Paalisin ang Lalaking Nakikiapid sa Sariling Kapamilya

Ipinag-uutos ni Pablo na hayagang itiwalag sa iglesia ang lalaking nakikiapid sa sariling kapamilya. Kinokondena niya ang kanilang pagmamapuri sa kaalaman ng kanilang huwad na guro, na nagparaya sa karumal-dumal na gawaing ito, at ipinapakita niya kung paano nakahahawa ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahambing dito sa pampaalsa. Ipinagbabawal sa kanila na makisalamuha sa mga Kristiyanong hayagang namumuhay nang lapastangan, na dapat isailalim sa pagsaway ng iglesia. Ngunit ang masasamang pagano, na nasa labas ng iglesia, ay dapat ipaubaya sa paghatol ng Diyos.

A.D. 57

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Corinto 5

1 Narinig namin ang ulat na may nangyayaring sekswal na imoralidad sa inyo, ang uri ng imoralidad na hindi nga pinahihintulutan kahit sa mga Gentil. Ang ulat ay ganito, may isa sa inyo na nakikipagtalik sa asawa ng kaniyang ama. 2 At masyado kayong mayabang. Sa halip, hindi ba dapat na magluksa kayo? Dapat maalis sa inyo ang gumawa nito.

3 Sapagkat, kahit na wala ako sa katawan ngunit kasama pa rin ninyo ako sa espiritu, at hinatulan ko na ang siyang gumawa nito, na parang nariyan ako. 4 Kung magtitipun-tipon kayo sa ngalan ng ating Panginoong Jesus, at nariyan din ang aking espiritu sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, hinatulan ko na ang taong iyan. 5 Ginawa ko ito upang maipasakamay ang taong ito kay Satanas para sa pagkawasak ng laman, upang maaaring maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoon.

6 Hindi mabuti ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na mapapaalsa ang buong tinapay sa kaunting lebadura? 7 Linisin ninyo ang inyong sarili sa lumang lebadura upang kayo ay maging bagong masa, at upang kayo ay maging tinapay na walang lebadura. Sapagkat si Cristo, na ating kordero ng Paskua, ay inihandog na. 8 Kaya atin nang ipagdiwang ang pista, hindi sa lumang lebadura, na siyang lebadura ng masamang pag-uugali at kasamaan. Kundi, ipagdiwang natin ang tinapay na walang lebadura ng katapatan at katotohanan.

9 Sumulat ako sa inyo sa aking liham upang kayo ay huwag makisama sa mga taong mahahalay. 10 Hindi ko ibig sabihin na sa mga imoral na tao sa mundong ito, o sa mga sakim, o sa mga mandaraya, o sa mga taong sumasamba sa diyus-diyosan, sapagkat sa paglayo mula sa kanila ay kakailanganin ninyong umalis sa mundo. 11 Ngunit ngayon sumusulat ako sa inyo upang huwag kayong makisama sa sinumang tinawag na kapatid kay Cristo ngunit siya ay namumuhay sa sekswal na imoralidad, o sakim, o sumasamba sa mga diyus-diyosan, o mapang-abuso sa pananalita, o lasinggero, o mandaraya. Ni makikisalo sa pagkain sa ganiyang tao.

12 Sapagkat paanong ako ay nasasangkot sa paghahatol sa mga tao sa labas ng iglesiya? Sa halip, hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesiya? 13 Ngunit ang Diyos ang siyang hahatol sa mga nasa labas. “Alisin ang masamang tao mula sa inyo.”

Mga Demanda sa mga Hukumang Pagano

Sinasaway ang mga Kristiyano dahil dinadala nila ang kanilang mga alitan sa mga hukumang pagano, na lumalapastangan sa kanilang pagpapahayag ng pananampalatayang Kristiyano, sa halip na idulog ang mga ito sa kanilang mga gurong kinasihan ng Diyos, na nagbigay ng mga batas para sa pamamahala sa kasalukuyang sanlibutan. Sinasaway rin sila dahil sinusubukan nilang gawan ng masama at dayain ang kanilang mga kapatid na Kristiyano.

