanismo. Ang mga nagtatayo sa pundasyong ito ay binabalaan na mag-ingat, sapagkat kailangan nilang dumaan sa isang mahigpit na pagsubok. Makikita ng gurong nagpasok ng mga maling doktrina na tumatalikod sa pananampalataya ang kaniyang mga nahikayat sa panahon ng pag-uusig, gaya ng kahoy, dayami, at pinaggapasan sa apoy, at siya mismo ay makaliligtas nang may kahirapan. Sa kabilang dako, makikita ng mga nagtayo ng wasto at mabuting doktrina sa pundasyong ito na ang kanilang mga nahikayat ay makalalampas sa pagsubok ng apoy, gaya ng pilak at ginto, at ang guro mismo ay tatanggap ng gantimpala para sa kaniyang mga pagpapagal.
11 Sapagkat walang sinuman ang makapaglalagay ng ibang pundasyon maliban sa isa na naitayo na, na si Jesu-Cristo.
12 Ngayon kung sinumang nagtatayo sa ibabaw ng pundasyon sa ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 ang kaniyang gawa ay maihahayag, dahil ang liwanag ng araw ang magsisiwalat nito. Sapagkat ito ay ihahayag ng apoy. Ang apoy ang susubok sa uri at halaga ng anumang gawa ng bawat isa. 14 Kung mananatili ang anumang bagay na tinayo ng tao, siya ay tatanggap ng gantimpala. 15 Nguni't kung masunog ang ginawa ng sinuman, siya ay mawawalan. Nguni't siya mismo ay ligtas, na gaya ng naligtas mula sa mga apoy.
Ang Karunungan ng Sanlibutang Ito ay Kamangmangan
Ipinapahayag ni Pablo na ang gurong sadyang nagpapasok ng maling doktrina sa iglesia ay pupuksain, gaano man siya katagumpay. Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Kaya hindi nila dapat ipagmalaki ang kanilang mga guro o ang ipinagmamalaking pilosopiya ng mga ito, na lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi sa iglesia. Ang tunay na kaluwalhatian ng isang Kristiyano ay na kay Cristo, na pag-aari ng Diyos, at sa pamamagitan lamang niya natin tinatanggap ang mga pangako ng kaligtasan, na hindi maibibigay ng mga mangangaral ng ebanghelyo.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinuman ang wawasak sa templo ng Diyos, sisirain din ng Diyos ang taong iyon. Sapagkat ang templo ng Diyos ay banal at maging kayo.
18 Huwag ninyong dayain ang inyong mga sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa panahong ito, hayaan siyang maging “mangmang” upang magtamo siya ng karunungan. 19 Sapagkat ang karunungan sa mundong ito ay kamangmangan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marunong sa kaniyang katusuhan”. 20 At gayun din, “Alam ng Panginoon na ang mga pangangatuwiran ng marunong ay walang saysay.”
21 Kaya wala ng magyayabang sa mga tao! Sapagkat lahat ng mga bagay ay sa inyo, 22 kahit na si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o mga bagay sa kasalukuyan, o mga bagay na darating. Lahat ng mga bagay ay sa inyo, 23 at kayo ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Diyos Lamang ang Humahatol sa Kaniyang mga Lingkod
Ang mga apostol, bilang mga lingkod ni Cristo, ay inaatasang ibahagi ang mga hiwaga ng ebanghelyo kapag handa nang tanggapin ang mga ito ng mga tao. Bilang tugon sa pamimintas ng mga huwad na guro dahil hindi niya itinuro sa mga taga-Corinto ang mas malalalim na doktrina ng Kristiyanismo, ipinapahayag ni Pablo na hindi gaanong mahalaga ang mahatulang may sala ng mga tao, sapagkat ang Diyos lamang ang makahahatol nang tama, at siya lamang ang nakaaalam ng mga lihim ng puso. Kaya hinihimok niya silang huwag hatulan ang kanilang mga espirituwal na guro.
1 Ganito dapat ang ipalagay ng tao sa amin, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga lihim na katotohanan ng Diyos. 2 Sa kaugnayan nito, kinakailangang mapagkakatiwalaan ang mga katiwala.
3 Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit lamang na bagay para mahatulan ninyo ako o nang anumang hukuman ng tao. Sapagkat hindi ko nga hinahatulan ang aking sarili. 4 Wala akong nalalaman na anumang sakdal laban sa akin ngunit hindi nangangahulugang ako ay walang sala. Ang Panginoon ang siyang hahatol sa akin.
5 Kaya, huwag kayong humatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga lihim na bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At makatatanggap ang bawat isa ng kaniyang papuri mula sa Diyos.
