Ang Digmaan ni Asa Laban kay Baasa

955 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Mga Hari 15:16–22

16 May digmaan sa pagitan nila Asa at Baasa na hari ng Israel, sa buong buhay nila. 17 Mapangahas na kumilos si Baasa na hari ng Israel laban sa Juda at itinayo ang Rama, para mapigilan niya ang sinuman na makapasok o makalabas sa lupain ni Asa hari ng Juda.

18 Kaya kinuha ni Asa ang lahat ng mga pilak at ginto sa taguan ng mga kayamanan ng templo at ng palasyo ng hari. Inabot niya ito sa kamay ng kaniyang mga lingkod at inutusan silang dalhin ito kay Ben Hadad, anak ni Tabrimon anak ni Hezion, ang hari ng Aram na nakatira sa Damasco. 19 Sinabi niya, “Magkaroon tayo ng kasunduan, na tulad ng kasunduan na mayroon ang mga ama natin. Tingnan mo, pinadalhan kita ng mga pilak at ginto. Putulin mo na ang kasunduan mo kay Baasa na Hari ng Israel, para hayaan na niya ako.”

20 Nakinig si Ben Hadad kay Haring Asa at ipinadala ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo, at kanilang sinalakay ang mga lungsod sa Israel. Sinalakay nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, at ang buong Cineret, kasama ng lahat ng lupain ng Neftali.

21 Nang marinig ito ni Haring Baasa, itinigil niya ang pagtayo ng Rama at bumalik sa Tirza. 22 At gumawa ng proklamasyon para sa buong Juda si Haring Asa. Walang sinuman ang hindi sakop nito. Dinala nila ang lahat ng mga troso at mga bato na ginagamit ni Haring Baasa para itayo ang Rama. Ginamit ni Haring Asa ang mga ito para itayo ang Geba ng Benjamin at Mizpah.

Ang Kamatayan ni Asa

2 Mga Cronica 16:7–14

7 Sa panahong iyon, pumunta ang manghuhulang si Hanani kay Asa, ang hari ng Juda at sinabi sa kaniya, “Dahil umasa ka sa hari ng Aram at hindi ka umasa kay Yahweh na iyong Diyos, ang hukbo ng hari ng Aram ay nakatakas mula sa iyong mga kamay. 8 Hindi ba malaking hukbo ang mga taga-Ethiopia at mga taga-Libya na may mga napakaraming karwahe at mangangabayo? Ngunit, dahil umasa ka kay Yahweh, pinagtagumpay ka niya laban sa kanila. 9 Sapagkat nagmamasid si Yahweh sa lahat ng dako ng mundo upang ipakita niya ang kaniyang kapangyarihan sa ngalan ng mga buong pusong nagtitiwala sa kaniya. Ngunit ikaw ay naging hangal sa mga bagay na ito. Mula ngayon, makakaranas ka ng digmaan.”

10 Pagkatapos, nagalit si Asa sa propeta; ikinulong niya ito, sapagkat nagalit siya sa kaniya sa mga bagay na ito. Sa araw na iyon, pinahirapan ni Asa ang ilan sa mga tao.

11 Ang lahat ng mga ginawa ni Asa mula sa umpisa hanggang sa wakas, tingnan ninyo, nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. 12 Sa ikatatlumpu't siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng sakit sa paa; napakalubha ng kaniyang sakit. Gayunpaman, hindi siya humingi ng tulong kay Yahweh, kundi sa mga manggagamot lamang.

13 Namatay si Asa kasama ang kaniyang mga ninuno; namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kaniyang paghahari. 14 Inilibing nila siya sa kaniyang sariling libingan, na ipinahukay niya sa lungsod ni David para sa kaniyang. Inilagay siya sa kabaong na puno ng mababangong amoy at iba't ibang uri ng pabango na inihanda ng mga taong mahusay gumawa ng pabango. Pagkatapos, gumawa sila ng napakalaking apoy bilang parangal sa kaniya.

1 Mga Hari 15:23–24

23 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Asa, ang kaniyang kadakilaan, ang lahat ng kaniyang ginawa, ang lahat ng mga lungsod na kaniyang itinayo, hindi ba naisulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? Pero nang siya ay tumanda na, nagkaroon siya ng sakit sa paa.

24 At si Asa ay nahimlay kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing sa lungsod ni David na kaniyang ama. Si Jehosafat na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.

2 Mga Cronica 16:1–6

1 Sa ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, agrisibong kumilos si Baasa na hari ng Israel laban sa Juda at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapasok sa lupain ni Asa na hari ng Juda. 2 Pagkatapos, kinuha ni Asa ang pilak at ginto mula sa silid imbakan sa templo ni Yahweh at sa sambahayan ng hari at ipinadala kay Ben-hadad, ang hari ng Aram na nakatira sa Damascus. Sinabi niya, 3 “Magkaroon tayo ng kasunduan, gaya ng aking ama at ng iyong ama. Tingnan mo, pinadalhan kita ng pilak at ginto. Putulin mo na ang iyong kasunduan kay Baasha na hari ng Israel, upang ako ay lubayan niya.”

4 Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa at ipinadala niya ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga lungsod ng Israel. Sinalakay nila ang Ijon, Dan at Abelmain at ang imbakang lungsod ng Neftali.

5 Nang mabalitaan ito ni Baasha, itinigil niya ang pagpapatayo sa Rama at itinigil niya ang kaniyang gawain. 6 Pagkatapos, tinawag ni haring Asa ang lahat ng Juda. Kinuha nila ang mga bato at mga troso sa Rama na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo ng lungsod. Pagkatapos, ginamit ni Haring Asa ang mga kagamitang iyon upang itayo ang Geba at Mizpah.

2 Mga Cronica 15:16–17

16 Inalis din niya sa pagiging reyna si Maaca na kaniyang lola dahil gumawa siya ng kasuklam-suklam na imahe ng diyosang si Ashera. Giniba ni Asa ang kasuklam-suklam na imahe, dinurog niya iyon at sinunog sa batis ng Kidron. 17 Ngunit hindi tinanggal ang mga dambana sa Israel. Gayunpaman, naging tapat ang puso ni Asa noong mga panahong nabubuhay pa siya.