Ang Kaharian ng Israel
Ang Pagkamatay ni Jeroboam at ng Kanyang Anak
955 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nang panahon na iyon ang anak ni Jeroboam na si Abias ay nagkasakit. 2 Sinabi ni Jeroboam sa kaniyang asawa, “Pakiusap bumangon ka at magkunwari, para hindi ka makilala bilang asawa ko, at pumunta ka sa Silo, dahil ang propetang si Ahias ay naroroon; siya ang nagsalita tungkol sa akin, na sinasabing ako ay magiging hari sa bayang ito. 3 Magdala ka ng sampung tinapay, ilang mga keyk, at isang garapong pulot, at pumunta ka kay Ahias. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.”
4 Ganoon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; umalis siya at nagpunta sa Silo at dumating sa bahay ni Ahias. Ngayon hindi na nakakakita si Ahias, siya ay bulag na dahil sa kaniyang edad. 5 Sinabi ni Yahweh kay Ahias, “Masdan mo, darating ang asawa ni Jeroboam para humingi ng payo mula sa iyo tungkol sa kaniyang anak na lalaki, dahil siya ay may sakit. Sabihin mo sa kaniya ang ganoon at ganito, dahil kapag siya ay dumating, magkukunwari siyang parang siya ay ibang babae.”
6 Nang marinig ni Ahias ang tunog ng kaniyang yapak habang siya ay pumapasok sa pintuan, sabi niya, “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwari na maging isang tao na hindi naman ikaw iyon? Isinugo ako sa iyo na may mga masamang balita. 7 Umalis ka, sabihin mo kay Jeroboam na si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nagsasabing, “Itinaas kita mula sa kalagitnaan ng bayan para gawin kang pinuno ng aking bayang Israel. 8 Inalis ko ang kaharian mula sa pamilya ni David at ibinigay ko sa iyo, gayon man hindi ka naging tulad ni David na aking lingkod, na tumupad sa aking mga utos at sumunod sa akin ng buong puso niya, at gawin lamang kung ano ang matuwid sa aking mga paningin.
9 Sa halip, ginawa mo ang kasamaan, higit sa lahat ng nauna sa iyo. Gumawa ka ng ibang mga diyos, at hinulmang mga imaheng bakal para galitin ako, at sinaksak mo ako sa aking likuran. 10 Kaya, pagmasdan mo, magpapadala ako ng kapahamakan sa iyong pamilya; puputulin ko mula sa iyo ang bawat batang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya, at ganap na tatanggalin ang iyong pamilya, tulad ng isang tao na nagsusunog ng dumi hanggang ito ay maglaho na. 11 Sinuman na kabilang sa iyong pamilya na namatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at sinumang mga namatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon ng mga kalangitan, dahil ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.
12 Kaya tumindig ka, asawa ni Jeroboam, at bumalik ka sa iyong tahanan, kapag pumasok ka sa lungsod, ang anak mong si Abias ay mamamatay. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at siya ay ililibing. Siya lamang ang tanging mula sa pamilya ni Jeroboam ang mapupunta sa isang libingan, dahil sa kaniya lamang, mula sa sambahayan ni Jeroboam, ay may mabubuting bagay na natagpuan sa paningin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
14 Gayundin, si Yahweh ay magtatalaga ng isang hari ng Israel na magpuputol sa pamilya ni Jeroboam sa araw na iyon. Ngayon na ang araw na iyon, ngayon na. 15 Dahil lilipulin ni Yahweh ang Israel tulad ng isang halamang tambo na nililiglig sa tubig, at bubunutin niya ang Israel sa masaganang lupain na ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Sila ay kaniyang ikakalat sa kabila ng ilog Eufrates, dahil gumawa sila ng mga poste ni Asera at ginalit nila si Yahweh. 16 Pababayaan niya ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, ang mga kasalanan na kaniyang ginawa, at sa pamamagitan na nagdulot ng kasalanan sa bayang Israel para magkasala.”
