Nagpahayag ng Propesiya si Amos Laban sa mga Bansa at sa Israel

Ipinahayag ni Amos ang paghatol sa mga kalapit na bansa, at sa Israel at Juda.

793 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Amos 1–4

1 Ito ang mga bagay tungkol sa Israel na natanggap sa pamamagitan ng pagpapahayag kay Amos na isa sa mga pastol sa Tekoa. Natanggap niya ang mga bagay na ito noong panahon ni Uzias na hari ng Juda, at sa panahon din ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago ang lindol. 2 Sinabi niya, “Umaatungal si Yahweh mula sa Zion; nilakasan niya ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa, ang tuktok ng Carmelo ay nalalanta.”

3 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Damasco, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, sapagkat giniik nila ang Gilead sa pamamagitan ng mga instrumentong bakal. 4 Magpapadala ako ng apoy sa bahay ni Hazael, at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Ben-Hadad. 5 Babaliin ko ang mga bakal na tarangkahan ng Damasco at tatalunin ang lalaking naninirahan sa Biqat Aven, at maging ang lalaking humahawak sa setro mula sa Beth-eden; ang mga taga-Aram ay mabibihag sa Kir,” sabi ni Yahweh.

6 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Gaza, o kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil kinuha nilang bihag ang lahat ng mga tao upang ipasakamay sila sa Edom. 7 Magpapadala ako ng apoy sa mga pader ng Gaza at tutupukin nito ang kaniyang mga tanggulan. 8 Lilipulin ko ang lalaking naninirahan sa Asdod at ang lalaking humahawak sa setro mula sa Ashkelon. Ibabaling ko ang aking kamay laban sa Ekron at ang ibang mga Filisteo ay mamamatay,” sabi ng Panginoong Yahweh.

9 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Tiro, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil ipinasakamay nila ang buong pangkat ng mga tao sa Edom at sinira nila ang kanilang kasunduan ng kapatiran. 10 Magpapadala ako ng apoy sa mga pader ng Tiro, at tutupukin nito ang kaniyang mga tanggulan.”

11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Dahil sa tatlong kasalanan ng Edom, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil tinugis niya ang kaniyang kapatid ng espada at hindi man lang naawa. Nagpatuloy ang kaniyang matinding galit at ang kaniyang poot ay tumagal nang walang hanggan. 12 Magpapadala ako ng apoy sa Teman, at tutupukin nito ang mga palasyo ng Bozra.”

13 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Dahil sa tatlong kasalanan ng mga Ammonita, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis na kababaihang Gilead, upang maaari nilang palawakin ang kanilang mga nasasakupan. 14 Magsisindi ako ng apoy sa mga pader ng Rabba, at tutupukin nito ang mga palasyo, na may kasamang sigaw sa araw ng labanan, na may kasamang bagyo sa araw ng ipu-ipo. 15 Ang kanilang hari at ang kaniyang mga opisyal ay sama-samang mabibihag,” sabi ni Yahweh.

2:1 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Moab, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil sinunog niya ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa naging apog. 2 Magpapadala ako ng apoy sa Moab at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Keriot. Mamamatay ang mga taga-Moab sa isang kaguluhan, na may sigaw at may tunog ng trumpeta. 3 Sisirain ko ang hukom sa kaniya, at papatayin ko ang lahat ng mga prinsipeng kasama niya,” sabi ni Yahweh.

4 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Juda, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil hindi nila sinunod ang kautusan ni Yahweh at hindi iningatan ang kaniyang mga palatuntunan. Ang kanilang kasinungalingan ang naging sanhi ng kanilang pagkakasala, katulad ng tinahak ng kanilang mga ama. 5 Magpapadala ako ng apoy sa Juda at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Jerusalem.”

