Si David sa Mizpe (continued)

1060 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 140

1 Yahweh, sagipin mo ako mula sa masama; pangalagaan mo ako mula sa mararahas na mga tao. 2 Nagpaplano sila ng kasamaan sa kanilang mga puso; sila ang pasimuno ng hindi pagkakasundo araw-araw. 3 Ang kanilang dila ay nakakasugat tulad ng mga ahas, ang lason ng ulupong ay nasa kanilang mga labi. Selah 4 Ilayo mo ako sa mga kamay ng masasama, Yahweh; pangalagaan mo ako sa mararahas na mga tao na nagpaplano na patumbahin ako. 5 Ang mapagmalaki ay naghanda ng patibong para sa akin; nagkalat sila ng lambat; naghanda sila ng silo para sa akin. Selah 6 Sinabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos; makinig ka sa aking mga paghingi ng awa.” 7 Yahweh, aking Panginoon, ikaw ay malakas para magligtas; sa araw ng labanan nilagyan mo ng panangga ang aking ulo. 8 Yahweh, huwag mong ipagkaloob ang nais ng masasama; huwag mong hayaan ang kanilang mga plano na magtagumpay. Selah. 9 Silang mga nakapalibot sa akin ay itiningala ang kanilang mga ulo; hayaan mo silang tabunan ng kalokohan ng kanilang labi. 10 Hayaan mong bumagsak ang nagbabagang mga uling sa kanila; itapon mo sila sa apoy, sa napakalalim na hukay, na hindi na kailanman makakabangon. 11 Nawa ang sinumang nagsasabi ng masasamang mga bagay tungkol sa iba ay hindi mailigtas sa mundo; nawa hanapin ng kasamaan ang mararahas para ibagsak siya. 12 Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan. 13 Tiyak na ang mga makatuwiran ay magpapasalamat sa ngalan mo; ang matutuwid na mga tao ay mamumuhay sa iyong presensya.

