Pinagbawalan si David na Itayo ang Templo

1044 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Samuel 7

1 Nangyari ito matapos manirahan ng hari sa kaniyang bahay, at matapos siyang binigyan ng kapahingahan ni Yahweh mula sa lahat ng kaniyang nakapalibot na mga kaaway, 2 sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo, naninirahan ako sa isang tahanang cedar, pero nananatili sa gitna ng isang tolda ang kaban ng Diyos.”

3 Pagkatapos sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo kung ano ang nasa iyong puso, dahil kasama mo si Yahweh.”

4 Pero nang gabi ring iyon, dumating ang salita ni Yahweh kay Natan at sinabi, 5 “Pumunta ka, at sabihin kay David na aking lingkod, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Gagawan mo ba ako ng isang bahay na matitirahan? 6 Dahil hindi ako tumira sa isang bahay simula ng araw na dinala ko ang mga tao ng Israel palabas ng Ehipto hanggang sa kasalukuyan; sa halip, palagi akong lumilipat sa isang tolda, isang tabernakulo. 7 Sa lahat ng lugar kung saan lumilipat ako kasama ang lahat ng tao ng Israel, may nasabi ba akong anumang bagay sa sinuman sa mga pinuno ng Israel na hinirang ko para pangalagaan ang aking mga lahing Israel, sinasabing, “Bakit hindi mo ako ginawan ng isang bahay na cedar?"”'

8 Sa gayon, sabihin mo sa aking lingkod na si David, “Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Kinuha kita mula sa pastulan, mula sa pagsunod sa mga tupa, para maging pinuno ka ng Israel aking mga tao. 9 Sasamahan kita saan ka man pumunta at tinalo ko ang lahat ng iyong mga kaaway mula sa iyong harapan. At gagawa ako ng isang dakilang pangalan para sa iyo, kagaya ng pangalan ng mga dakilang nasa sanlibutan.

10 Pipili ako ng isang lugar para sa Israel na aking mga tao at ilalagay sila roon, para mamuhay sila sa kanilang sariling lugar at hindi na muling guguluhin. Wala ng mga masasamang tao ang magpapahirap sa kanila, gaya ng dating ginawa sa kanila, 11 gaya nang ginagawa nila mula sa mga araw na inutusan ko ang aking mga hukom na maging pinuno sa aking lahing Israel. At bibigyan kita ng kapahingahan mula sa lahat ng iyong mga kaaway. Karagdagan pa, Ako si Yahweh, ipinapahayag ko sa iyo na gagawin kitang tahanan. 12 Kapag ang iyong mga araw ay natupad na at mamahinga kasama ng iyong mga ama, magtatatag ako ng isang kaapu-apuhan kasunod mo, isa na manggagaling sa iyong katawan, at itatatag ko ang kaniyang kaharian. 13 Gagawa siya ng isang tahanan para sa aking pangalan, at itatatag ko ang trono ng kaniyang kaharian magpakailanman. 14 Magiging isang ama ako sa kaniya, at magiging anak ko siya. Kapag magkasala siya, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga kalalakihan at may kasamang paghagupit sa mga anak ng tao.

15 Pero hindi siya iiwan ng aking tipan ng katapatan, gaya ng pagkuha nito kay Saul, na inalis ko mula sa harapan mo. 16 Pagtitibayin ang iyong tahanan at kaharian magpakailanman sa harapan mo. Itatatag ang iyong trono magpakailanman.”'

17 Nagsalita si Natan kay David at ibinalita sa kaniya ang lahat ng mga salitang ito, at sinabi niya sa kaniya ang tungkol sa buong pangitain.

18 Pagkatapos pumasok at umupo si haring David sa harapan ni Yahweh; sinabi niya, “Sino ako, Yahweh O'Diyos, at sino ang aking pamilya na dinala mo sa puntong ito? 19 At ito ay maliit na bagay sa iyong paningin, Panginoong Yahweh. Nagsalita ka tungkol sa lingkod ng iyong pamilya para sa isang dakilang sandali, at ipinakita sa akin ang mga hinaharap na salinlahi, Panginoong Yahweh! 20 Ano pa ang maaaring sabihin ko, na si David, sa iyo? Pinarangalan mo ang iyong lingkod, Panginoong Yahweh. 21 Alang-alang sa iyong salita, at para tuparin ang iyong sariling layunin, ginawa mo ang dakilang bagay na ito at ibinunyag ito sa iyong lingkod.

