Bahagi 3: Ang Paghahari ni Asa
Ang Kaharian ng Juda
Ang Debosyon ni Asa sa Diyos
955 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Namatay si Abias at inilibing siya kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. Ang kaniyang anak na si Asa ang naging hari. Sa kaniyang kapanahunan, mapayapa ang lupain nang sampung taon.
9 Sa ika-dalawampung taon ni Jeroboam, hari ng Israel, si Asa ay nagsimulang mamuno sa Juda. 10 Siya ay namuno sa loob ng apatnapu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang lola ay Maaca, na siyang anak ni Absalom.
11 Ginawa ni Asa ang tama sa paningin ni Yahweh, na tulad ng ginawa ni David, na kaniyang ninuno.
2 Ginawa ni Asa ang mabuti at matuwid sa paningin ni Yahweh na kaniyang Diyos, 3 sapagkat tinanggal niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at mga dambana. Giniba niya ang mga sagradong batong poste at binuwal ang mga imahe ni Ashera.
12 Pinalayas niya ang mga lalakeng bayaran sa mga dambana mula sa lupain at tinanggal ang lahat ng mga diyus-diyosan na ginawa ng kaniyang mga ninuno. 13 Tinanggal niya rin si Maaca, ang kaniyang lola sa pagiging reyna dahil gumawa ito ng isang kasuklam-suklam na rebulto mula sa poste ni Asera. Pinutol ni Asa ang kasuklam-suklam na rebulto at saka sinunog sa Lambak ng Kidron.
14 Pero ang mga dambana ay nanatiling nakatayo. Ganumpaman, ang puso ni Asa ay ganap na nakalaan kay Yahweh sa buong buhay niya. 15 Dinala niya sa tahanan ni Yahweh ang lahat ng mga bagay na inihandog ng kaniyang ama at ang kaniyang mga handog kay Yahweh, mga bagay na gawa sa ginto at pilak.
4 Inutusan niya ang mga taga-Juda na hanapin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kaniyang batas at mga kautusan. 5 Tinanggal din niya sa lahat ng lungsod ng Juda ang mga dambana at ang mga altar na sunugan ng insenso. Naging mapayapa ang kaharian sa kaniyang pamamahala.
6 Nagpatayo siya ng matitibay na pader sa lungsod ng Juda, sapagkat mapayapa ang lupain at walang digmaan sa mga panahong iyon dahil binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. 7 Sapagkat sinabi ni Asa sa Juda, “Itayo natin ang mga lungsod na ito at gumawa tayo ng mga pader sa paligid nito, mga tore, tarangkahan at rehas. Sa atin pa rin ang lupain dahil hinanap natin si Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at binigyan niya tayo ng kapayapaan sa bawat dako.” Kaya nagtayo sila at nagtagumpay.
8 May mga kawal si Asa na nagdadala ng mga kalasag at mga sibat. Mula sa tribu ni Juda ay mayroon siyang 300, 000 na tauhan at mula sa tribu ni Benjamin ay 280, 000 na tauhan na nagdadala ng mga kalasag at mga pana. Malalakas at matatapang ang mga kalalakihang ito.
9 Nilusob sila ni Zera na taga-Etiopia na may hukbong isang milyong kawal at tatlong daang karwahe at nagtungo siya sa Maresa. 10 Pagkatapos, lumabas si Asa upang harapin siya at itinakda nila ang hanay para sa labanan sa lambak ng Sefata at Maresa.
11 Tumangis si Asa kay Yahweh na kaniyang Diyos at sinabi, “Yahweh, walang iba kundi ikaw lamang ang tumutulong sa mga mahihina kapag humaharap sa mga kaaway. Tulungan mo kami Yahweh na aming Diyos sapagkat umaasa kami sa iyo at sa iyong pangalan, narito kami laban sa ganito karaming bilang. Yahweh, ikaw ang aming Diyos, huwag mong hayaang matalo ka ng tao.”
