Si David sa Keila

1060 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Samuel 23:1

1 Sinabihan nila si David, “Tingnan mo, nakikipaglaban ang mga Filisteo laban sa Keila at ninakaw nilavang mga giikang sahig.”

1 Samuel 22:20–23

20 Ngunit isa sa mga anak na lalaki ni Ahimelec anak na lalaki ni Ahitub, na nagngangalang Abiatar, ang nakatakas at tumakbo kay David. 21 Sinabihan ni Abiatar si David na pinatay ni Saul ang mga pari ni Yahweh.

22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Alam kong sa araw na iyon, noong naroon si Doeg na taga-Edom, na siguradong sasabihin niya kay Saul. May pananagutan ako para sa bawat kamatayan ng pamilya ng iyong ama! 23 Manatili ka kasama ko at huwag matakot. Dahil ang nagtatangka sa buhay mo ay nagtatangka din sa buhay ko. Magiging ligtas ka kasama ako.”

1 Samuel 23:6

6 Nang nakatakas papunta kay David si Abiatar na anak na lalaki ni Ahimelech sa Keila, bumaba siya na may isang epod sa kanyang kamay.

1 Samuel 23:2–5

2 Kaya nanalangin si David kay Yahweh para sa tulong, at tinanong niya siya, “Dapat ba akong pumunta at salakayin ang mga Filisteong ito?” Sinabi ni Yahweh kay David, “Pumunta ka at salakayin ang mga Filisteo at iligtas ang Keila.”

3 Sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan mo, natatakot kami dito sa Juda. Ano pa kaya kung pupunta tayo sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”

4 Pagkatapos nanalangin pang muli si David kay Yahweh para sa tulong. Sinagot siya ni Yahweh, “Tumayo ka, bumaba ka sa Keila. Dahil bibigyan kita ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”

5 Pumunta sina David at mga tauhan niya sa Keila at nakipaglaban sa mga Filisteo. Tinangay nila ang kanilang mga baka at sinalakay nila sila ng may matinding patayan. Kaya iniligtas ni David ang mga naninirahan sa Keila.

1 Samuel 23:7–12

7 Sinabihan si Saul na pumunta si David sa Keila. Sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay. Dahil nakulong siya sapagkat pumasok siya sa isang lungsod na may mga tarangkahan at mga rehas.”

8 Ipinatawag ni Saul ang lahat ng kanyang hukbo para sa labanan, para bumaba sa Keila, upang lusubin si David at kanyang mga tauhan.

9 Nalaman ni David na may masamang balak si Saul laban sa kanya. Sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang epod.”

10 Pagkatapos sinabi ni David, “Yahweh, ang Diyos ng Israel, tunay nga na narinig ng iyong lingkod na hinangad ni Saul na pumunta sa Keila, upang wasakin ang lungsod alang-alang sa akin. 11 Maaari bang hulihin ako ng mga kalalakihan ng Keila at isusuko ako sa kanyang kamay? Maaari bang bumaba si Saul, gaya ng narinig ng iyong lingkod? Yahweh, ang Diyos ng Israel, nagmamakaawa ako sa iyo, pakiusap sabihan mo ang iyong lingkod.” Sinabi ni Yahweh, “Bababa siya.”

12 Pagkatapos sinabi ni David, “Isusuko ba ako ng mga kalalakihan ng Keila at ang aking mga tauhan sa kamay ni Saul?” Sinabi ni Yahweh, “Isusuko ka nila.”

Mga Awit 31

1 Sa iyo, Yahweh, kumukubli ako; huwag mo akong hayaan na mapahiya. Iligtas mo ako sa iyong katuwiran. 2 Makinig ka sa akin; sagipin mo ako agad; ikaw ang aking maging bato ng kanlungan, isang matibay na tanggulan para iligtas ako. 3 Dahil ikaw ang aking bato at aking tanggulan; alang-alang sa iyong pangalan, gabayan at patnubayan mo ako. 4 Kunin mo ako sa lambat na kanilang ikinubli para sa akin, dahil ikaw ang aking kanlungan. 5 Ipinagkakatiwala ko sa iyong mga kamay ang aking espiritu; tutubusin mo ako, Yahweh, Diyos ng katapatan. 6 Kinamumuhian ko ang mga naglilingkod sa mga walang kwentang diyos-diyosan, pero nagtitiwala ako kay Yahweh. 7 Matutuwa ako at magagalak sa iyong katapatan sa tipan, dahil nakita mo ang aking kapighatian; alam mo ang pagkabalisa ng aking kaluluwa. 8 Hindi mo ako isinuko sa aking mga kaaway. Inilagay mo ang aking mga paa sa isang malawak na lugar. 9 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil ako ay nasa kahirapan; ang aking mga mata ay napapagod sa kalungkutan kasama ang aking kaluluwa at aking katawan. 10 Dahil ang aking buhay ay pagod sa kalungkutan at ang mga taon ko na puro daing. Ang aking lakas ay nabibigo dahil sa aking kasalanan, at ang aking mga buto ay unti-unting nanghihina. 11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway, hinahamak ako ng mga tao; ang aking mga kapitbahay ay nangingilabot dahil sa aking kalagayan, at mga taong nakakakilala sa akin ay nangangamba. Ang mga nakakakita sa akin sa kalye ay tumatakbo palayo sa akin. 12 Nilimot ako na parang patay na walang sinuman ang nakakaalala. Ako ay tulad ng isang basag na palayok. 13 Dahil aking narinig ang bulong-bulungan ng nakararami, nakakasindak na balita mula sa lahat ng dako habang ang mga iba ay parang nagpaplano na magkakasama laban sa akin. Sila ay nagpaplanong kunin ang aking buhay. 14 Pero umaasa ako sa iyo, Yahweh; sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.” 15 Ang aking kapalaran ay nasa iyong mga kamay. Iligtas mo ako sa kamay ng aking mga kaaway at mula sa mga humahabol sa akin. 16 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong lingkod; iligtas mo ako sa iyong katapatan sa tipan. 17 Huwag mong hayaan na mapahiya ako, Yahweh; dahil nananawagan ako sa iyo! Nawa ang masama ay mapahiya! Nawa sila ay mapatahimik sa Sheol. 18 Nawa mapatahimik ang mga sinungaling na labi na nagsasalita ng suwail laban sa matuwid ng may pagmamataas at paghamak. 19 Napakadakila ng iyong kabutihang hinanda mo para sa mga sumasamba sa iyo, na tinupad mo para sa mga nagkukubli sa iyo sa harap ng buong sangkatauhan! 20 Sa kanlungan ng iyong presensya, ikinukubli mo sila mula sa mga balakin ng mga tao. Ikinukubli mo sila sa isang kanlungan mula sa marahas na mga dila. 21 Purihin si Yahweh, dahil ipinakita niya sa akin ang kaniyang kagila-gilalas na katapatan sa tipan noong ako ay nasa isang nilusob na lungsod. 22 Kahit na nabanggit ko sa aking pagmamadali, “Ako ay napalayo mula sa iyong mga mata,” gayumpaman dininig mo ang aking pagmamakaawa, nang ako ay dumaing sa iyo. 23 O, ibigin si Yahweh, kayong lahat na mga matatapat na tagasunod. Iniingatan ni Yahweh ang tapat, pero pinagbabayad niya ng buo ang mapagmataas. 24 Maging matatag at panatag, lahat kayo na nagtitiwala kay Yahweh para sa tulong.