Ang Kaharian ng Israel
Ang Pagtatapos ng Paghahari ni Jeroboam II
809 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
25 Ibinalik niya ang hangganan ng Israel mula sa Lebo Hamat hanggang dagat ng Araba, bilang katuparan sa salita ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na kaniyang sinabi sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas anak ni Amitai, ang propeta, na nagmula sa Gat-hefer. 26 Dahil nakita ni Yahweh ang paghihirap ng Israel, na napakapait para sa lahat, alipin man o malaya, at walang magliligtas sa Israel. 27 Kaya sinabi ni Yahweh na hindi niya buburahin ang pangalan ng Israel sa ilalim ng kalangitan; sa halip, niligtas niya sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam anak ni Jehoas.
Nagpahayag ng Propesiya si Hosea sa Israel 801 B.C.
Ang unang panawagan ni Hosea sa sampung lipi.
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Hosea, na anak na lalaki ni Beeri sa panahon nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias na mga hari ng Juda, at sa panahon ni Jeroboam, na anak na lalaki ni Jehoas na hari ng Israel.
2 Noong unang magsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya sa kaniya, “Humayo ka, mag-asawa ka ng babaing nagbebenta ng aliw. Magkakaroon siya ng mga anak na bunga ng kaniyang pagbebenta ng aliw. Sapagkat nagkakasala ang lupain ng matinding gawain ng pagbebenta ng aliw habang tinatalikuran ako.”
3 Kaya, humayo si Hosea at pinakasalan si Gomer na anak na babae ni Diblaim, at nagbuntis siya at nagsilang siya sa kaniya ng isang anak na lalaki.
4 Sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siya sa pangalang Jezreel. Sapagkat hindi magtatagal, paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa pagdanak ng dugo sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng sambahayan ni Israel. 5 Mangyayari ito sa araw na iyon na babaliin ko ang pana ng Israel sa lambak ng Jezreel.”
6 Nagbuntis muli si Gomer at nagsilang ng isang anak na babae. At sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ruhama, sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni dapat ko pa silang patawarin. 7 Ngunit mahahabag ako sa sambahayan ni Juda, at ako mismo, si Yahweh na kanilang Diyos ang magliligtas sa kanila. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng pana, espada, digmaan, mga kabayo, o ng mga mangangabayo.”
8 Nang maawat ni Gomer si Lo-ruhama sa pagsuso, nagbuntis siya at nagsilang ng isa pang anak na lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ammi, sapagkat hindi ko kayo mga tao at hindi ako ang inyong Diyos.
10 Ngunit ang bilang ng mga tao ng Israel ay magiging tulad ng buhangin sa dalampasigan, na hindi masusukat o mabibilang. Mangyayari ito kung saan sinabi sa kanila na, 'Hindi ko kayo mga tao,' sasabihin ito sa kanila, 'Kayo ay mga tao ng buhay na Diyos.' 11 Titipunin ang mga tao ng Juda at mga tao ng Israel. Magtatalaga sila ng isang pinuno para sa kanila at lalabas sila mula sa lupain, sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.
2:1 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, 'Aking mga tao!' at sa inyong mga kapatid na babae, 'Pinakitaan kayo ng habag.'”
2 Isakdal mo ang iyong ina, isakdal mo, sapagkat hindi ko siya asawa, at hindi rin niya ako asawa. Hayaan mong alisin niya ang kaniyang pagbebenta ng aliw mula sa kaniyang harapan, at ang kaniyang mga gawaing pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso. 3 Kung hindi, huhubaran ko siya at ipapakita ang kaniyang kahubaran gaya sa araw ng kaniyang pagkasilang. Gagawin ko siyang tulad ng ilang, tulad ng isang tigang na lupa at papatayin ko siya sa uhaw. 4 Hindi ako mahahabag sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay mga anak sa pagbebenta ng aliw. 5 Sapagkat ang kanilang ina ay naging babaing nagbebenta ng aliw, at siya na nagbuntis sa kanila ay gumawa ng kahiya-hiya. Sinabi niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig, sapagkat ibinibigay nila sa akin ang aking tinapay at tubig, ang aking lana at lino, ang aking langis at inumin.” 6 Kaya gagawa ako ng bakod ng mga tinik upang harangan ang kaniyang daraanan. Gagawa ako ng pader laban sa kaniya upang hindi niya makita ang kaniyang daraanan. 