Mga Awit 35

1 Kumilos ka laban sa mga kumikilos laban sa akin O Yahweh; labanan mo ang mga lumalaban sa akin. 2 Kunin mo ang iyong maliit na pananggalang at malaking pananggalang; bumangon ka at ako ay iyong tulungan. 3 Sa mga humahabol sa akin gamitin mo ang iyong mga sibat at palakol; sa kaluluwa ko ay iyong sabihin, “Ako ang iyong kaligtasan.” 4 Nawa ang mga naghahangad sa aking buhay ay mapahiya at masira ang puri. Nawa ang mga nagbabalak na saktan ako ay tumalikod at malito. 5 Nawa sila ay maging tulad ng hinanging ipa, sa pagtataboy ng anghel ni Yahweh sa kanila. 6 Nawa ang kanilang daraanan ay maging madilim at madulas, habang tinutugis sila ng anghel ni Yahweh. 7 Nang walang dahilan, naglagay sila ng lambat para sa akin; nang walang dahilan nagbungkal sila ng hukay para sa aking buhay. 8 Hayaan mo na dumating sa kanila nang hindi inaasahan ang pagkawasak. Hayaan mo na mahuli sila ng inilagay nilang lambat. Sa kanilang pagkawasak, hayaan mong sila ay bumagsak. 9 Pero magsasaya ako kay Yahweh at magagalak sa kaniyang kaligtasan. 10 Sa aking buong lakas sasabihin ko, “Sino ang katulad mo, Yahweh, na siyang nagliligtas sa mga api mula sa mas malakas kaysa sa kanila at ang mahihirap at nangangailangan mula sa mga nagtatangka na nakawan sila?” 11 Dumarami ang masasamang saksi; pinararatangan nila ako nang hindi totoo. 12 Binayaran nila ng kasamaan ang aking kabutihan. Ako ay nagdadalamhati. 13 Pero, nang maysakit sila, nagsuot ako ng sako; nag-ayuno ako para sa kanila na nakatungo ang aking dibdib. 14 Nagdalamhati ako para sa aking mga kapatid; lumuhod ako sa pagluluksa para sa aking ina. 15 Pero nang ako ay natisod, natuwa sila at nagsama-sama; nagsama-sama sila laban sa akin, at ako ay ginulat nila. Winarak nila ako nang walang humpay. 16 Walang galang nila akong hinamak; nangalit ang kanilang mga ngipin sa akin. 17 Panginoon hanggang kailan ka titingin? Iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa kanilang mga mapangwasak na pag-atake, ang buhay ko mula sa mga leon. 18 Pagkatapos magpapasalamat ako sa iyo sa dakilang pagpupulong; pupurihin kita sa maraming tao. 19 Huwag mong hayaang magdiwang sa akin ang mapanlinlang kong mga kaaway; huwag mo silang hayaang magawa ang kanilang masasamang mga balak. 20 Dahil hindi sila nagsasalita ng kapayapaan, sa halip, nagpaplano sila ng mga salitang mapanlinlang laban sa naninirahan sa aming lupain na mapayapang namumuhay. 21 Binubuka nila ng malaki ang kanilang mga bibig laban sa akin; sabi nila, “Ha, ha, nakita namin ito.” 22 Nakita mo ito, Yahweh, huwag kang manahimik; huwag kang lumayo sa akin Panginoon. 23 Bumangon ka at gumising para ipagtanggol ako; aking Diyos at Panginoon, ipagtanggol mo ang aking panig. 24 Ipagtanggol mo ako, Yahweh aking Diyos, dahil sa iyong katuwiran; huwag mo silang hayaang magalak sa akin. 25 Huwag mong hayaang sabihin nila sa kanilang puso na, “Aha, nakuha na namin ang aming nais.” Huwag mong hayaan na sabihin nila, “Nilamon namin siya.” 26 Ilagay mo sila sa kahihiyan at lituhin mo silang nagnanais na saktan ako. Nawa ang mga gustong humamak sa akin ay mabalot ng kahihiyan at kasiraan. 27 Hayaan mong ang mga nagnanais ng paglaya ko ay sumigaw sa galak at matuwa; nawa patuloy nilang sabihin, “Purihin si Yahweh, siya na nasisiyahan sa kapakanan ng kaniyang lingkod.” 28 Pagkatapos nito ang katarungan mo at kapurihan ay buong araw kong ihahayag.

Mga Awit 64

1 Dinggin mo ang aking tinig, O Diyos, pakinggan mo ang aking daing; ingatan mo ang aking buhay mula sa takot mula sa aking mga kaaway. 2 Itago mo ako mula sa lihim na pakana ng mga mapaggawa ng masama, mula sa kaguluhan ng mga gumagawa ng masama. 3 Hinasa nila ang kanilang mga dila gaya ng mga espada; itinutok nila ang kanilang mga palaso, mapapait na mga salita, 4 para panain nila mula sa lihim na mga lugar ang mga taong walang kasalanan; agad nilang papanain siya at walang kinatatakutan. 5 Pinalalakas nila ang kanilang loob sa masamang plano; palihim silang nagpulong para maglagay ng mga patibong; sinasabi nila, “Sino ang makakikita sa atin?” 6 Lumikha sila ng mga planong makasalanan; “Natapos namin,” sinasabi nila, “ang isang maingat na plano.” Malalim ang saloobin at puso ng tao. 7 Pero papanain sila ng Diyos; kaagad silang masusugatan ng kaniyang mga palaso. 8 Madarapa sila, dahil laban sa kanila ang kanilang mga dila; iiling sa kanilang mga ulo ang lahat ng makakakita sa kanila. 9 Matatakot ang lahat ng mga tao at ihahayag ang mga gawa ng Diyos. Pag-iisipan nilang mabuti ang tungkol sa kaniyang mga ginawa. 10 Magagalak kay Yahweh ang matuwid at kukubli sila sa kaniya; magmamalaki ang lahat ng matapat sa puso.