6 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Dahil sa tatlong kasalanan ng Israel, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil ibinenta nila ang mga walang kasalanan para sa pilak at ang nangangailangan ay para sa pares ng sandalyas. 7 Tinatapakan nila ang ulo ng mga mahihirap gaya nang pagtapak ng mga tao sa alikabok sa lupa; palayo nilang ipinagtutulakan ang naapi. Ang mag-ama ay sumisiping sa iisang babae at nilalapastangan ang aking banal na pangalan. 8 Nahiga sila sa tabi ng bawat altar sa ibabaw ng kasuotang kinuha bilang mga panunumpa, at sa tahanan ng Diyos ay ininom nila ang alak na multa. 9 Kaya winasak ko ang mga Amoreo sa harap nila, na kasingtaas ng puno ng sedar; siya ay kasinglakas ng ensina. Ngunit winasak ko ang kaniyang bunga sa taas at kaniyang mga ugat sa ilalim. 10 Gayundin, inilabas ko kayo sa lupaing Egipto at pinangunahan ko kayo sa ilang ng apatnapung taon upang maangkin ninyo ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pumili ako ng mga propetang mula sa inyong mga anak na lalaki at mga Nazareo mula sa inyong mga nakababatang kalalakihan. Hindi ba tama iyon, mga Israelita? —ito ang pahayag ni Yahweh.” 12 “Ngunit hinimok ninyo ang mga Nazareo upang inumin ang alak at inutusan ang mga propetang huwag magpropesiya. 13 Tingnan ninyo, dudurugin ko kayo gaya ng pagdurog ng kariton na puno ng butil na maaaring durugin ang sinuman. 14 Ang mabilis na tao ay hindi makakatakas; ang malakas ay hindi na madadagdagan pa ang kaniyang kalakasan; maging ang magiting ay hindi niya maililigtas ang kaniyang sarili. 15 Ang mamamana ay hindi makatatayo; ang pinakamabilis tumakbo ay hindi makakatakas; ang mangangabayo ay hindi niya maililigtas ang kaniyang sarili. 16 Kahit na ang mga pinakamatapang na mandirigma ay tatakas na hubad sa araw na iyon—ito ang pahayag ni Yahweh.”

3:1 Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ni Yahweh laban sa inyong mga Israelita, laban sa buong pamilya na aking inilabas sa lupain ng Egipto, 2 Kayo lamang ang pinili ko sa lahat ng mga pamilya sa lupa. Dahil dito parurusahan ko kayo sa inyong mga kasalanan. 3 Lalakad bang magkasama ang dalawa nang walang pinagkasunduan? 4 Umaatungal ba ang isang leon sa gubat kapag wala itong nabiktima? Umuungol ba ang isang batang leon sa kaniyang yungib kung wala siyang nahuling anuman? 5 Mabibitag ba ang isang ibon sa lupa kung walang paing nakahanda sa kaniya? Iigkas ba ang isang bitag sa lupa kung wala itong nahuling anuman? 6 Tutunog ba ang trumpeta sa lungsod at hindi manginginig sa takot ang mga tao? Darating ba ang sakuna sa isang lungsod kung hindi si Yahweh ang nagpadala nito? 7 Tiyak na walang gagawing anuman ang Panginoong Yahweh hanggang hindi niya naipapahayag ang kaniyang plano sa kaniyang mga lingkod na mga propeta. 8 Ang leon ay umatungal; sino ang hindi matatakot? Nagsalita ang Panginoong Yahweh; sino ang hindi magpapahayag? 9 Ipahayag ito sa mga tanggulan ng Asdod at sa mga tanggulan sa lupain ng Egipto; na sinabi: “Magtipon-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria at tingnan ninyo kung ano ang malaking kaguluhan at pang-aapi ang nasa kaniya. 10 Sapagkat hindi nila alam kung paano gumawa ng mabuti”—Ito ang pahayag ni Yahweh—”Nag-ipon sila ng pagkawasak at kasiraan sa kanilang mga tanggulan.”

11 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Isang kaaway ang papalibot sa inyong lupain. Ibabagsak ang inyong pinatibay na moog at lolooban ang inyong mga tanggulan.”

