Sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto

Isinulat ni Pablo ang kanyang unang liham sa mga taga-Corinto upang igiit ang kanyang awtoridad bilang apostol, upang sawayin ang mga maling gawain at kaguluhan sa iglesya, at upang sagutin ang mga tanong ng mga nahikayat sa pananampalataya tungkol sa iba't ibang usapin ng doktrina at disiplina.

A.D. 57

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Binati ni Pablo ang mga taga-Corinto

Ang pambungad ni Pablo, kung saan iginiit niya ang kanyang pagiging apostol at ang pagkakaisa ng mga nananampalataya kay Cristo Jesus.

1 Corinto 1:1–3

1 Mula kay Pablo, na tinawag upang maging isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na ating kapatid, 2 sa iglesia ng Diyos sa Corinto, na mga naihandog kay Cristo Jesus, silang tinawag na maging mga taong banal. Sumusulat din kami sa lahat nang dako sa mga tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang kanilang Panginoon at sa atin.

3 Nawa ay sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nagalak si Pablo sa Kanilang Pagbabalik-loob at mga Kaloob

Nagalak si Pablo sa kanilang pagbabalik-loob at sa mga espirituwal na kaloob na kanilang natanggap bilang patotoo sa katotohanan ni Cristo.

1 Corinto 1:4–9

4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay ng Panginoong Cristo Jesus sa inyo. 5 Ginawa niya kayong mayaman sa lahat ng paraan, sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ginawa niya kayong mayaman, gaya ng patotoo tungkol kay Cristo na napatunayang totoo nga sa inyo.

7 Samakatuwid kayo nga ay hindi nagkukulang sa kaloob ng Espiritu, habang sabik kayong naghihintay sa kapahayagan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo din ay kaniyang palalakasin hanggang sa huli, upang kayo ay walang bahid sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Tapat ang Diyos na siyang tumawag sa inyo sa pakikipagtipon sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Hinimok ni Pablo ang Pagkakaisa, Hindi ang Pagpapangkat-pangkat

Hinimok sila ni Pablo na magkaisa sa pangalan ni Jesus Cristo, na sa kanya ay walang pagkakabaha-bahagi, sa halip na sundin ang mga pinunong sa kani-kanilang pangalan ay sumapi sila.

1 Corinto 1:10–17

10 Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkakasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Pinapakiusap ko sa inyo na kayo ay magkaisa sa kaisipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na may namumuong mga alitan sa inyo. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”

13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

Higit ang Krus sa Karunungan ng Tao

Iginiit ni Pablo na isinugo siya upang ipangaral ang ebanghelyo nang hindi gumagamit ng pananalitang nagpapamalas ng karunungan at kahusayan, upang hindi maisantabi ang kapangyarihan ng Diyos. Ipinahayag niya na ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay hindi matutuklasan sa pamamagitan ng karunungan o pag-aaral ng tao. Bagaman ang pangangaral ng krus ay tila kahangalan sa mga hindi nananampalataya, higit ito sa karunungan ng mga tao, at ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan kapwa ng Judio at Griego na nagbalik-loob. Pinili ng Diyos ang mga taong pinakahinahamak upang ipahiya ang mga pilosopong may mataas na pinag-aralan at ang mga dakilang tao ng mga Judio, na sumasalungat sa karunungan ng ebanghelyo. Sa paghahambing ay ipinakita niya kung gaano kababa ang lahat ng nagawa ng tao, upang walang sinumang magmalaki maliban sa Panginoon.

1 Corinto 1:18–31

18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong. Bibiguin ko ang pang-unawa ng mga matatalino.”

20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya.

22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.

25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.

26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya.

30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, “Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,”

Nangaral si Pablo Nang Walang Husay sa Pananalita ng Tao

Ipinahayag ni Pablo na nang ipangaral niya sa kanila ang ebanghelyo, hindi niya ito pinalamutian ng karunungan o husay sa pananalita ng tao, di-tulad ng kanilang mga huwad na guro. Ang kanyang mga pangangatwiran ay hinango sa patotoo ng banal na paghahayag, na pinagtibay ng kapangyarihan ng mga himala. Kaya hindi dapat nakasalig ang kanilang pananampalataya sa karunungan o pilosopiya ng mga tao.

1 Corinto 2:1–5

1 Nang pumunta ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan na may kahusayan ng pananalita o karunungan nang aking ipinahayag ang mga lihim na katotohanan tungkol sa Diyos. 2 Sapagkat nagpasya akong walang kilalanin nang ako ay nasa inyo maliban kay Jesu-Cristo na siyang ipinako sa krus. 3 At nakasama ninyo ako sa kahinaan, at pagkatakot, at sa matinding panginginig. 4 At ang aking mensahe at pagpapahayag ay hindi sa mapang-akit na pananalita ng karunungan. Sa halip, kasama ng mga ito ang pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang Nakatagong Karunungan ng Diyos ay Inihayag ng Espiritu

Sumunod na ipinakita ni Pablo na, bagaman hindi siya gumagamit ng makamundong karunungan, walang dahilan ang mga taga-Corinto na ipagmalaki ang kanilang mga huwad na guro. Sapagkat sinasabi niya ang nakatagong hiwaga ng Diyos na inihayag sa kanya ng Espiritu, na hindi maaabot ng anumang pagsisikap o pag-aaral ng tao. Sa pamamagitan ng pangangaral ng Banal na Espiritu ay ipinahayag niya sa kanila ang malalalim na bagay ng Diyos, na maihahayag lamang ng Espiritu ng Diyos. Ni hindi ito matatanggap ng taong likas at hindi espirituwal, na walang ibang tulong kundi ang kanyang mga kakayahang pantao.

1 Corinto 2:6–16

6 Ngayon nagsasalita kami ng karunungan sa mga ganap, ngunit hindi ang karunungan ng mundong ito, o ng mga namumuno sa kapanahunang ito, na lumilipas. 7 Sa halip nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa lihim na katotohanan, ang lihim na karunungang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga panahon para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala sa mga namumuno sa panahong ito ang nakakaalam ng ganitong karunungan, sapagkat kung naunawaan lang sana nila ito sa panahong iyon, hindi na sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”

10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakakaalam sa iniisip ng tao, maliban ang espiritung nasa kaniya? Ganoon din, walang nakakaalam sa mga lihim ng Diyos maliban ang Espiritu ng Diyos. 12 Ngunit hindi natin tinanggap ang espiritu ng mundo, kundi ang Espiritu na siyang nagmula sa Diyos, upang maaari nating malaman ang mga bagay na kusang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 Sinasabi namin ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng salita na hindi kayang ituro sa pamamagitan ng karunungan ng tao, ngunit itinuro ng Espiritu sa amin. Ipinapaliwanag ng Espiritu ang mga espiritwal na mga salita sa espiritwal na karunungan.

14 Hindi makakatanggap ng mga bagay na nabibilang sa Espiritu ng Diyos ang hindi espiritwal na tao, sapagkat kahangalan ang mga ito sa kaniya. Hindi niya nakikilala ang mga ito dahil ang mga ito ay nakikilala sa pamamagitan ng espiritu. 15 Hahatulan ng isang espiritwal ang lahat ng bagay, ngunit hindi siya sakop sa paghahatol ng iba. 16 “Sapagkat sino ang nakakaalam sa isip ng Panginoon upang siya ay turuan?” Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.