Si David sa Ilang ng Zip at Maon
1059 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
13 Pagkatapos bumangon si David at ang kanyang halos anim na raang mga tauhan at umalis mula sa Keila, at pumunta sila mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar. Sinabihan si Saul na nakatakas si David mula sa Keila, at tumigil siya sa pagtugis.
14 Nanatili si David sa matibay na mga tanggulan sa ilang, sa maburol na lugar sa ilang ng Zip. Hinahanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.
15 Nakita ni David na paparating si Saul para kunin ang kanyang buhay; ngayon nasa ilang ng Zip sa Hores si David. 16 Sa gayon bumangon at pinuntahan ni Jonatan na anak na lalaki ni Saul si David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa Diyos. 17 Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot. Dahil hindi ka mahahanap ng kamay ni Saul na aking ama. Magiging hari ka sa Israel, at ako ang susunod sa iyo. Alam din ito ni Saul na aking ama.”
18 Gumawa sila ng isang kasunduan sa harap ni Yahweh. Nanatili si David sa Hores, at umuwi si Jonatan sa kanyang tahanan.
19 Pagkatapos pumunta ang mga lahi ni Zip kay Saul sa Gibea at sinabing, “Hindi ba nagtatago si David sa matibay na tanggulan sa Hores, sa kaburulan ng Haquila, na nasa timog ng Jesimon? 20 Ngayon, bumaba ka, hari! Ayon sa iyong ninanais, bumaba ka! Tungkulin naming isuko siya sa kamay ng hari.”
21 Sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Dahil nahabag kayo sa akin. 22 Umalis kayo, at siguraduhing mabuti. Pag-aralan at alamin kung saang lugar siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya roon. Sinabi ito sa akin na napakatuso niya. 23 Kaya tingnan ninyo, at alamin ang lahat ng lugar kung saan mismo siya nagtatago. Bumalik kayo sa akin na may tiyak na kaalaman, at pagkatapos babalik ako kasama ninyo. Kung nasa lupain siya, hahanapin ko siya kasama ang lahat ng libu-libo ng Juda.”
1 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan, at sa iyong kalakasan, hatulan mo ako. 2 Pakinggan mo ang aking panalangin, O Diyos; pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig. 3 Dahil ang mga dayuhan ay naghimagsik laban sa akin, at ang mga walang awang mga lalaki ay pinagtangkaan ang aking buhay; hindi nila itinakda ang Diyos sa kanilang harapan. Selah 4 Masdan mo, ang Diyos ang tumutulong sa akin; ang Panginoon ang siyang nagtataas sa akin. 5 Ibabalik niya sa aking mga kaaway ang kasamaan; sa iyong katapatan, wasakin mo sila! 6 Mag-aalay ako ng kusang-loob na handog; ako ay magbibigay pasasalamat sa iyong pangalan, Yahweh, dahil ito ay mabuti. 7 Dahil siya ang sumagip sa akin mula sa bawat kaguluhan; ang aking mata ay nakatingin ng matagumpay laban sa aking mga kaaway.
24 Pagkatapos nauna silang umakyat kay Saul sa Zip. Ngayon si David at kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon, sa Araba ng timog ng Jesimon. 25 Pumunta si Saul at kanyang mga tauhan upang hanapin siya. At sinabihan si David tungkol dito, kaya bumaba siya sa isang mabatong burol at nanirahan sa ilang ng Maon. Nang narinig ito ni Saul, tinugis niya si David sa ilang ng Maon.
26 Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok, at pumunta si David at ang kanyang mga tauhan sa kabilang panig ng bundok. Nagmadaling tumakas si David mula kay Saul. Habang nakapalibot sina Saul at kanyang mga tauhan kay David at kanyang mga tauhan upang dakpin sila, 27 pumunta ang isang mensahero kay Saul at sinabing, “Bilisan mo at pumarito dahil gumawa ng pagsalakay ang mga Filisteo laban sa lupain.” 28 Kaya bumalik si Saul mula sa pagtugis niya kay David at nilabanan ang mga Filisteo. Kaya nga ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Pagtakas.