1 Corinto 6:1–8

1 Kung mayroong alitan ang isa sa inyo sa iba, maglalakas-loob ba siya na pupunta sa korteng pambayan sa harapan ng hindi mananampalatayang hukom, sa halip na sa harapan ng mga mananampalataya? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga mananampalataya ang hahatol sa mundo? At kung hahatulan ninyo ang mundo, wala ba kayong kakayahan na ayusin ang mga hindi mahahalagang bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na hatulan natin ang mga bagay ng buhay na ito?

4 Kung gayun nga na kailangan ninyong gumawa ng mga hatol ukol sa pang-araw araw na buhay, bakit ninyo idinudulog ang mga ganitong kaso sa harapan ng mga walang katayuan sa iglesiya? 5 Sinasabi ko ito upang kayo ay hiyain. Wala bang kahit isa sa inyo ang may sapat na karunungan upang ayusin ang mga alitan sa pagitan ng mga kapatid? 6 Ngunit ang nagyayari ay, ang isang mananampalataya ay pumupunta sa korte laban sa isa pang mananampalataya, at ang kasong iyon ay nakalagay sa harapan ng isang hukom na hindi mananampalataya!

7 Ang katunayan na may mga anumang alitan sa pagitan ng mga Kristiyano ay pagkatalo na para sa inyo. Bakit hindi nalang pagdusahan ang mali? Bakit hindi nalang hayaan na kayo ay dayain? 8 Ngunit ginawan ninyo ng mali at dinaya ang iba, at sila ay inyong mga sariling kapatid!

Pinabubulaanan ni Pablo ang Pagtatanggol sa Imoralidad

Dito ay pinabubulaanan ni Pablo ang mga pangangatwiran ng huwad na guro, na tila sumang-ayon sa karangyaan at seksuwal na imoralidad, at ipinapahayag niyang walang taong marumi ang maaaring magmana ng mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang labis na pagpapakasasa sa mga bagay na likas namang pinahihintulutan ay kasalanan para sa mga Kristiyano, na pag-aari ng Diyos kapwa dahil sa paglikha at sa pagtubos.

1 Corinto 6:9–20

9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

12 “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito. 13 “Para sa tiyan ang pagkain, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit kapwa wawasakin ng Diyos ang mga ito. Hindi ginawa ang katawan para sa gawaing mahahalay. Sa halip, ang katawan ay para sa Diyos, at ang Panginoon ang magkakaloob para sa katawan. 14 Binuhay ng Diyos ang Panginoon at siya din ang bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang kunin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga nagbebenta ng aliw? Hindi ito maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa mga nagbebenta ng aliw ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kaniya sa espiritu.

18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

Mga Tuntunin para sa mga May Asawa at Walang Asawa

Nagpatuloy si Pablo sa pagsagot sa mga tanong ng mga taga-Corinto. Nagbibigay siya ng mga tuntunin sa pag-uugali para sa mga may asawa at walang asawa, ayon sa kanilang magkakaibang likas na disposisyon at sa kasalukuyang kalagayan ng iglesia sa panahon ng pag-uusig.

1 Corinto 7:1–17

1 Ngayon tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: May mga panahon na nakakabuti sa isang lalaki na huwag sumiping sa babae. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki.

3 Dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang pang mag-asawang karapatan at ganoon din ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.

5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi. 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito bilang pagsusumamo at hindi bilang isang utos. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay katulad ko. Kaya lang may kaloob ang bawat isa na galing sa Diyos. Ang isa ay may ganitong uri ng kaloob at ang iba ay may ibang kaloob.

8 Sa mga hindi pa nag-aasawa at sa mga babaeng balo sinasabi ko na mas mabuti pa sa kanila na manatiling walang asawa, katulad ko. 9 Ngunit kung hindi na nila kayang pigilan ang kanilang mga sarili, sila ay dapat ng mag- asawa. Dahil mas mabuti na sila ay mag-asawa kaysa mag-alab sa pita ng damdamin.

10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito—hindi ako, kundi ang Panginoon: “Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”. 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At “ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa.”

12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko—ako, at hindi ang Panginoon—na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na.

15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa. 16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa?

17 Hayaan na lamang na ang bawat isa ay mamuhay sa buhay na itinalaga ng Panginoon sa kanila, gaya ng pagkatawag ng Diyos sa bawat isa. Ito ang aking panuntunan sa lahat ng iglesia.