12 Kaya hinampas ni Yahweh ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng Juda, tumakas ang mga taga-Etiopia. 13 Hinabol sila ni Asa at ang kaniyang mga kawal hanggang Gerar. Kaya marami sa mga taga-Etiopia ang namatay at ang iba ay hindi na nakabawi pa, dahil lubos silang nawasak sa harapan ni Yahweh at sa kaniyang hukbo. Marami ang nasamsam ng hukbo. 14 Winasak ng hukbo ang lahat ng nayon sa paligid ng Gerar, dahil natakot ang lahat ng naninirahan doon kay Yahweh. Sinamsam ng hukbo ang lahat ng nayon at marami silang nakuhang mahahalagang bagay. 15 Winasak din ng hukbo ang mga toldang tinirhan ng mga pastol na pagala-gala, kinuha nila ang napakaraming tupa, gayundin ang mga kamelyo at bumalik na sila sa Jerusalem.
Nakipagtipan si Asa sa Diyos
1 Bumaba ang Espiritu ng Diyos kay Azarias na anak na lalaki ni Oded. 2 Umalis siya upang makipagkita kay Asa at sinabi sa kaniya, “Makinig ka sa akin Asa at ang lahat ng mga tao sa tribu nina Juda at Benjamin. Kasama ninyo si Yahweh habang kayo ay nasa kaniya. Kung siya ay inyong hahanapin, matatagpuan ninyo siya. Ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil rin niya kayo. 3 Ngayon, sa napakahabang panahon, hindi kasama ng Israel ang tunay na Diyos, walang nagtuturong pari at wala ang kautusan ng Diyos. 4 Ngunit sa kanilang kagipitan, nagbalik-loob sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, hinanap nila si Yahweh at siya ay natagpuan nila. 5 Sa mga panahong iyon, walang kapayapaan sa taong naglalakbay palayo, ni sa taong naglalakbay papunta roon. Sa halip, malaki ang kapahamakang ang nasa lahat ng naninirahan sa mga lupain. 6 Nagkawatak-watak sila, bansa laban sa bansa at lungsod laban sa lungsod sapagkat pinahirapan sila ng Diyos ng lahat ng uri ng pagdurusa. 7 Ngunit magpakatatag kayo at huwag kayong panghinaan ng loob sapagkat gagantimpalaan kayo sa inyong mga gawa.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni propeta Oded, lumakas ang kaniyang loob at ipinaalis ang mga bagay na kasuklam-suklam sa buong lupain ng Juda at Benjamin at sa mga lungsod na nabihag niya mula sa bayan sa burol ng Efraim. Muli niyang ipinatayo ang dambana ni Yahweh na nasa harapan ng portiko ng tahanan ni Yahweh. 9 Tinipon niya ang lahat ng mga taga-Juda at Benjamin at ang mga naninirahang kasama nila, mga taong nagmula kay Efraim at Manases at Simeon. Sapagkat nang makita nila na kasama niya si Yahweh na kaniyang Diyos, napakarami nilang pumunta sa kaniya na nagmula sa Israel.
10 Kaya nagtipun-tipon sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Asa. 11 Nang araw na iyon, inihandog nila kay Yahweh ang ilan sa kanilang mga nasamsam: pitong daang baka at pitong libong tupa at mga kambing ang kanilang dinala. 12 Gumawa sila ng kasunduan na hahanapin nila nang buong puso at kaluluwa si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 13 Nagkasundo sila na dapat ipapatay ang sinumang tumangging hanapin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hamak man o dakila ang taong ito, lalaki man o babae. 14 Nangako sila kay Yahweh nang may malakas na tinig, may sigawan, may mga trumpeta at may mga tambuli. 15 Nagalak ang buong Juda sa pangako, sapagkat buong puso silang nangako kay Yahweh at hinanap nila ang Diyos nang may buong pagnanais at siya ay natagpuan nila. Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain.
18 Dinala niya sa tahanan ng Diyos ang mga kagamitan ng kaniyang ama at ang kaniyang sariling kagamitan na pag-aari ni Yahweh: mga pilak at mga gintong kagamitan.
19 Wala nang digmaan hanggang sa ika-tatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.