Hinahamak ang mga Apostol, Pinararangalan ang mga Huwad na Guro
Ipinapahayag ni Pablo na ginamit niya ang kaniyang sariling pangalan at ang pangalan ni Apolos upang matutuhan nilang huwag labis na pahalagahan ang kani-kanilang mga pinuno, nang hindi sila maging palalo at mapuno ng galit at paghamak sa isa't isa. Sina Pablo at Apolos ay mga lingkod lamang ni Cristo, na sa pamamagitan ng kanilang ministeryo ay sumampalataya ang mga Kristiyano. Tinanggihan nila ang lahat ng titulo at pagtatangi sa kanilang kalagitnaan, upang sa kanilang halimbawa ay matutuhan ng mga taga-Corinto na huwag pahalagahan ang kanilang mga guro nang higit sa kaniyang isinulat. Pagkatapos ay ibinaling ni Pablo ang usapan sa mga huwad na guro. Tinatawag na mangmang at hangal ang mga apostol dahil ipinangangaral nila ang unang aral ng pananampalatayang Kristiyano, samantalang ang mga huwad na guro, dahil sa kanilang mga haka-haka at tradisyon, ay itinuturing na marurunong na tao at mga pilosopo. Hinahamak ang mga apostol; pinararangalan ang mga huwad na guro. Nahaharap ang mga apostol sa lahat ng uri ng panganib, samantalang tinatamasa ng mga huwad na guro ang kayamanan at lahat ng kaginhawahan.
6 Ngayon, mga kapatid, ginawa ko ang mga prinsipyong ito sa aking sarili at ni Apolos para sa inyong kapakanan upang mula sa amin ay inyong matutunan ang kahulugan ng kasabihan na, “Huwag ninyong hihigitan kung ano ang nasusulat.” Ito ay upang wala sa inyo ang maging mayabang sa pagtatangi ng isa laban sa iba. 7 Sapagkat sino ang nakakakita ng pagkakaiba ninyo sa iba? Anong mayroon kayo na hindi ninyo tinanggap ng walang bayad? Kung natanggap ninyo ito ng walang bayad, bakit kayo nagyayabang na parang hindi ninyo nagawa?
8 Nasa inyo na lahat ng maaari ninyong gustuhin! Naging mayaman na kayo! Nagsimula na kayong maghari- at nang bukod sa amin! Tunay nga, nais kong maghari kayo upang makapaghari kami na kasama ninyo. 9 Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao.
10 Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11 Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12 Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13 Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay.
Binabalaan Sila ni Pablo Bilang Kanilang Ama
Ipinapahayag ni Pablo na hindi niya isinusulat ang mga bagay na ito upang hiyain sila kundi upang turuan sila at babalaan laban sa mga huwad na guro, na hindi magiging katulad niya sa kanila bilang kanilang espirituwal na ama. Kaya hinihimok niya silang tularan siya, at ipinadadala niya si Timoteo sa kanila upang ipaalala ang kaniyang pagtuturo.
14 Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako. 17 Ito ang dahilan kung bakit ko pinapunta sa inyo si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Siya ang magpapaalala sa inyo ng aking mga kaparaanan kay Cristo, gaya ng pagtuturo ko sa kanila sa lahat ng dako at sa bawat iglesya.
Darating si Pablo, Upang Magparusa o Magpakita ng Pag-ibig
Ipinahayag ng huwad na guro na natatakot si Pablo na humarap sa gayong matatalino at mahuhusay magsalitang kalaban. Ipinapahayag ni Pablo na balak niyang dalawin sila sa lalong madaling panahon, at sa pagdating niya ay susuriin niya hindi ang pananalita kundi ang mga kapangyarihang higit sa likas ng kaniyang mga kalaban, sapagkat ang ebanghelyo ay pinagtitibay hindi ng ipinagmamalaking karunungan ng mga mangangaral nito kundi ng mga kapangyarihang gumawa ng himala na ibinigay sa kanila upang patunayan ito. Pagkatapos ay tinatanong niya sila kung dapat niyang gamitin laban sa kanila ang sarili niyang mga kapangyarihang higit sa likas upang parusahan sila, o lumapit sa kanila na may diwa ng kapayapaan at pag-ibig dahil itinuwid na nila ang kanilang mga pagkakamali.
18 Ngayon, ang iba sa inyo ay lubhang mayabang, kumikilos na parang hindi ako darating sa inyo. 19 Ngunit malapit na akong pumunta sa inyo, kung kalooban ng Panginoon. At hindi ko lamang malalaman ang salita ng mga mayayabang na ito, ngunit makikita ko ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi naglalaman ng usapin kundi ng kapangyarihan. 21 Ano ba ang gusto ninyo? Kailangan ko bang pumunta sa inyo na may pamalo o nang may pag-ibig at sa espiritu ng kahinahunan?