17 Kaya tumindig at umalis ang asawa ni Jeroboam, at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa bungad ng pintuan ng kaniyang bahay, namatay ang bata. 18 Inilibing siya ng buong bayan ng Israel at ipinagluksa siya, tulad lamang ng pagkakasabi sa kanila sa pamamagitan ng salita ni Yahweh na kaniyang sinabi sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Ahias.
19 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Jeroboam, kung paano siya nakipagdigma at paano siya naghari, tingnan, sila ay nakasulat Sa Aklat ng mga Kaganapan ng mga Hari ng Israel.
20 Naghari si Jeroboam ng dalawampu't-dalawang taon at pagkatapos humimlay siyang kasama ang kaniyang mga ninuno, at si Nadab na kaniyang anak na lalaki ang naging hari na humalili sa kaniya.
Ang Paghahari ni Nadab 953 B.C.
25 Si Nadab na anak ni Jeroboam ang naging hari ng Israel noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda; naghari siya sa Israel ng dalawang taon. 26 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at sumunod sa yapak ng kaniyang ama, at sa kaniyang sariling kasalanan, na humikayat sa buong Israel para magkasala.
27 Nagplano ng pagtataksil laban kay Nadab si Baasa na anak ni Ahias na mula sa pamilya ni Isacar,; pinatay siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng Filisteo, dahil sina Nadab at ang buong Israel ay lumusob sa Gibeton. 28 Sa ikatlong taon ni haring Asa ng Juda, pinatay ni Baasa si Nadab at naging hari kapalit niya.
29 At nang siya ay naging hari, pinatay ni Baasa ang lahat ng pamilya ni Jeroboam. Wala siyang iniwang humihinga sa mga kaapu-apuhan ni Jeroboam; sinira niya ang lipi ng mga hari sa paraang ito, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Ahias ang taga-Shilo na kaniyang lingkod, 30 para sa mga kasalanan ni Jeroboam at ang kaniyang pangunguna sa buong Israel sa pagkakasala dahil ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
31 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Nadab, ang kaniyang mga nagawa, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?
Ang Paghahari ni Baasa 930 B.C.
32 May digmaan sa pagitan ni Haring Asa at Haring Baasa ng Israel sa buong buhay nila.
33 Sa ikatlong taon ni Asa hari ng Judah, nagsimulang maghari sa Israel si Baasa anak ni Ahias sa Tirza sa loob ng dalwampu't apat na taon.
34 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at lumakad sa yapak ni Jeroboam at sa kaniyang kasalanan na humikayat sa buong Israel para magkasala.
16:1 Dumating ang mensahe ni Yahweh kay Jehu na anak ni Hanani laban kay Baasa, at nagsabing, 2 “Sa kabila ng pag-angat ko sa iyo mula sa alikabok at paghirang ko sa iyo bilang pinuno ng aking bayang Israel, lumakad ka sa yapak ni Jeroboam at hinimok ang aking bayang Israel para magkasala, upang magalit ako dahil sa kanilang mga kasalanan. 3 Tingnan mo, tuluyan kong itataboy si Baasa at ang kaniyang pamilya, at itutulad ko ang iyong pamilya sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. 4 Kakainin ng mga aso ang sinumang nabibilang kay Baasa na mamamatay sa lungsod, at ang mga ibon sa himpapawid ay kakainin ang sinumang mamamatay sa mga parang.
5 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Baasa, ang kaniyang mga ginawa, ang kaniyang kadakilaan, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 6 Nahimlay si Baasa kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Tirza, at ang kaniyang anak na si Ela ang naging hari kapalit niya.
7 Kaya dumating ang mensahe ni Yahweh laban kay Baasa at sa buo niyang pamilya sa pamamagitan ni propetang Jehu na anak ni Hanani dahil sa mga masasamang bagay na ginawa ni Baasa sa paningin ni Yahweh, na nagpagalit sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang mga ginawa na tulad ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa pagpatay niya sa buong pamilya ni Jeroboam.