Pinagbawalan si David na Itayo ang Templo (continued)

1044 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 2

1 Bakit naghihimagsik ang mga bansa, at ang mga tao ay nagsasabwatan nang walang kabuluhan? 2 Ang mga hari ng lupa ay nagsasama-sama at ang mga namamahala ay nagsasabwatan laban kay Yahweh at laban sa kaniyang Mesias, sinasabing, 3 “Tanggalin natin ang mga posas na nilagay nila sa atin at itapon ang kanilang mga kadena.” 4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay hahamakin sila; kinukutya sila ng Panginoon. 5 Pagkatapos, kakausapin niya sila sa kaniyang galit at tatakutin sila sa kaniyang poot, sinasabing, 6 “Ako mismo ang naghirang sa aking hari sa Sion, ang aking banal na bundok.” 7 Ihahayag ko ang kautusan ni Yahweh. Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak! Ngayong araw, ako ay naging iyong ama. 8 Hilingin mo sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa para sa iyong mana at ang pinakamalalayong mga bahagi ng lupain para sa iyong pag-aari. 9 Wawasakin mo sila gamit ang isang bakal na setro; dudurugin mo sila tulad ng isang banga ng magpapalayok.” 10 Kaya ngayon, kayong mga hari, maging maingat; magpatuwid kayong mga namamahala sa mundo. 11 Sambahin si Yahweh nang may takot at magdiwang nang may panginginig. 12 Ibigay ang totoong katapatan sa kaniyang anak para hindi siya magalit sa inyo, at para hindi kayo mamatay kapag mabilis na sumiklab ang kaniyang galit. Mapalad ang lahat ng kumukubli sa kaniya.

Mga Awit 45

1 Nag-uumapaw ang aking puso sa mabuting paksa; babasahin ko nang malakas ang mga salita na aking isinulat tungkol sa hari; ang aking dila ang panulat ng isang manunulat na handa. 2 Ikaw ay mas makisig kaysa mga anak ng tao; biyaya ay binuhos sa iyong mga labi; kaya alam namin na pinagpala ka ng Diyos magpakailanman. 3 Ilagay mo ang iyong espada sa iyong hita, ikaw na makapangyarihan, sa iyong kaluwalhatian at kamaharlikahan. 4 Sa iyong kamaharlikahan matagumpay kang sumakay dahil sa pagiging mapagkakatiwalaan, kapakumbabaan at katuwiran; ituturo ng iyong kanang kamay ang mga katakot-takot na mga bagay. 5 Ang iyong mga palaso ay matalim; ang mga tao ay babagsak sa iyong ilalim; ang iyong mga palaso ay nasa puso ng mga kalaban ng hari. 6 Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanpaman; ang setro ng katarungan ay setro ng iyong kaharian. 7 Minamahal mo ang matuwid at kinasusuklaman ang kasamaan; kaya O Diyos, ang iyong Diyos, ay hinirang ka sa pamamagitan ng langis ng kasayahan na higit sa iyong mga kasamahan. 8 Ang lahat ng iyong kasuotan ay amoy mira, mga sabila at kasia; mula sa mga palasyong gawa sa garing pinasasaya kayo ng mga instrumentong may kwerdas. 9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa mga kagalang-galang na kababaihan; sa iyong kanang kamay nakatayo ang reyna na nadaramtan ng ginto ng Ophir. 10 Makinig ka, anak na babae, isaalang-alang mo at ikiling ang iyong pandinig; kalimutan mo ang iyong sariling bayan at ang tahanan ng iyong ama. 11 Sa ganitong paraan nanaisin ng hari ang iyong kagandahan; siya ang iyong panginoon; igalang mo siya. 12 Ang anak na babae ng Tiro ay pupunta na may dalang isang handog; ang mga mayayaman kasama ng mga tao ay magmamakaawa ng iyong tulong. 13 Ang maharlika na anak na babae sa palasyo ay lahat maluwalhati; ang kaniyang kasuotan ay ginto ang palamuti. 14 Dadalhin siya sa hari na may binurdahang damit, ang mga birhen, ang mga kasama niyang sumusunod sa kanya ay dadalhin sa iyo. 15 Pangungunahan sila ng kagalakan at pagsasaya; at sa palasyo ng hari papasok sila. 16 Sa lugar ng iyong mga ama naroon ang iyong mga anak, na siyang gagawin mong mga prinsipe sa buong mundo. 17 Gagawin ko ang lahat para ang iyong pangalan ay maalala ng lahat ng salinlahi; kaya ang mga tao ay bibigyan ka ng pasasalamat magpakailanpaman.