22 Kaya dakila ka, Panginoong Yahweh. Dahil wala kang katulad, at walang ibang Diyos maliban sa iyo, gaya ng narinig ng aming mga sariling tainga. 23 At anong bansa ang katulad ng iyong lahing Israel, na nag-iisang bansa sa sanlibutan na pinuntahan at iniligtas mo, O' Diyos, para sa iyong sarili? Ginawa mo ito para maging isang lahi sila para sa iyong sarili, para gumawa ng pangalan para sa iyong sarili, at gumawa ng dakila at nakakatakot na gawain para sa iyong lupain. Pinalayas mo ang mga bansa at kanilang mga diyus-diyosan mula sa harapan ng iyong mga tao, na iniligtas mo mula sa Ehipto. 24 Itinatag mo ang Israel bilang iyong sariling lahi magpakailanman, at ikaw Yahweh, ang naging kanilang Diyos.

25 Kaya ngayon, Yahweh O'Diyos, nawa'y itatag ang iyong ginawang pangako hinggil sa iyong lingkod at kaniyang pamilya magpakailanman. Gawin mo gaya ng iyong sinabi. 26 Nawa'y maging dakila ang iyong pangalan magpakailanman, para sabihin ng mga tao, 'Si Yahweh ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,' habang ang tahanan ko, David, na iyong lingkod, ay itatag sa harapan mo. 27 Para sa iyo, Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ibinunyag mo sa iyong lingkod na gagawan mo siya ng isang tahanan. Kaya nga ako, na iyong lingkod, nakatagpo ng lakas ng loob para manalangin sa iyo.

28 Ngayon, Panginoong Yahweh, ikaw ay Diyos, at mapagkakatiwalaan ang iyong mga salita, at ginawa mo ang mabuting pangakong ito sa iyong lingkod. 29 Kaya ngayon, malugod mong pagpalain ang bahay ng iyong lingkod, para magpatuloy ito magpakailanman sa harapan mo. Dahil ikaw, Panginoong Yahweh, ang nagsabi ng mga bagay na ito, at sa iyong pagpapala ang bahay ng iyong lingkod ay pagpapalain magpakailanman.”

1 Mga Cronica 17

1 At nangyari nang nakatira na ang hari sa kaniyang tahanan, sinabi niya kay propeta Natan, “Tingnan mo, ako ay nakatira sa isang tahanan na sedar, ngunit ang kaban ng tipan ni Yahweh ay nananatili sa ilalim ng isang tolda.”

2 Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Humayo ka, gawin mo kung ano ang nasa iyong puso, sapagkat ang Diyos ay sumasaiyo.”

3 Ngunit nang gabing iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Natan at sinabi, 4 “Humayo ka at sabihin mo sa lingkod kong si David, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Hindi mo ako ipagtatayo ng isang bahay na matitirhan. 5 Sapagkat hindi ako tumira sa isang bahay mula sa araw na dinala ko ang Israel hanggang sa kasalukuyang araw na ito. Sa halip, ako ay naninirahan sa isang tolda, isang tabernakulo, sa iba't ibang lugar. 6 Sa lahat ng lugar na nilipatan ko kasama ang buong Israel, mayroon ba akong sinabi na kahit ano sa sinuman sa mga pinuno ng Israel na pinili kong magpastol sa aking mga tao, nagsasabi, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang tahanan na sedar?”'”