7 Hahabulin niya ang kaniyang mga mangingibig, ngunit hindi niya sila maaabutan. Hahanapin niya sila, ngunit hindi niya sila matatagpuan. Pagkatapos, sasabihin niya, “Babalik ako sa aking unang asawa, sapagkat mas mabuti para sa akin noon kaysa ngayon.” 8 Sapagkat hindi niya nalamang ako ang nagbigay sa kaniya ng butil, ng bagong alak at ng langis, at ang nagbigay sa kaniya ng labis-labis na pilak at ginto, na ginamit naman nila para kay Baal. 9 Kaya babawiin ko ang kaniyang butil sa panahon ng anihan at ang aking bagong alak sa kapanahunan nito. Babawiin ko ang aking lana at lino na ginamit upang takpan ang kaniyang kahubaran. 10 Pagkatapos, huhubaran ko siya sa harapan ng kaniyang mga mangingibig, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay. 11 Patitigilin ko rin ang lahat ng kaniyang mga pagdiriwang—ang kaniyang mga pista, ang kaniyang mga pagdiriwang sa bagong buwan, ang kaniyang mga Araw ng Pamamahinga, at ang lahat ng kaniyang mga itinakdang kapistahan. 12 Wawasakin ko ang kaniyang mga puno ng ubas at ang kaniyang mga puno ng igos, na sinabi niya, “Ito ang mga kabayarang ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.” Gagawin kong gubat ang mga ito, at kakainin ng mga hayop sa parang ang mga ito. 13 Paparusahan ko siya dahil sa mga araw ng pista ng mga Baal, nang nagsunog siya ng insenso sa kanila, nang pinalamutian niya ang kaniyang sarili ng kaniyang mga singsing at alahas, at sinundan niya ang kaniyang mga mangingibig at nilimot ako.” Ito ang pahayag ni Yahweh.
14 Kaya susuyuin ko siya upang manumbalik. Dadalhin ko siya sa ilang at magiliw ko siyang kakausapin. 15 Ibabalik ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan, at ang lambak ng Achor bilang pintuan ng pag-asa. Sasagot siya sa akin doon gaya ng ginawa niya sa panahon ng kaniyang kabataan, gaya sa panahon nang lumabas siya sa lupain ng Egipto. 16 “Mangyayari ito sa araw na iyon”—ito ang pahayag ni Yahweh—”na tatawagin mo akong, 'Aking asawa,' at hindi mo na ako tatawagin pang, 'Aking Baal.' 17 Sapagkat tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga Baal mula sa kaniyang bibig, hindi na maaalala pa ang kanilang mga pangalan.” 18 “Sa araw na iyon, gagawa ako ng kasunduan para sa kanila sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa. Paaalisin ko ang pana, ang espada, at ang digmaan mula sa lupain at pahihigain kita nang ligtas. 19 Ipapangako kong magiging asawa mo ako magpakailanman. Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katuwiran, sa katarungan, sa katapatan sa kasunduan at sa kahabagan. 20 Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katapatan. At makikilala mo ako, si Yahweh. 21 At sa araw na iyon, sasagot ako”—ito ang pahayag ni Yahweh. “Sasagutin ko ang mga langit at sasagutin ng mga ito ang lupa. 22 Sasagutin ng lupa ang butil, ang bagong alak at ang langis at sasagutin ng mga ito ang Jezreel. 23 Itatanim ko siya sa lupain para sa akin, at kahahabagan ko si Lo-ruhama. Sasabihin ko kay Lo-Ammi, 'Ikaw si Ammi Attah,' at sasabihin niya sa akin, 'Ikaw ang aking Diyos.'”
3:1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Humayo kang muli, umibig ka sa isang babae, na inibig ng kaniyang asawa, ngunit isang mangangalunya. Ibigin mo siya gaya ko, si Yahweh, na iniibig ang mga tao ng Israel, kahit na bumabaling sila sa ibang mga diyos at iniibig ang mga tinapay na may pasas.”
2 Kaya binili ko siya para sa aking sarili ng labinlimang pirasong pilak at ng isang homer at isang lethek ng sebada. 3 Sinabi ko sa kaniya, “Mamuhay ka kasama ko ng mahabang panahon. Hindi ka na magiging babaing nagbebenta ng aliw o magiging pag-aari ng sinumang ibang lalaki. gayundin naman, makakasama mo ako.”
4 Sapagkat mamumuhay sa mahabang panahon ang mga tao ng Israel nang walang hari, prinsipe, alay, haliging bato, efod o mga diyus-diyosan sa sambahayan. 5 Pagkatapos, manunumbalik at hahanapin ng mga tao ng Israel si Yahweh na kanilang Diyos at si David na kanilang hari. At sa huling mga araw, lalapit silang nanginginig sa harapan ni Yahweh at sa kaniyang kabutihan.