Mga Awit 22

1 Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit napakalayo mo mula sa pagliligtas sa akin at malayo mula sa mga salita ng aking paghihirap? 2 Diyos ko, maghapon akong nananawagan sa iyo, pero hindi ka sumasagot, at maging sa gabi ako ay walang katahimikan! 3 Pero ikaw ay banal; ikaw ay nakaupo bilang hari kasama ang mga papuri ng Israel. 4 Ang aming mga ninuno ay nagtiwala sa iyo; nagtiwala sila sa iyo at sila ay niligtas mo. 5 Dumaing sila sa iyo at sila ay niligtas mo. Nagtiwala sila sa iyo at hindi sila nabigo. 6 Pero ako ay parang isang uod at hindi isang tao, isang kahihiyan sa sangkatauhan at pinagtatawanan ng mga tao. 7 Silang lahat na nakakakita sa akin ay kinukutya ako; hinahamak nila ako; ang kanilang mga ulo ay napapailing sa akin. 8 Sinasabi nila, “Nagtitiwala siya kay Yahweh, hayaan natin na iligtas siya ni Yahweh. Hayaan natin na sagipin siya ni Yahweh, dahil nalulugod siya sa kaniya.” 9 Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina. 10 Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina! 11 Huwag kang lumayo mula sa akin dahil malapit lang ang kaguluhan; walang sinuman ang tutulong. 12 Pinaliligiran ako ng maraming mga toro; pinapaligiran ako ng malalakas na mga toro ng Bashan. 13 Binubuksan nila ang kanilang bibig para sa akin na parang isang umaatungal na leon na niluluray ang kaniyang biktima. 14 Ako ay parang natapong tubig, at lahat ng aking mga buto ay nalinsad. Ang aking puso ay tulad ng pagkit; natutunaw ito sa kaloob-loobang bahagi ko. 15 Ang aking lakas ay parang natuyong piraso ng palayukan; ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala. Inilagay mo ako sa alabok ng kamatayan. 16 Dahil pinapaligiran ako ng mga aso; napalibutan ako ng samahan na mga mapaggawa ng masama; tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa. 17 Nabibilang ko na ang aking mga buto. Tumitingin at tumititig sila sa akin. 18 Pinaghahatian nila ang aking mga kasuotan sa kanilang mga sarili, pinagpipilian nila ang aking mga damit. 19 Huwag kang lumayo, Yahweh; hinihiling kong magmadali ka para tulungan ako, aking kalakasan! 20 Iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa espada, ang tanging buhay ko mula sa mga kuko ng mabangis na mga aso. 21 Iligtas mo ako mula sa bibig ng leon; iligtas mo ako mula sa mga sungay ng mababangis na toro. 22 Ihahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita. 23 Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel! 24 Dahil hindi niya hinamak o pinabayaan ang pagdurusa ng naghihirap; hindi tinago ni Yahweh ang kaniyang mukha mula sa kaniya; nang umiyak ang naghihirap sa kaniya, dininig niya. 25 Ang aking pagpupuri ay dahil sa iyo sa gitna ng napakalaking kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harap nilang may takot sa kaniya. 26 Ang mga naaapi ay makakakain at mabubusog; sila na naghahanap kay Yahweh ay magpupuri sa kaniya. Nawa ang inyong mga puso ay mabuhay magpakailanman. 27 Ang lahat ng mga tao sa lupa ay aalalahanin at babalik kay Yahweh; lahat ng mga pamilya ng mga bansa ay luluhod sa iyong harapan. 28 Dahil ang kaharian ay kay Yahweh; siya ang namumuno sa mga bansa. 29 Lahat ng mga mayayaman sa lupa ay magpipista at sasamba; silang lahat na mapupunta sa alabok ay luluhod sa harapan niya, sila na hindi kayang panatilihin ang kanilang sariling buhay. 30 Ang isang salinlahi ay darating para siya ay paglingkuran; sasabihin nila sa susunod na salinlahi ang tungkol sa Panginoon. 31 Darating sila at ipapahayag ang kaniyang katuwiran; ipamamalita nila sa mga taong hindi pa naipapanganak kung ano ang kaniyang nagawa!