7 “At ngayon, sabihin mo sa aking lingkod na si David, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh, na pinuno ng hukbo: “Kinuha kita mula sa pastulan, mula sa pagsunod sa mga tupa, nang sa gayon ikaw ay maging pinuno ng bayan kong Israel. 8 At kasama mo ako saan ka man magpunta at nilupig ko ang lahat ng iyong kaaway sa iyong harapan. At gagawan kita ng isang pangalan, katulad ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

9 Ako ay magtatakda ng isang lugar para sa bayan kong Israelita at patitirahin ko sila doon, nang sa gayon manirahan sila sa sarili nilang lugar at hindi na sila magagampala. Hindi na sila aapihin ng mga masasamang tao, tulad ng ginawa nila noon, 10 tulad ng ginagawa nila mula sa mga araw na inutusan ko ang mga hukom na pamahalaan ang bayan kong Israel. At susupilin ko ang lahat ng iyong kaaway. Gayon din, sinasabi ko sa iyo na ako, si Yahweh ay magtatayo ng isang tahanan para sa iyo. 11 At mangyayari na kapag natapos na ang iyong mga araw upang ikaw ay pumunta sa iyong mga ninuno, gagawin kong tagapamuno ang iyong kaapu-apuhan na susunod sa iyo, at sa isa sa iyong sariling kaapu-apuhan, itatatag ko ang kaniyang kaharian. 12 Ipagtatayo niya ako ng isang tahanan, at itatatag ko ang kaniyang trono magpakailanman. 13 Ako ay magiging ama sa kaniya, at siya ay magiging anak ko. Hindi ko babawiin ang matapat kong kasunduan sa kaniya, tulad ng pagbawi ko nito mula kay Saulo, na namuno bago ikaw. 14 Itatalaga ko siya sa aking tahanan at sa aking kaharian magpakailanman, at itatatag ko ang kaniyang trono magpakailaman.”'”

15 Nagsalita si Natan kay David at ibinalita sa kaniya ang lahat ng mga salitang ito, at sinabi niya rin ang tungkol sa kabuuang pangitain.

16 Pagkatapos, pumasok si haring David at umupo sa harapan ni Yahweh, sinabi niya, “Sino ako, Yahweh na Diyos, at ano ang aking pamilya na ako ay dinala mo sa kalagayang ito? 17 At ito ay isang maliit na bagay sa iyong paningin, O Diyos. Ikaw ay nagsalita tungkol sa pamilya ng iyong lingkod tungkol sa panahon na darating, at ipinakita mo sa akin ang mga susunod na salinlahi, O Yahweh na Diyos. 18 Ano pa ang masasabi ko, akong si David, sa iyo? Pinarangalan mo ang iyong lingkod. Binigyan mo ang iyong lingkod ng isang natatanging pagkilala. 19 O Yahweh, alang-alang sa iyong lingkod at upang matupad ang iyong sariling layunin, ginawa mo ang dakilang bagay na ito upang ihayag ang lahat ng iyong mga dakilang gawa.

20 O Yahweh, wala kang katulad, at walang ibang Diyos maliban sa iyo, gaya ng lagi naming naririnig. 21 At anong bansa sa mundo ang tulad ng iyong bayang Israel na iniligtas mo O Diyos mula sa Egipto bilang mga tao para sa iyo, upang gumawa ng pangalan para sa iyo sa pamamagitan ng mga dakila at mga nakamamanghang gawa? Pinalayas mo ang mga bansa sa harap ng iyong mga tao, na iniligtas mo mula sa Egipto. 22 Ginawa mo ang Israel na iyong sariling mga tao magpakailanman, at ikaw, O Yahweh ang naging Diyos nila.

23 Kaya ngayon, O Yahweh, nawa manatili magpakailanman ang ipinangako mo tungkol sa iyong lingkod at sa kaniyang pamilya. Gawin mo kung ano ang iyong sinabi. 24 Nawa ang iyong pangalan ay manatili magpakailanman at maging dakila, upang sabihin ng mga tao, 'Si Yahweh, ang pinuno ng mga hukbong anghel ang Diyos ng Israel,' habang ang tahanan ko, akong si David na iyong lingkod ay manatili sa iyong harapan. 25 Sapagkat ipinahayag mo, o aking Diyos, sa iyong lingkod na ipagtatayo mo siya ng isang tahanan. Kaya ako na iyong lingkod ay nakatagpo ng tapang upang manalangin sa iyo.

26 Ngayon, O Yahweh, ikaw ay Diyos, at ginawa mo ang mabuting pangako na ito sa iyong lingkod: 27 Ngayon, ikinalugod mo na pagpalain ang tahanan ng iyong lingkod upang ito ay magpatuloy magpakailanman sa iyong harapan. Pinagpala mo ito, O Yahweh, at ito ay pagpapalain magpakailanman.”