12 Ito ang sinasabi ni Yahweh: Gaya ng pagsagip ng pastol sa bunganga ng leon na dalawang hita lamang ang makukuha o isang piraso ng tenga, kaya ang masasagip ng mga Israelita na naninirahan sa Samaria ay kapiraso ng sopa lamang o isang piraso ng pantakip sa higaan.” 13 Pakinggan at magpatotoo laban sa sambahayan ni Jacob—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh na Diyos ng mga hukbo. 14 “Sapagkat sa araw na parurursahan ko ang Israel sa kanilang mga kasalanan, parurusahan ko rin ang mga altar ng Bethel. Ang mga sungay sa altar ay mapuputol at babagsak sa lupa. 15 Wawasakin ko ang bahay na para sa taglamig kasama ang bahay para sa tag-init. Ang mga bahay na gawa sa garing ay mawawala, at ang malalaking mga bahay ay mawawala rin,”—Ito ang pahayag ni Yahweh.

4:1 Pakinggan ninyo ang salitang ito, kayong mga baka sa Bashan, kayong nasa bundok ng Samaria, kayo na nagmamalupit sa mga mahihirap, kayo na nagkakait sa mga nangangailangan, kayo na nagsasabi sa inyong mga asawang lalaki, “Dalhan ninyo kami ng maiinom.”

2 Ang Panginoong Yahweh ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang kabanalan: “Tingnan ninyo, darating ang mga araw na kukunin nila kayo sa pamamagitan ng mga kalawit, ang mga huli sa inyo ay bibingwitin. 3 Makakalabas kayo sa mga nasirang pader ng lungsod, bawat isa na magpapatuloy palabas dito, at kayo ay itatapon sa Harmon—ito ang pahayag ni Yahweh.” 4 Pumunta kayo sa Bethel at magkasala, sa Gilgal at magparami ng kasalanan. Dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga, ang inyong mga ikapu sa bawat ikatlong araw. 5 Mag-alay ng handog pasasalamat na may tinapay; ipaalam ang kusang-loob na paghahandog. Sasabihin ninyo sa kanila, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyo, kayong mga Israelita—ito ang pahayag ng Panginoong si Yahweh.” 6 “Ibinigay ko sa inyo ang kalinisan ng mga ngipin sa lahat ng inyong mga lungsod at kakulangan ng tinapay sa lahat ng inyong mga lugar. Gayunpama'y hindi kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh.” 7 “Pinigilan ko din ang ulan sa inyo nang mayroon pang tatlong buwan para mag-ani. Nagpaulan ako sa isang lungsod, at sa ibang lungsod ay hindi ko pinaulan. Sa isang bahagi ng lupain ay naulanan, ngunit sa isang bahagi ng lupain na hindi naulanan ay natuyo. 8 Nagpagala-gala ang dalawa o tatlong lungsod sa ibang lungsod upang uminom ng tubig, ngunit hindi sila nasiyahan. Ngunit hindi pa rin kayo bumalik sa akin—ito ang ang pahayag ni Yahweh.” 9 “Pahihirapan ko kayo ng pagkalanta at amag. Marami sa inyong mga halamanan, ng inyong mga ubasan, ng inyong mga puno ng igos at olibo—kakainin silang lahat ng balang. Gayunpama'y hindi pa rin kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh.” 10 Pinadala ko sa inyo ang salot na gaya sa Egipto. Pinatay ko sa espada ang inyong mga kabataang lalaki, kinuha ang inyong mga kabayo, at ginawa kong mabaho ang inyong kampo na umabot sa inyong mga pang-amoy. Gayunpama'y hindi kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh.” 11 “Sinira ko ang inyong mga lungsod, gaya ng pagsira ng Diyos sa Sodoma at Gomorra. Katulad kayo ng nasusunog na patpat na hinango sa apoy. Gayunpama'y hindi pa rin kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh.” 12 “Dahil dito gagawa ako ng kakila-kilabot na bagay sa inyo, Israel; at dahil sa gagawin kong kakila-kilabot na bagay, maghanda kayo upang harapin ang inyong Diyos, Israel! 13 Kaya, tingnan ninyo, ang bumuo sa mga bundok pati na rin ang lumikha ng hangin, nagpahayag ng kaniyang kaisipan sa sangkatauhan, ang nagpapadilim ng umaga, at tumutungtong sa mga matataas na lugar sa Lupa.” Ang kaniyang pangalan ay Yahweh, Diyos ng mga hukbo.